Monday, April 5, 2010

Bangungot

Hinehele siya ng alapaap habang naliligo sa liwanag
ng buwang namimintog, nagsasabog ng alindog.
Ginagantihan niya ng ngiti ang kindat ng mga bituing
nananakam sa kanilang rikit, nanghahalinang maangkin.

Sinusuyo siya ng banayad na bango ng dama de nocheng
nasa kasukdulan ng pakikipagniig sa hanging malamig.
Dinadampian siya ng dalisay na halik ng sariwang hamog
na nag-iiwan ng manipis na kiliti sa bawat bahaging madilig.

Hindi niya napaglabanan ang tukso ng mapulang mansanas
na kanyang nginasab, dumaloy sa bisig ang naghalong laway at katas.
Ninamnam niya ang mainit-init pang pulot na dinukot sa tahanan ng mga bubuyog
na magdamag nagpagod, nilusaw ang tamis, sa dila pinaikot-ikot.

Malamig ang hanging lumilingkis sa kanyang kalamnan ngunit
malambot ang init na kumukumot sa buo niyang katawan.
Sinasakal ng tinik ang nanunuyo niyang lalamunan ngunit
tinitighaw ito ng malakristal na tubig sa mga luntiang halaman.

Nang tubig ay manuot sa bawat himaymay ng kanyang ugat
buwa’y sumigaw, mga bitui’y nabaliw, isa-isang nagbagsakan.
Mga dama de noche’y nanuyo, nahimatay, nalagas sa sangsang
ng mga hamog na naging talsik ng putik sa inuulang libingan.

Mansanas ay pinagnaknakan ng uod, naging dugo ang pulot
na umalpas saanman may lagusan sa nagmamakaawang katawan.
Hangi’y nanakal, nilagot ang hininga habang mga insekto’y
nagpista, nag-unahan sa paglabas sa bungangang nakabuka.

Sumigaw siya nang malakas ngunit walang tinig na kumawala.
Nagtangkang manlaban ngunit nalunod lang sa sa lalong kadiliman.
Nang kaluluwa niya’y magutay at ulirat ay malapit nang maparam,
isang makapangyarihang tinig ang narinig, nagbalik ng lahat ng buhay.

Umaga na pala.

No comments:

Post a Comment