Friday, October 9, 2009

Salin sa Filipino ng Inaugural Speech ni Barrack Obama, Pangulo ng Amerika at Nobel Prize Laureatte


Mga kababayan ko:

Ako’y nasa harap ninyo ngayon, may pagpapakumbaba sa tungkuling sa ati’y naghihintay, puno ng pasasalamat sa tiwalang inyong ipinagkaloob, malay sa mga sakripisyong pinagdaanan ng ating mga ninuno. Pinasasalamatan ko si Pangulong Bush sa pagsisilbi niya sa bansa, gayundin sa pagiging bukas-palad at pakikiisa sa transisyong ito ng pamamahala.

Apatnapu’t apat na Amerikano na ang nanumpang pangulo. Binigkas ang panunumpa kung kailan namamayani ang kasaganahan at kapayapaan sa bansa. Gayunpaman, sa tuwina na lang ay tinutupad ang sumpa sa gitna ng mga unos na sa ati’y sumusubok. Sa mga sandaling ito, nananatili tayong nakatayo hindi lang dahil sa kakayahan o kahandaan ng mga nasa kapangyarihan kundi dahil Tayong mga Mamamayan ay nanatiling tapat sa mga paniniwala ng mga lumalang sa atin at totoo sa isinasaad ng mga dokumentong nagtatag sa atin.

Nagkagayon na nga. Nakarating tayo sa kasalukuyang henerasyon ng mga Amerikano.

Ganap na ngayong nauunawaang tayo’y nasa panahon ng krisis. Ang ating bansa ay nakikidgma laban sa sanga-sangang karahasan at poot na malayo na ang nararating. Lubhang nanghina ang ating ekonomiya hindi lamang dahil sa kasakiman at kawalang-pananagutan ng ilan, kundi dahil din sa pangkalahatang kabiguan nating makagawa ng mabibigat na pasya at maihanda ang bansa sa makabagong panahon. Maraming nawalan ng tahanan; maraming natanggalan ng trabaho; maraming nagsarang negosyo. Naging napakamahal ng pangangalaga sa ating kalusugan; lubhang marami ang di-makapasok sa ating mga paaralan; at bawat araw na lumilipas, lalong napapatunayang ang paggamit natin ng enerhiya ay higit lamang nakapagpapalakas sa ating mga kalaban at nagbabanta sa ating daigdig.

Ang mga ito ang mga pananda ng isang krisis, na inaayunan ng mga datos at estadistika. Bagamat hindi gaanong nasusukat, isang simbigat na suliranin ang pagkawala ng tiwala ng mga mamamayan bunsod ng di-maalis na takot na wala nang makapipigil sa pagbagsak ng Amerika at hindi na makakapangarap nang mataas ang susunod na henerasyon.

Ngayon, sinasabi ko sa inyong totoo ang mga pagsubok na ating kinahaharap.

Seryoso ang mga ito at sadyang marami. Hindi madaling mahaharap ang mga ito o malulutas sa maikling panahon lang. Ngunit tandaan mo, Amerika: mapagtatagumpayan ang mga pagsubok.

Sa araw na ito, nagtitipun-tipon tayo dahil pinili natin ang pag-asa sa halip na takot, ang pagkakaisa ng mga layunin sa halip na pagtutunggali ng mga ito at di-pagkakasundu-sundo.

Sa araw na ito, nagsasama-sama tayo upang ihayag ang pagtapos sa mga walang-kabuluhang daing at sa mga bulaang pangako, ang mga putik na ibinabato at gasgas na paniniwalang sumakal sa ating pulitika sa nakalipas na mahabang panahon.

Nananatili tayong isang batang bansa, ngunit ayon nga sa wika ng Banal na Kasulatan, dumating na ang panahon upang isantabi ang mga gawaing pangmusmos. Dumating na ang panahon upang pagtibayin ang ating di-nagmamaliw na diwa; upang pumili ng isang mas magandang kasaysayan; upang isulong ang isang mahalagang biyaya, ang isang dakilang kaisipang ipinapasa-pasa sa bawat salinlahi: ang pangakong binitiwan ng Panginoon na lahat ay pantay, lahat ay malaya at lahat ay nararapat magkaroon ng pagkakataong abutin ang kanilang ganap na kaligayahan.

Sa muling pagkilala sa kadakilaan ng ating bansa, natatalos nating hindi ito bastang ipinagkaloob sa atin. Ito’y pagsisikapan nating matamo. Kailanman, ang ating paglalakbay ay hindi naging pagpili sa mas madaling daan o sa pagiging masaya sa kung ano na lang ang mayroon.

Hindi ito naging landas para sa isang duwag – para sa mga taong higit na pinipili ang paglilibang kaysa paggawa o hinahabol lang ang kasiyahang dulot ng kayamanan at kabantugan. Sa halip, ang mga taong sumubok, kumilos, lumikha ng mga bagay – ilan sa kanila’y kilala ngunit mas karaniwan, mga taong di-maunawaan sa kanilang ginagawa – ang umakay sa atin sa mahaba at mabatong daan tungo sa kasaganahan at kalayaaan.

Para sa atin, dinala nila ang ilan nilang mga ari-arian at naglakbay sa mga karagatan upang tumuklas ng bagong buhay.

Para sa atin, nagtrabaho silang mabuti at inihanda ang Kanluran; tiniis nila ang hagupit ng latigo at nilinang ang matigas na lupa.

Para sa atin, lumaban sila at namatay sa mga lugar tulad ng Concord at Gettysburg; Normandy at Khe Sahn.

Muli’t muli, ang kalalakihan at kababaihang ito’y nagsikap at nagsakripisyo at kumilos hanggang sa malamog ang kanilang mga kamay upang magtamasa lang tayo nang mas mabuting buhay. Nakita nila ang Amerika nang higit pa sa mga pinagsama-samang pangarap ng bawat isa sa atin; higit pa sa lahat ng ating mga pagkakaiba-iba sa kapanganakan, yaman o pangkat na kinabibilangan.

Ito ang paglalakbay na ipinagpapatuloy natin ngayon. Nananatili tayong pinakamaunlad at pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig. Lalong naging mabunga ang ating mga manggagawa sapul nang magkaroon ng krisis. Lalong naging malikhain ang ating mga isip, lalong kinailangan ang ating mga produkto’t serbisyo noong nakalipas na linggo, buwan o taon. Hindi nababawasan ang ating kakayahan. Gayunpaman, siguradong lumipas na ang mga yugto ng kawalan ng paninindigan, pangangalaga sa mabababaw na interes at pagbuo ng mga di-tamang pasya. Simula sa araw na ito, dapat tayong tumayo, ihanda ang ating mga sarili at muling simulan ang paglikha sa bagong Amerika.

Saanmang dako natin ibaling ang ating paningin, may gawaing dapat tapusin. Nananawagan ng pagkilos ang ekonomiya, at kikilos tayo nang matapang ngunit banayad hindi lang upang makalikha ng mga bagong trabaho kundi upang maglatag ng bagong pundasyon para sa paglago. Magtatayo tayo ng mga daan at mga tulay, ang mga nagsisilbing kawad ng kuryente at kable ng teleponong bumubuhay sa ating mga negosyo at nagbubklod sa atin. Muli nating iluluklok ang agham sa dapat nitong kalagyan at lulubusin ang mga biyaya ng teknolohiya upang maitaas ang kalidad ng pangangalagang pangkalusugan at maibaba ang halaga nito. Lilinangin natin ang araw at ang hangin at ang kalupaan upang paandarin ang ating mga sasakyan at pakilusin ang ating mga pabrika. Babaguhin din natin ang ating mga paaralan, kolehiyo at unibersidad upang makatugon sa mga kahingian ng makabagong panahon. Lahat ng ito’y magagawa natin. Laht ng ito’y gagawin natin.

Sa kasalukuyan, may mga kumukuwestyon sa mga hangganan ng ating mga pangarap, may mga nagsasabing hindi kayang pangatawan ng kasalukuyan nating sistema ang napakaraming malalaking plano. Madali silang nakalimot. Nabura na sa kanilang alaala kung ano na ang nagawa ng bansang ito; kung ano ang maaaring maabot ng malalayang kalalakihan at kababaihan kapag pinagsama-sama ang kanilang pagkamalikhain at tapang tungo sa iisang layunin.

Ang hindi nauunawaan ng mga walang-sampalataya ay hindi na umaayon sa kanila ang mga pangyayari – hindi na angkop ang kanilang mga nilulumot na paninindigang pampulitikang matagal na nating pinakikinggan. Hindi na natin ngayon tinatanong kung lubha bang malaki o maliit ang ating pamahalaan, kundi kung ito’y kumikilos – kung tinutulungan ba nito ang mga pamilyang makahanap ng trabahong may sapat na kita, abot-kayang pangangalagang-pangkalusugan, pagreretirong may dignidad. Kung saan oo ang sagot, doon tayo magpapatuloy. Kung saan hindi ang sagot, wala tayo roong programang sisimulan. At tayong mga nangangasiwa sa kaban ng bayan ay papapanagutin – upang gumastos nang nararapat, magtama ng mga buktot na gawi, magtrabaho nang matuwid – sapagkat ito lang ang paraan upang muling maibalik ang tiwala sa pagitan ng mga mamamayan at kanilang pamahalaan.

Hindi rin itinatanong kung kabutihan ba o kasamaan ang pinaggagamitan ng mga pamilihan.Hindi matatawaran ang kakayahan nitong magbunga ng kayamanan at magpalawig ng kalayaan, ngunit pinaaalalahanan tayo ng krisis na ating kinahaharap na kapag hindi nabantayan, maaaring mawalan ng kontrol ang pamilihan – at hindi magtatagal ang kasaganahan ng isang bansang kumikiling lamang sa mayayaman. Ang tagumpay ng ating ekonomiya’y hindi lamang laging nakasalalay sa kabuuang laki ng ating gross domestic product, kundi sa naaabot ng ating yaman; sa kakayahan nating magbigay ng pagkakataon sa mga pusong nakahandang sumubok – hindi dahil sa pagkakawanggawa kundi dahil ito ang tiyak na daan tungo sa kagalingang panlahat.

Para naman sa ating pangkalahatang kaligtasan, isang kamalian ang pagpili sa pagitan ng ating seguridad at ating mga paniniwala. Bagamat naharap sila sa mga panganib na hindi natin mawawatasan, bumuo ang ating mga Amang Tagapagtatag ng isang kasunduan upang matiyak ang kapangyarihan ng batas at ng mga karapatang pantao, isang kasunduang pinalawig pa ng mga sakripisyo ng bawat henerasyon. Ang mga paniniwalang iyon ay nagdudulot ng liwanag sa daigdig at hindi natin isusuko ang mga iyon para lang mapadali ang ating buhay.Kaya naman para sa lahat ng mga mamamayan at pamahalaang sumasaksi sa atin ngayon, mula sa pinakamariringal na punong-lungsod hanggang sa maliliit na baryo kung saan isinilang ang aking ama: Tandaan ninyong ang Amerika’y kaibigan ng bawat bansa at tao, ng bawat babae at batang naghahangad ng kapayapaan at dignidad, at nakahanda na kaming muling mamuno.

Alalahaning hinarap ng mga naunang salinlahi ang pasismo at komunismo hindi lang gamit ng mga baril at tangke, kundi ng matatatag na alyansa at di-nagmamaliw na mga paninindigan. Naunawaan nilang hindi lang kapangyarihan ang makapagsasanggalang sa atin at hindi rin ito nagpapahintulot na gawin natin ang anumang maibigan. Sa halip, napagtanto nilang lalong lumalago ang kapangyarihan sa maingat na paggamit nito; nag-uugat ang ating seguridad mula sa katarungan ng ating ipinaglalaban, sa bisa ng ating halimbawa, sa nakapagpapapayapang mga katangian ng pagpapakumbaba’t pagtitimpi.

Tayo ang mga tagapag-ingat ng pamanang ito. Sa muling paggabay ng mga prinsipyong ito, magagawa nating tugunan ang bagong bantang nangangailangan ng higit na lakas, ng lalong matibay na pakikipagtulungan at pag-uunawaan sa pagitan ng mga bansa. Sisimulan natin ang responsableng pagbabalik ng Iraq sa mga mamamayan nito, at ang pagtataguyod ng kapayapaan sa Afghanistan. Sa tulong ng mga dati nang kaibigan at dating mga kaaway, walang-pagod tayong kikilos upang maibsan ang bantang nukleyar at mabura ang larawan ng isang umiinit na daigdig. Hindi natin ihihingi ng tawad ang ating paraan ng pamumuhay o mag-uurung-sulong sa pagtatanggol nito, at sa mga nagbabalak isulong ang kanilang mga balakin sa pamamagitan ng pananakot at pagpatay sa mga walang-malay, tandaan ninyong mas matatag na ang diwa namin at hindi ito masusupil; hindi n’yo kami madadaig at tatalunin namin kayo.

Ito’y dahil naniniwala kaming isang kalakasan ang mga hinabi naming kalinangan, sa halip na isang kahinaan. Kami’y isang bansa ng mga Kristiyano at Muslim, ng mga Hudyo at Hindu at ng mga walang pananampalataya. Hinuhubog kami ng bawat wika at kulturang hinango sa bawat sulok ng mundong ito; at dahil natikman na natin ang pait ng digmaang sibil at pagbubukod-bukod ng mga lahi ngunit nagawang makaahon sa madilim na yugtong iyon nang may higit na lakas at pagkakaisa, hindi namin maiwasang maniwalang maglalaho rin ang matatandang alitan; na mabubura rin ang pagitan sa bawat tribo; na kasabay ng pagliit ng mundo’y ang pagpapakilala ng iisang katauhan; na dapat gampanan ng Amerika ang papel nito sa pagbibigay-daan sa bagong yugto ng katiwasayan.

Sa mga Muslim, tumutuklas kami ng bagong daan pasulong ayon sa mga interes na pinagsasaluhan natin at nakabatay sa paggagalangan.Sa mga pinuno naman saanmang dako ng daigdig na nagbabalak maghasik ng di-pagkakaunawaan, o isisi ang mga sakit ng kanilang lipunan sa Kanluran: Tandaan ninyong huhusgahan kayo ng inyong mga mamamayan hindi sa kung ano ang inyong winasak, kundi sa kung ano ang inyong nilikha. Sa mga pinunong nagkakapit-tuko sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pangungurakot at panloloko at pagpapatahimik sa mga tumutuligsa sa kanila, tandaan ninyong nasa maling panig kayo ng kasaysayan; ngunit nakahanda kaming tumulong kung nais ninyong magbago.

Sa mga mamamayan ng mahihirap na bansa, nangangako kaming kikilos kasama ninyo upang lumago ang inyong mga taniman at makadaloy ang malinis na tubig; upang mabigyang-sustansya ang mga payat ninyong katawan at mapatalas ang mga isip na uhaw sa karunungan. Sa mga bansa namang tulad naming sagana, hindi na namin mapapalampas ang kawalan ng malasakit sa kahirapan sa labas ng aming estado; hindi rin namin magagawang gamitin ang mga pinagkukunang-yaman ng daigdig nang hindi isinasaalang-alang ang magiging bunga nito. Ito’y dahil nagbago na ang mundo at dapat tayong magbago kasabay nito.

Sa pagpili sa daang ating tatahakin, alalahanin natin nang may pagpapahalaga ang magigiting na Amerikanong hanggang sa mismong sandaling ito’y nagbabantay sa malalayong disyerto at mga liblib na kabundukan. May dapat silang ibahagi sa atin ngayong araw, gaya ng ibinubulong ng mga nahihimlay na bayani sa Arlington sa mga nakalipas na panahon. Pinararangalan natin sila hindi lang dahil sila ang tagabantay ng ating kalayaan, kundi dahil kinakatawan nila ang diwa ng pagsisilbi; ang pagnanais na makatagpo ng kabuluhan nang higit pa sa sarili. Sa sandaling ito – isang sandaling magbibigay-kahulugan sa isang salinlahi – iyon mismo ang diwang dapat pumaloob sa ating lahat.

Higit pa sa maaaring gawin at dapat ginagawa ng isang pamahaalaan, sa pananampalataya at determinasyon ng mga mamamayang Amerikano tunay na nakasalalay ang bansang ito. Nagbibigay-liwanag sa gitna ng dilim ang kabutihan ng pagpapasakay sa isang estranghero kapag siya’y nasiraan, gayundin ang pagiging di-makasarili ng mga manggagawang mas nanaisin pang mabawasan ang oras ng kanilang pagtatrabaho kaysa makitang nawawalan ng hanapbuhay ang isang kaibigan. Nasa katapangan ng isang bumberong sumusuong sa nasusunog na hagdanan, gayundin sa pagnanais ng isang magulang na arugain ang kanyang anak, ang huling pagpapasya sa ating kapalaran.

Maaaring bago ang ating mga pagsubok. Maaari ring bago ang mga kasangkapang gamit natin upang matugunan ang mga ito. Ngunit ang mga pagpapahalaga kung saan nakabatay ang ating tagumpay – pagsisikap at katapatan, katapangan at pagiging patas, pagkabukas ng isip at pagtatanong, katapatan at pagkamakabayan – ay pawang pinanday na ng panahon. Pawang totoo ang mga pagpapahalagang ito. Ang mga ito ang nagsilbing tahimik na lakas na nagpalago sa ating kasaysayan. Ang kinakailangan, samakatuwid, ay ang pagbalik sa mga katotohanang ito. Ang hinihingi sa atin ngayon ay isang bagong yugto ng pananagutan – ang pagkilala ng bawat Amerikanong may mga tungkulin siya sa kanyang sarili, bansa at daigdig; ang mga tungkuling hindi natin tinatanggap nang may inis sa halip ay inaako nang may saya ay nagpapatibay lang sa paniniwalang wala nang makapagpapaganap pa sa ating kaluluwa kaysa pagbibigay ng buo nating makakaya sa pagsasakatuparan ng isang mahirap na tungkulin. Sadyang sinasalamin nito ang ating pagkatao.

Ito ang gantimpala at pangako ng pagkamamamayan.

Ito ang pinagmumulan ng ating tiwala sa sarili – ang karunungang inaasahan sa atin ng Panginoon upang mahubog ang isang bukas na walang katiyakan.

Ito ang kabuluhan ng ating kalayaan at ating paniniwala – kung bakit ang kalalakihan, kababaihan at kabataan ng bawat lahi at pananampalataya’y maaaring magsama-sama sa loob ng dakilang bulwagang ito, at kung bakit nagagawa na ng isang taong tumayo sa harap ninyo ngayon upang bumigkas ng napakabanal na sumpa gayong hindi pinagsilbihan ang ama niya sa isang lokal na kainan 60 taon na ang nakalilipas.

Ipagdiwang natin ang araw na ito nang may pag-alala sa kung sino tayo at kung gaano na kalayo ang ating narating. Sa taon ng pagkasilang ng Amerika kung kailan sagad ang lamig ng mga buwan, isang maliit na pulutong ng makakabayan ang nagsama-sama sa dalampasigan ng isang nagyeyelong ilog. Ang punong-lungsod ay iniwan.Parating na noon ang mga kaaway. Tumilamsik ang dugo sa mga niyebe. Sa isang sandali kung saan nawalan ng katiyakan ang kahahantungan ng ating pag-aalsa, iniutos ng ama ng ating bansang bigkasin ang sumusunod na pahayag sa mga mamamayan:

“Hayaan ninyong mabatid ng mga tao sa hinaharap… na sa kalaliman ng taglamig, kung kailan walang maaaring mabuhay kundi pag-asa at pagpapahalaga… ay nagsama-sama ang mga bayan at bansa upang harapin ang iisang panganib.

Amerika. Sa harap ng iisang panganib, sa malamig na panahong ito ng mga paghihirap, alalahanin natin ang mga pananalitang nabanggit. Muli nating harapin ang mga nagyeyelong alon at suungin ang anumang bagyong darating nang may pag-asa at pagpapahalaga. Hayaan ninyong masabi ng mga anak ng ating mga anak na noong panahong tayo’y sinubok, hindi natin tinalikuran ang paglalakbay na ito, na hindi tayo sumuko o pinanghinaan ng loob; at gamit ng mga paninging nakatanaw sa panginorin at ng mga biyaya ng Panginoon, tinangan natin ang dakilang kalayaang inihandog sa atin at ipinasa ito nang may pag-iingat sa mga sumunod sa atin.

Wednesday, September 30, 2009

Tara, Tuloy Ka!


“Isang kasawian ang maging bulag ngunit higit na kasawian ang magkaroon ng mga mata ngunit hindi makakita.” - Helen Keller

Kaligirang Kuwento

Naging tradisyon na sa pinagtuturuan kong hayskul na eksklusibo sa mga babae ang magpapanood ng isang pagtatanghal panteyatro taun-taon bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Tulad sa mga nakalipas na taon, isang dula ang ipinamalas namin sa kanila – ang Ismail at Isabel, na hain ng PETA para sa buwan ng Agosto. Dahil subok na namin ang kalidad ng naturang kumpanya – kabuluhan ng kuwento, galing ng mga artista, pagkamalikhain ng entablado at set, husay ng pagtitimpla ng ilaw at musika, aliw ng awit at sayaw, natatanging bisa – hindi naging mahirap para sa aming muling ibigay sa PETA ang bid ng panonooring dula mula sa di-iilang produksyong naghain sa amin ng kani-kanyang alok. Agosto 28 ang ibinigay sa aming petsa, ang unang pagpapalabas ng dula. Makaraang matiyak na bawat isang mag-aaral at kasamahang guro’y panatag nang nakaupo, sa bayad mang silya o bakanteng baitang ng hagdan, tinunghayan na namin ang dulang inakda ni Rody Vera at idinerehe ni Maribel Legarda.

Ang Ismail at Isabel ay sumesentro sa magkaibigang sina Ismail, isang Muslim at Isabel, isang Kristiyano at kung paano hinabi, pinatid at muling pinagdugtong ng magkaiba nilang mga pananampalataya ang kanilang pamumuhay at pagkakaibigan, at ng mga tao sa kanilang paligid. Nagsimula ang dula sa isang lugar sa Mindanao na kung tawagin ay Dilangawen, isang pook kung saan payapang namumuhay ang mga pamilyang Kristiyano at Muslim. Bagamat si Kristo ang sinasamba ng isa at ang isa nama’y si Allah, hindi ito nagiging ugat ng pagtatalo sa mga pamilya dahil naggagalangan ang mag-aasawa sa kani-kanyang paniniwala. Magkakabuklod din ang mga bata’t masayang naglalaro kahit ang isa’y kumakain ng baboy habang ang isa’y tumatakwil dito dahil isinilang sila sa lipunang di-nagtatangi kung sino ang “Christian” at kung sino ang “Muslim”. Gayunpaman, hindi rin nagtagal ang payapang pamumuhay ng mga mamamayan ng Dilangawen dahil naipit sila sa maalamat na pagtatalo ng mga rebeldeng Moro at sundalong Kristiyano. Nang manindigan ang mga pamilya sa pagpapatuloy ng normal na pamumuhay kaysa pagpili ng anumang alyansa, naipit sila sa panununog ng kabahayan, panonortyur at pagpatay, na mga paraan ng mga rebelde’t sundalo upang puksain ang isa’t isa. Naiwan sina Ismail at Isabel sa gitna ng pagkalipol na ito ng kanilang payapang eksistensya. Sumibol din ang paninisi sa mga isip nilang dating walang malisya at nasubok ang tibay ng kanilang pagkakaibigan. Mula sa mga labi ng kanilang dating maayos na komunidad, kung saan-saan na dinala sina Ismail at Isabel ng pangangailangang mabuhay. Nariyang mapadpad sila sa Maynila at maging laman ng lansangan; magkahiwalay ang kanilang landas dahil sa pagnanais ng isang mahanap ang kanyang sarili; maging tindero si Ismail ng mga piniratang DVD at kalauna’y ma-recruit bilang bantay ng mga kidnaper; makuha si Isabel bilang yaya ng isang paslit na laki sa layaw; at muling pagtagpuin ang kanilang landas ng isang krimen kung saan biktima si Isabel habang katulong na salarin naman si Ismail. Nagtapos ang dula, na hitik sa kuwento, aral, kulay, galaw at musika, sa pagnanais nina Ismail at Isabel na muling buhayin ang Dilangawen – hindi man bilang isang dating komunidad kung saan payapang namumuhay ang mga Muslim at Kristiyano – kundi sa pagpapatuloy sa buhay at pag-iingat ng mga kuwento nito sa kanilang mga puso. Sa huli, “kinatok” nila ang diwa’t damdamin ng mga manonood at nagbigay sila ng pahiwatig na hamon na sana, lahat ay “nag-iisip”.

Bukod sa aktuwal na kuwento ng dula, ginamit ding simbolikal na instrumento sa pagpapahiwatig ng mga haraya sa diwa ng mga taga-Dilangawen, sa kabila ng mararahas at mapapait na realidad na sumasakmal sa kanila, ang mga katutubong kuwento at alamat na inilahad sa paraang maaksyon at makulay. Ilan sa mga ito ang mito ng pagkakalalang ng tao na isinasalaysay ang kulay na hatid ng tiyak na yugto sa araw kung kailan lumalang ang Maykapal – puti sa mga taong ginawa sa umaga, kayumanggi sa mga nililok sa tanghali at itim naman sa mga nilikha sa gabi; ang alamat ng pagiging sultan ni Pilandok, kung saan, namatay ang masamang sultan matapos itong linlangin ni Pilandok na magpakulong at magpatapon sa ilalim ng dagat sapagkat mayroon doong mayamang kaharian kaya siya nakahalili sa trono; ang kuwento ng mayamang prinsipe at magsasakang may sako na ang panlalamang ng una’y naging sanhi ng mas malalim pang hidwaan ng dalawa; at ang istorya ng lalaking ginantimpalaan dahil sa pagtulong niya sa mga nangangailangan, kahit mismong pamilya niya ang mawalan at siya’y mapaglalangan na ng kanyang mga kapwa. Hindi lamang lalong pinayaman ng mga kuwentong ito ang istorya ng dula at pinahitik ito sa mga aral kundi pinalalim din nito ang kamalayan at pagpapahalaga ng mga manonood sa mga katutubong panitikan ng ating lahi, na ang iba’y ni hindi batid na mayroon pala. Kahit mabilis lamang ang pagbabalik-tanaw sa nasabing mga literatura, pinukaw pa rin ng mga ito ang likas na sensibilidad ng mga manonood para sa kanilang sariling kultura at nahamon silang bumalikat ng pananagutan upang mapayaman o mapanatili ito.

Pagsipat sa Pisikal at Teknikal na Aspekto

Isa sa mga unang tagpong tatambad sa mga tumutunghay sa dula ang pagpasok ng mga batang-lansangan mula mismo sa audience entrance at paglapit ng mga ito sa mga manonood para aktuwal na mamalimos. May mga gula-gulanit ang suot, may gulu-gulo ang buhok, may mga nagkalat ang grasa sa katawan, may mga naghihingutuhan, may mga kumakanta, sumasayaw o nagtatambol para limusan, may nagmamakaawang bigyan kahit pangkain lang, may nagagalit dahil pinagdamutan. Sa isip ko, batid kong palabas lang ang lahat, na isa itong estratehiya ng dula upang makapagtaguyod ng rapport sa mga manonood at mas mabisang maisangkot sila. Ngunit kahit nakokontrol ng konsyus kong diwa ang dapat kong ikilos at sabihin, may bahagi pa rin ng subkonsyus kong naaapektuhan. Nangangamba ako dahil baka magwala ang mga gumaganap na pulubi kapag nagbingi-bingihan ako sa pakiusap nila. Nag-aalala ako dahil baka duruin ako ng isa at ipamukhang walang puso tulad ng birong ginawa sa isang manonood. Natatakot ako dahil magaspang ang ugali ng mga batang-lansangan at baka manakit sila o mang-agaw ng mga gamit. Inoobserbahan ko rin noon ang reaksyon ng mga kapwa ko guro’t mag-aaral at karamihan sa kanila’y naapektuhan din – mas hayagan nga lamang, dahil talagang nagbigay sila ng barya sa mga umaarte lang namang pulubi. Ipinasok ng dula sa tanghalan ang isang pamilyar na tagpo sa labas na karaniwan nating iniiwasan. Ipinamukha’t isinangkot tayo nito sa isang realidad na marami sa atin ang nagbubulag-bulagan, likas man sa ating pagkatao o tahasan nating ginagawa, sa isang bulwagang nakapinid ang mga pinto at nahahanggaan ng mga pader kaya’t hindi matatakasan. Masasabi kong mabisa ang paraang ito na ginamit dahil “naapektuhan” nito ang mga manonood. Nailagay nito ang audience sa tiyak na sitwasyon ng mga karakter at naitaguyod sa kanila ang mga puhunang damdamin na kalauna’y magpapanuot sa kanila ng kuwento at mag-uudyok sa kanilang kumilos.

Bukod sa makatotohanang pagpinta ng dungis ng lansangan, isa pang patunay sa husay ng mga artista sa pag-arte ang pagganap nila ng iba’t ibang papel at pagpapanatili ng natatanging pagkakakilanlan ng bawat karakter na ito, gamit ng mga simpleng galaw lang. Ang isang babaeng artista, halimbawa, ay hindi lang gumanap na pulubi sa lansangan; naging ina rin siya, naging taong nililok ng Maykapal, naging taong humihingi ng tulong sa isang mabuting ginoo, naging taong-lansangang nakikipag-agawan sa espasyo, naging parokyanong nagambala sa pagdarasal sa simbahan, naging prinsesang Muslim, at sa huli’y bumalik sa karakter na kanyang pinagmulan. Ginawa niya ang lahat ng ito, gayundin ang iba pang artista, sa simpleng pagbabago ng kanyang pagkilos at pananalita. Malikhain ang pagpapalit ng mga karakter; simple’t di namamalayan ang kilos ngunit kapani-paniwala ang pagkakaiba-iba, kahit iisang katawang-lupa lang ang gumaganap ng lahat ng ito. Nakumbinsi rin ako ng dalawang pangunahing tauhang sina Ismail at Isabel sa kamusmusan ng kanilang mga papel na ginampanan at nawaglit sa isip kong halos katulad ko lamang sila ng gulang, sa totoong buhay. Makikita rin sa pag-usad ng dula ang transisyon ng kanilang mga karakter mula sa mga musmos na paslit na masayang naglalaro’t nagkukuwentuhan tungo sa mga taong ninakaw ng mapapait na realidad ang kabataan at bumabalikat na ng mga seryosong tungkulin mabuhay lang. Nakamamangha rin sapagkat bukod sa pag-arte, karagdagan ding tungkulin ng mga artista ang umawit at sumayaw, na pawang napanindigan nila hanggang sa dulo ng pagtatanghal. Mainam naman sa pandinig ang tinig ng karamihan sa mga artista, bagamat may ilang lubhang matinis ang boses o di kaya’y kababakasan na ng pagod. Nagawa rin nilang maisalin sa mga manonood ang kuwento ng kanilang awit at ang damdaming nakapaloob dito. Malilikhain din ang mga kilos at galaw na swabeng ineksekyut ng mga artista na lalong nagpalalim sa kahulugan at nagpasining sa kuwentong kanilang isinasalaysay o kinapapalooban. Dahil sa husay ng pagganap ng mga artista, nabatobalani nila ang mga manonood sa kanilang kuwento at nagawang madali para sa kanilang tumugon – humalakhak sa mga simpleng sundot ng pagpapatawa, umiyak o maawa sa mga nakalulungkot na trahedya, makisabay sa pag-awit, makiindak sa mga galaw at pumalakpak o humiyaw sa mga tagpong nakadadala.

Napagsanib ng set ang kasiningan at pagtitipid. Halos tatlong kasangkapan lamang ang matatagpuan sa entablado – ang puno, ang istrukturang hugis arko na may puting iskrin sa gitna at ang mga itim na kahong may iba’t ibang gamit – ngunit bawat isa sa mga ito’y may natatanging papel sa dula at sulit na sulit. Walang kasangkapan o props na inilagay para pumuno lang ng espasyo o may madapuan lang ang mga mata ng mga manonood. Dahil nakapuwesto sa gilid at nasisinagan ng matitingkad na ilaw ng teyatro, hindi agad mapapansing ang puno pa lang ginamit ay nahihiyasan ng maraming tsinelas na may iba’t ibang kulay na kung susundan ang yapak ay pataas. Sagisag ito ng makulay na paglalakbay na ginagawa natin sa buhay at ng pagnanasang maabot ng bawat isa ang isang mabuting kalagayan. Ginagamit naman ang iskrin sa pagpapalabas ng mga karilyo, na nagbibigay ng biswal na interpretasyon sa mga kuwentong inilalahad. Gamit din itong silhouette upang ikubli ang mararahas na tagpong hindi maaaring ipakita nang hayagan sa mga batang manonood, tulad ng panununog ng kabahayan at pananakit ng mga sundalong Kristiyano at rebeldeng Muslim sa mga inosenteng mamamayan kapag sinisiyasat nila ang mga ito. Bagamat sinadya para sa praktikal na gamit, maaari ring kumatawan ang puting kulay ng iskrin sa malinis na pag-iisip ng mga mamamayan, lalo na ng kabataan, na hindi pa nalalason ng panghuhusag’t pagbubukod sa mga taong kaiba nila ng pananampalataya. Ang mga itim na kahon nama’y tiyak ang pagkakayari, walang nakatagong bahagi ang mga ito na maaaring ilabas o mga nakalabas na estrukturang maaaring itago, ngunit sa pagbabagu-bago ng puwesto, gaya ng pagdidikit-dikit o pagpapatung-patong o pagtihaya o pagtaob, iba’t ibang lugar ang nabubuo – may mga tahanan ng magkakabuklod na pamilyang Kristiyano’t Muslim, may palasyo ng isang sultan, may plasang tulugan ng mga batang-lansangan, may tindahan ng mga piniratang DVD, may malaking bahay ng isang pamilyang mayaman, may hide-out ng mga kidnaper, at iba pa. Mahusay rin ang paglalapat ng mga ilaw dahil umaayon ang mga ito sa damdaming taglay ng isang tiyak na tagpo.

Makabuluhan din ang pagsasaliw ng musika, magkatulad na titik at himig, sapagkat bukod sa nagtataglay ito ng natatanging kuwento ukol sa mga istoryang isinasalaysay ng mga tauhan o isang pangyayaring nagaganap sa kanilang buhay, magaan ding dalhin ang mga awitin na sadyang akma sa target audience na kabataan. Malakas ang recall ng mga awitin, nakaiindak at nagpapatingkad ng pagpapahalaga sa katutubong tugtugin, lalo na iyong mga musikang etniko. Gayunpaman, di maiiwasan sa isang pagtatanghal na namumuhunan ng teknolohiya ang ilang teknikal na problema, gaya ng lapel ng mga artista na hindi konsistent ang pagsagap ng tunog kaya’t paminsan-minsa’y humihina ang kanilang tinig. Mabuti na lamang at malakas ang tapon ng kanilang boses at gumagana ang mga nakabiting mikropono kaya’t umaabot pa rin ang tinig nila sa kabuuan ng bulwagan. Makatotohanan at matalino rin ang pagkakayari ng mga kasuotan. Makatotohanan sapagkat sinasalamin talaga ng kostyum na suot ng mga tauhan ang bawat karakter na ginagagad nila sa realidad, na lalong nagpadali sa mga manonood na paniwalaan ang mga ito – telang marungis at gula-gulanit sa mga pulubi, payak na pambahay sa mga pamilya, fatigues sa mga militar, marangyang kasuotan sa sultan at prinsipe, uniporme sa katulong, pambatang pang-alis sa batang spoiled brat. Matalino naman sapagkat hindi man lahat ng kasuotang ginamit ay awtentiko, nagawan naman ng improbisasyon ang mga ito para maging katulad ng orihinal, gaya ng pandong ng mga rebelde na yari lamang sa kung anong telang ibinalabal sa kanilang ulo. Nagagawa rin ng mga artistang magpalit ng katauhan sa simpleng pagpaling sa kanan o kaliwa ng telang suot nila o pagtutupi nito o pagbabayubay sa iba pang bahagi ng katawan. Panghuli, makakatotohanan at masining din ang mga props na ginamit. Naibigay ng produksyon ang kagamitang lalong magpapatotoo sa mga tagpo, mula sa mga piniratang DVD na tinda ng mga nasa lansangan hanggang sa mga basyong latang ipinananambol ng mga pulubi. Sa mga pagkakataong hindi posible ang mga ito, lumikha sila ng malikhaing kahalili, gaya ng mga laruang sasakyang kapag itinulak at itinapat sa liwanag ay magbubunga ng mga aninong kasukat ng orihinal na behikulong kinakatawan ng mga ito at ng mga riple ng mga sundalong yari lang sa kahoy na nililukan ng kahawig na disenyo.

Pagsusuri sa Kuwento at mga Isyung Binuksan

Ang Ismail at Isabel ay tulad ng pelikulang “Himala” ni Ishmael Bernal na umiikot sa isang pangunahing kuwento (ang pagkakita raw ni Elsa sa Mahal na Birhen at panggagamot niya) ngunit tumatalakay ng iba pang paksang may sariling kuwento (kahirapan, prostistusyon, paggamit ng ipinagbabawal na gamot, paniniwala sa mga pamahiin, at iba pa). Ang pangunahing kuwento ng dula ay ang pagkakaibigan ng Muslim na si Ismail at ng Kristiyanong si Isabel at kung paano ito sinulit ng mga pagsubok na dumating sa kanilang buhay. Ngunit sa pagdaloy ng dula, nagluwal ito ng iba pang isyu at mas maliliit na kuwentong binigyan nito ng sariling tuon.

Una na rito ang kaguluhan sa Mindanao. Tinangka kong saliksikin ngunit hindi ako nagtagumpay na matiyak kung may katotohanang pinagbatayan ang sumulat ng dula sa kuwentong kanyang hinabi. Hindi ko nagawang alamin kung aktuwal ba siyang bumabad sa isang lugar sa Mindanao na lipos ng kaguluhan o may nakapanayam siyang pamilyang Kristiyano’t Muslim na naitaboy ng karahasan o nagsagawa siya ng malalimang pananaliksik tungkol sa naturang isyu upang mabigyan ng matibay at makatotohanang pundasyon ang kanyang nilikhang istorya. Anu’t ano man, ang mahalaga’y nakapagbigay si Vera ng isang magandang larawan ng payapang ko-eksistensya ng mga Kristiyano’t Muslim na kaiba sa karaniwang tagpong alam natin, gaya ng isang Muslim na pinaghihinalaang terorista o Kristiyanong natatakot kapag may Muslim na nakikita. Tumaliwas ang dula sa mga istiryotipong nakalimbag na sa kamalayan ng marami sa atin na ang mga Muslim ay mga potensyal na terorista, na kasamahan nila ang mga Abu Sayyaf, na sila’y talamak na nagbebenta ng mga pirata o kapag pumasok sa mga lugar na pinamumutaktihan nila, gaya ng Quiapo’y hindi na makakalabas ng buhay. Isinantabi rin nito ang karaniwang larawan ng mga Kristiyano na sila ang laging target ng pangingidnap at panununog na ginagawa ng mga rebeldeng Muslim sa Mindanao at sila lamang ang nasa panig ng kabutihan at katarungan dahil sa Hesus na sinasamba nila. Sa halip, nagbigay ang dula ng teorya na posible, hindi lang ang simpleng pagsasama ng mga Kristiyano’t Muslim, kundi ang kanila ring pag-aasawa at pagbuo ng sariling pamilya nang hindi napag-uusapan ang relihiyon at nasasaluhan ang isa’t isa sa kani-kanyang mga paniniwala. Iginuhit din ng kuwento kung paano sinisira ng pagpupuksaan ng mga rebeldeng nag-aasam ng sariling pamamahala at ng mga sundalong itinalaga upang labanan sila ang tahimik na pamumuhay ng mga Kristiyano’t Muslim. Pinapipili ng mga rebelde at sundalo ang magkakabuklod na Kristiyano’t Muslim ng panig na dapat nilang samahan ngunit anuman ang piliin ng mga mamamayan – kanan man, kaliwa o gitna, kapahamakan din ang naghihintay sa kanila, dulot man ng kalabang puwersa o ng magkabilang panig na walang alinman ang binalikatan. Dahil dito, napipilitan ang mga mamamayan na lisanin na lang ang kanilang tahanan kaysa maipit sa naggigiriang puwersa ng mga rebelde at sundalo. Muling pinag-iisip ng dula ang mga manonood ukol sa posisyong matagal na nilang pinanghahawakan. Kapag kasi halimbawa, nabalitaan ang bakbakan ng mga Abu Sayyaf at ng militar, karaniwa’y isang panig ang inaayunan – maaaring ang mga rebelde dahil may karapatan silang ipaglaban ang lupang dapat nama’y sa kanila o ang mga sundalo dahil ipinagtatanggol lang nila ang mga inosenteng sibilyan. Ngunit sa Ismail at Isabel, ipinikitang may ikatlo pa palang panig na karaniwa’y nalalampasan ng paningin ngunit pinakamahalaga at siyang dapat pinipiling panigan – ang mga mamamayan. Sila ang mga taong ginagamit ng mga rebelde at sundalo bilang armas upang pasakitan ang isa’t isa; sila ang mga taong naitataboy sa kanilang mga tahanan, nagugutom o napipilitang bumitaw sa edukasyon dahil naiipit sa kaguluhan; sila ang mga taong hinihigop ng digmaan at nilalason ang isip upang ipagpatuloy lamang ito. Sila ang tunay na biktima ng kaguluhan sa Mindanao at nangangailangan ng pagliligtas dahil tulad nating lahat, katutubong karapatan nilang mabuhay nang walang inaalalang panganib mula sa kapwa nila tao na maaaring sumira ng kapayapaang iyon.

Isa pang isyung tinalakay sa dula ang pang-aabuso sa kabataan. Unang ipinamalas sa Ismail at Isabel ang pagkaabuso sa kabataan nang maiwan ang mga pangunahing tauhan sa gitna ng mga tahanan nilang naabo, makaraang sunugin ang mga ito ng mga rebelde. Kamamatay lang din noon ng tatay ni Ismail mula sa panonortyur ng mga sundalong nagpapakumpisal sa kanya ng mga impormasyong wala naman talaga siyang kinalaman. Dahil inarkitekto ang dula na maging magaan, magkatulad na sa nilalaman at pagtatanghal, upang umayon sa target nitong audience na kabataan, hindi “heavy drama” ang naging pagdadala nina Ismail at Isabel sa trahedyang sinapit nila sa Dilangawen ngunit kung hihinuhain, lubhang masidhi ang siko-emosyonal na traumang bunsod ng nangyari sa magkaibigan sa kanilang gulang. Maaga silang ninakawan ng pamilyang tatangkilik sa kanila at magpapalaki sa kanila sa pagmamahal at mga kagandahang-asal; sa muran ilang gulang ay pinagkaitan na sila ng pagkakataong makapag-aral na maaari sanang maging pases nila sa isang mas magandang bukas; sa halip na mapuno ang kanilang puso ng kaligayahang hatid ng kanilang kabataan, nalipos ito ng malalim na sakit ng maagang pagkaulila. Nasundan pa ang pagkaabusong ito sa diwa’t damdamin ng kabataan ng pagpapabalikat sa kanila ng mabigat na tungkuling buhayin ang kanilang sarili sa gitna ng abalang lungsod, gamit ng kakaunti nilang nalalaman at kakayahan. Una’y napilitan silang mamalimos. Kapwa dumanas sina Ismail at Isabel ng matinding kalam ng sikmura ngunit dahil parehas silang walang anumang mapagkukunan ng maipampupuno rito, umasa na lang sila sa limos ng may maaawaing puso. Gayunpaman, dahil kapwa rin hindi natatagpuan ang sarili sa pagkabuhay sa tira ng iba, nagpatangay na lang ang mga pangunahing tauhan sa agos ng child labor at human trafficking na sadyang naghahanap ng mga tulad nila upang kasangkapanin. Si Isabel ay na-recruit para maging alila ng isang maykayang babaeng nakatagpo sa kanya sa lansangan samantalang si Ismail ay naging tindero ng mga piniratang DVD. Kalaunan, nakorapt din ang isip ni Ismail sa panig ng mali nang tanggapin niya ang alok na maging look-out ng mga kidnaper kapalit ng halagang mas malaki sa kanyang kinikita sa pagtitinda. Sa bahaging ito, ipinakita ng dula sa mga manonood ang proseso ng paglalang sa mga batang laman ng lansangan. Sa kasalukuyan kasi, dumarating sila sa atin bilang mga “finished product” na. Mga batang marurungis na at nanlilimos kaya maaaring kaawaan natin at bigyan o paghinalaan at sabihing “instrumento” ng sindikato. Madali para sa ating humusga dahil inaayunan lang natin ang nakikita ng ating mga paningin, ngunit kung mamamalas lang natin ang malalim na pinanggalingan ng mga batang lansangan, tunay nating mauunawaan ang kasalukuyan nilang kalagayan at mahihinuha kung ano pa ang madilim na kinabukasang maaari nilang kahantungan. Habang nasa kalagitnaan pa lang ang kabataan ng proseso ng paglalang sa kanila ng lansangan, bago pa man sila maging kilabot na kawatan o bumuo ng pamilyang sa maruming kalsada na rin mananahan, “kinakatok” na tayo ng dula upang kumilos. Pinalalabas tayo nito sa ating mga “comfort zone” upang iligtas ang mga tulad nina Ismail at Isabel sa pinakamaagang yugto pa lang na maaari natin itong ilapat; sa bahagi pa lang kung saan, sinisira ang payapa nilang esksitensya sa mga pook na tulad ng Dilangawen. Sa huli, hindi lang ang lansangan ang dapat sisihin sa maaaring sapitin ng kabataang tulad nila. Tayo, bilang mga malay na saksi at may kapasidad na magtulot ng pagbabago, ngunit hindi ito ginawa dahil nakaabala sa sarili nating pananahimik, ay may pananagutan din at sa huli’y maaaring ipagsakdal at masisi.

Panghuli, nagbigay ang dula ng mungkahing panukatan sa tunay na pagkakaibigan. Sa ating buhay, karaniwang pundasyon ng mga relasyong naitataguyod natin ang mga pagkakatulad na pinagsasaluhan natin sa isang kapwa. Kasundo natin ang ating mga magulang kapag may isang tao tayong napusuan at itinutulad nila ang kanilang panlasa sa atin at tinatanggap din ang taong iyon. Nagugustuhan ng isang guro ang mag-aaral at sinasabihan ng “very good” kapag naitugon ng batang ito ang mismong sagot na nasa kanyang isip at inaabangan ng kanyang tenga. Mabuti ang ugnayan ng dalawang pulitiko kapag sila’y magkapartido at magkakatulad na interes ang isinusulong. Gayunpaman, ipinatanto ng dulang hindi lamang laging sa pagkakatulad maaaring maipunla ang isang ugnayan at hindi laging pagkakaparehas lang ang maaaring magdulot dito ng harmonya. Minsan, maaari palang ang pagkakaiba ang mismong maging puhunan ng isang relasyon sapagkat kapag nagtagpo ang dalawang kaluluwang nagtatangan ng sadyang magkaibang pagkatao, ang pagkakaibiga’y nagiging isang walang hanggang proseso ng pagtuklas. Bawat araw, may bagong detalye sa sadyang naiibang pagkatao ng kaibigan ang nalalaman; may bagong misteryong natutuklasan – mga bagay na hindi lamang nag-uukit ng mas malalim na bisa sa diwa ng magkaibigan kundi nagbibigay rin ng dahilan upang muling tanawin ng bawat kaluluwa ang susunod na pakikipagdaop niya sa kanyang kapwa. Dahil sa lalim ng ugnayang ito na nabubuo, hindi dahil inooohan lamang ng isang tao kung ano ang mayroon din sa kanyang kapwa, kundi dahil kinikilala niya ang mga kaibahan nito at buong-puso pa ring tinatanggap, higit na nagiging matibay ang pagkakaibigan dahil kung nagagawa nilang mahalin ang isa’t isa sa mga di nila napagkakasunduan, lalo na sa mga bagay na nagkakasundo sila.

Mga Sana sa Pagsasara ng Telon

Nagtapos ang Ismail at Isabel na masaya ang lahat. Di magkamayaw ang mga guro’t mag-aaral sa pagkukuwentuhan, bagamat magkaiba nga lang ang antas ng diskurso. May pagkaseryoso ang usapan ng mga akademista – may mga maririnig nang nagsusuka ng mga teoryang pampanitikan sa pagsusuri ng dula; may mga nagninilay sa makahulugang hamong iniwan ng pagtatanghal; may ilang nakapagtala ng mga kahinaan ng produksyon na idinadaing hanggang sa paglabas, gaya ng kakulangan ng mga upuan, labis na lamig sa teyatro, at iba pa. Magaan naman ang kuwentuhan ng mga mag-aaral na karaniwang uminog sa madudulang tagpo, nakakakaaliw na eksena at mahuhusay na artistang nakapukaw sa kanilang pansin. Nagmamadali din silang nagpulasan palabas para maunang makadaop-palad ang mga tauhan at makapagpa-picture sa kanila, lalo na kay Ismail, na bumihag yata sa mura nilang puso (Tala: Bilang mga mag-aaral ng paaralang eksklusibo sa mga babae na madalang makakita ng lalaking ispisyi sa paaralan, madali para sa kanilang mahulog ang loob sa bagong lalaking nakikilala, lalo na kung makisig.). Sa pagsasara ng telon, habang masayang pinagmamasdan ang ngiti sa labi ng lahat na isang pagpapatotoong hindi nagkamali ang aming kagawaran sa pagpili ng palabas na ipinapanood, tahimik ko ring hinahangad na sana, hindi matapos ang dula bilang piraso lamang ng panitikang dapat kalugdan. Sana, tumimo rin ang mensahe nito sa puso’t isip ng bawat manonood, tulad ng di-nagmamaliw na bisang iniwan nito sa akin. Sana, inalis ng dula ang piring sa mata ng lahat at ipinahintulot nitong sila’y tunay na makakita. Sana, sumibol ang Dilangawen sa puso ng bawat isa, at sa sandaling kumatok ang isang Ismael o Isabel, ay buong-kasiyahan siyang pagbuksan at sabihing, “Tara, tuloy ka.”

Sunday, September 27, 2009

Buhay Pa Ako (Pakikipagsapalaran Para Mabuhay sa Gitna ng Bagyong Ondoy)




Setyembre 26, 2009

UMAGA. Sumilay ang araw na ito na pangkaraniwan lang. Bagamat naibalita na Biyernes pa lang na may isang bagyong tatama sa Hilaga at Gitnang Luzon sa susunod na dalawang araw, hindi naman ito pinag-ukulan ng seryosong pansin ng marami at itinakda nilang mamumuhay sila, tulad ng normal na eksistensya sa araw-araw. Naging biruan pa nga sa samahan naming mga guro na umabot sana ang bisa ng bagyo hanggang Lunes para walang pasok at mapahaba ang aming pahinga. Ni hindi nga rumehistro sa isip ko ang pangalan ng bagyo dahil alam kong darating ito at lilipas, tulad ng napakaraming iba pang unos na iyo’t iyon din naman ang nagaganap. Ngunit ako, sampu ng di-mabilang na mamamayan, bato man ang tahanan o sa kalye nakatira, propesyonal man o tambay lang sa kalsada, mataas man ang pinag-aralan o ni hindi marunong sumulat at bumasa, ay nagkamali.

9:45 na ng umaga nang makaalis ako ng bahay. Nagmamadali akong makapunta sa Pamantasang De La Salle sa Taft dahil sa unang pagkakatao’y magkakaroon kami ng konsultasyon ng tagapayo ko sa tesis. Dalawang ulit na kaming nag-iiskedyul ng pag-uusap ngunit dalawang ulit na ring nabibigo dahil sa di nagtutugmang mga oras kaya ipinangako kong hindi na ito mapapangatluhan. Dalawang linggo na ang dumadaan at ni hindi ko pa natitiyak kung ano ba ang magiging paksa ng aking pag-aaral. Balak ko noong sumakay ng LRT para makarating agad sa pupuntahan pero tumanggi ang drayber ng traysikel na sinakyan ko na ibaba ako sa kalyeng maghahatid sa akin doon dahil baha raw. Nagbigay ako ng ibang alternatibong daan na magbibigay sa akin ng akses papuntang LRT pero tinutulan din ang mga ito ng drayber kaya napilitan akong magpahatid na lang sa kahit anong main road na puwede naming labasan para doon ako kumuha ng taxi pa-LRT. Paglabas ng E. Rodriguez, pumara ako agad ng taxi at nagpahatid sa 11th Avenue Station ng LRT na siyang pinakamalapit sa amin. Gayunpaman, tila nagkakaisa ang himig ng mga tsuper sa araw na ito dahil tumanggi rin siyang dumaan sa itinatakda kong ruta dahil sa baha. Nagbigay ako sa kanya ng iba pang mungkahing daan para makarating doon ngunit tulad ng tricycle driver, idinahilan niyang baha rin daw sa mga iyon. Sa presyur sa oras na nauubos, ipinasya kong magpahatid na lang sa taxi nang direkta sa DLSU.

Kung saan-saan sumuot ang drayber makarating lang sa DLSU nang mabilis, ngunit saanman siya mapunta, may baha at may baha pa rin. Wala na kaming nagawa kundi sumalunga sa mga ito. Maingat ang naging pagtakbo ng taxi. Dahan-dahan ang pag-usad nito habang naririnig sa ilalim ng awto ang kalawkaw ng tubig na parang tunog na nililikha nina Jack at Rose habang inililigtas ang mga sarili sa tumataas na tubig sa isang nakakubling silid sa Titanic. Halos hindi rin makita ang daan dahil napakalakas ng ulan at puti lamang ang nakikita sa buong paligid. Pinakahindi ko malilimutan ang bahang hinarap namin bago makaakyat ng Nagtahan. Bago makasampa sa mataas na bungad ng tulay, mataas na tubig ang kailangang pagtagumpayan na ang taas ay pumapasok na sa loob ng taxi. Abut-abot noon ang pananalangin kong hindi sana tumirik ang sasakyan namin habang nararamdaman ang hirap na pinagdadaanan ng aming makina, na gayon na lang ang paggaralgal. Halu-halo na noon ang nararamdaman ko. Napepresyur ako sapagkat huli na ako sa tipanan namin ng tagapayo ko; naiinis ako sa drayber dahil kung sinunod na lang niya akong mag-LRT kami, di ko na sana pinagdaanan iyon; natutuwa ako sapagkat determinado siyang maihatid ako sa pupuntahan at hindi nagpamalas ng anumang init ng ulo o kagaspangan ng ugali kahit inilagay ng biyahe ko sa peligro ang puhunan niya sa hanapbuhay; at namamangha ako sapagkat matagal nang panahon buhat nang makakita ako ng totoong baha.

Huli na ako ng tatlumpung minuto nang dumating sa DLSU. Sa kabila nito, masaya ako dahil (1) nakarating ako, na hindi ko lubos akalain sa malalaking bahang pinagdaanan namin; at (2) sariwang-sariwa pa rin ang hitsura ko noon na parang hindi nakipagbuno sa mahabang biyahe at maiitim na tubig. Paglapat pa lang ng paa ko sa loob ng campus, isang lady guard na ang suminghal na hanggang alas-dose na lang daw ang klase. Dagat-dagatan ang pumapagitan sa mga gusali at hindi maaaring hindi lumusong sa mga ito kung gustong marating ang pupuntahang tanggapan. Habang pinagmamasdan ang mga Lasalyanong nakatanga na lang sa tubig at hindi kumikilos, mabilis ko namang inalis ang mga medyas ko’t sapatos at itinaas ang pantalon. Sa kagahulan noon ng panahon, walang puwang sa akin ang pag-iinarte kaya’t nilusong na ng mapuputi kong paa ang tubig at lumukso patungong Departamento ng Filipino. Hindi na rin ito bago sa akin dahil pinanday na ako ng UST sa pagsabak sa mga baha sa walong taon ng pag-aaral ko roon.

Nakakatawa ang tagpong naganap sa akin sa pag-akyat sa department. Pagbukas ng elevator, lumabas sina Prop. Correa, ang vice-chair, si Dr. Taylan, ang graduate program coordinator, si Prop. Gojo Cruz, isang premyadong manunulat at ang icon ng Panitikang Pilipinong si Dr. Ruth Elynia-Mabanglo na pawang propesyonal at magagara ang gayak. Sa isang natatanging pagkakataon, ipinakilala sa akin ni Dr. Taylan si Dr. Mabanglo. Malaking karangalan para sa akin ang makaharap ang isang dakilang peminista at haligi ng literatura at lubos ang ligayang nararamdaman ko noon ngunit hindi ko siya nagawang kamayan. Hawak ko kasi noon ang tumutulu-tulo pang mga medyas na nadale ng baha at nakapaa lang ako dahil sa paglusong. Ngumiti na lamang ako noon at nagpakilala sabay hingi ng paumanhin para sa katawa-tawang hitsura. Habang kausap ang tagapayo ko, hindi pa tumitimo sa akin ang seryosong lagay ng panahon. Sabik lang akong nakikipag-usap sa kanya habang pinagpaplanuhan namin ang magiging paksa ng pag-aaral ko. Gayunpaman, mababakas sa mukha ng tagapayo ko ang matinding pag-aalala sa kanyang anak na kaaalis lamang ng bahay para pumasok gayong masungit ang panahon sa labas at suspendido na ang klase. Maririnig din ang sindak ng sekretarya ng departamento habang kausap ang kapamilya niya sa telepono dahil pinasok na raw ng baha ang kanilang bahay at may isang oras pa bago opisyal na matapos ang trabaho.

Nakakaaliw ngunit may kabuluhan ang obserbasyon ni Dr. Taylan ukol sa baha bilang sagisag ng pagkakaiba ng mayaman at mahirap. Sa Taft kasi, napakaitim ng tubig baha at amoy-kanal ngunit sa loob, napakalinis ng tubig at matatanaw pa nga ang mga bato’t halamang nakalubog sa mga ito. Nakatutuwa ring pagmasdan ang mga Lasalyano habang masayang kinukuhanan ang baha sa harap ng Yuchengco Hall nang may halong pagkamangha na para bang iyon ang una nilang pagkakataong makakita nang gayon. Ngunit isa na namang tanda ng kaibahan ng panahon ang binanggit sa akin na walang anu-ano ko lang pinalampas - ayon kay Dr. Taylan, unang pagkakataon daw sa labindalawang taon ng pagtuturo niya sa DLSU na binaha nang gayon ang loob ng unibersidad. Naaliw lamang ako sa malinis na baha at nagkakagulong Lasalyano ngunit hindi ko naaninag ang kakaibang bantang ibinubulong ng mga pahiwatig na ito.

TANGHALI. Lampas alas-dose na ng tanghali nang makauwi kami ng kamag-aral kong si Ms. Soti. Kung gaano kalinis ang baha sa loob ng DLSU, siya namang itim at baho ng tubig sa Taft. Dahil hindi namin maaninag ang tubig, di tulad sa loob na kitang-kita pa rin ang mga inarkitektong bato’t halaman ng Octopus Garden sa ilalim, maingat kaming lumusong at tumawid ni Ms. Soti papuntang LRT line na pa-Monumento. Napakahirap tumawid sa malubak na daanan na may mga bitbit na gamit na dapat ingatan habang pinuprotektahan pa ang sarili mula sa malakas na ulan. Hindi namin malaman ang paraan ng paglakad na gagawin. Nariyang hinubad namin ang mga sapatos para mapabilis ang paglakad at isuot muli ang mga ito dahil magaspang ang semento, buksan namin ang payong para di kami mabasa sa ulan at isara ulit ito dahil nakakasagabal sa pagsuot sa makikitid na espasyo ng magkakasunod na sasakyan, at isukbit namin ang mga bag pakanan at pagkaraa’y ilipat ang mga ito sa kaliwa mahanap lang ang anggulong hindi mababasa ang mga ito. Mistulang tulay ang LRT na nagtatawid sa mga tao sa ibabaw ng dagat-dagatan. Mula sa itaas ng tren, kitang-kita ang pagkalubog, hindi lang ng Taft, hindi lang ng Malate, kundi ng malaking bahagi ng Maynila sa malalaking baha. Kitang-kita rin ang mataas na tubig sa Ilog Pasig na sa pakiwari ko’y kaunti na lamang at tuluyan na ring aapaw. Matatanaw mula sa LRT, kung tatalasan lamang ang pangmalas, ang kawalan ng tao sa mga lansangan ngunit pagsisiksikan naman nila sa mga bubong at matataas na lugar, ang pagmimistulang malaking parking lot ng maraming pangunahing kalye dahil sa pagka-istranded sa baha at ang mga taong naglalakad na parang langgam dahil sumusunod sa iisang ligtas na daan. Nang mapansin kong lagpas sa tuhod ang basa ng aking pantalon at hawak ko pa rin ang aking medyas, unti-unti na akong kinabahan. Sumidhi pa ito nang makabasa ako ng mga text na nagpapaalam ng hagupit ng kalamidad sa kani-kanyang lugar. Isa lang ang gusto kong mangyari noong mga sandaling iyon – ang makauwi. Gaano man kasungit ang panahon, hindi ko ito dama dahil para sa aki’y ang tahanan namin, ang piling ng nanay at kapatid ko, ang pinakaligtas na dulang sa daigdig. Marahil ang kapayapaang namamayani sa aming tahanan ang nagpapanatag ng kalooban ko sa tuwina kaya gaano man kalupit ang mga sakunang humahampas sa Pilipinas, hindi ako natitigatig. Marahil, iyon ang puwersang palaging bumabalot sa akin kaya hindi ko nakikita ang kaibahan ng mga bagyong nagdaan, ang paiba-ibang bilang ng mga nasasalanta, nawawalan ng tahanan at namamatayan.

Pagbabang-pagbaba ko sa istasyon ng LRT sa 5th Avenue, agad kong tinungo ang paradahan ng dyip na naghahatid ng sakay hanggang Quezon Avenue. Makalapat lang doo’y ligtas na akong makakauwi. Gayunpaman, laking gulat ko nang masumpungang wala isa mang biyahe na maghahatid sa akin pauwi. Wala rin ako noong makitang taxing bumibiyahe, sa halip, malalaking truck na lamang na rumaragasa sa malapad na kalye ng C3 at ilang pribadong sasakyan na ang iba’y humihinto pa sa gitna o gilid para magpatila ng ulan o magpababa ng baha. Dahil sa pagkakatanda ko’y maikli lamang ang daang binabaybay ko at sa masidhing pagnanais na ring makauwi, nilakad ko na lamang ang kahabaan ng C3 na kalauna’y naging Sargeant Rivera. Doon nagsimula ang kalbaryo ko.

Napakahaba pala ng daang pinagpasyahang kong bagtasin. Ilang kilometro rin ang nilakad ko, kasama ng marami pang iba, na para bang magtutungo kami sa Pista ng Nazareno sa Quiapo. Malakas din noon ang ulan na dahil sa pagpapalubha ng pumapagaspas na hangin ay sumira sa mga alambre ng dapat sana’y matibay kong payong. Kahit bali na ang ilang alambre ng pananggalang ko sa ulan at may panganib na bumaon ang mga ito sa anit ko, nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad. Nagpaltos na noon ang paa kong walang medyas, basa na rin ang malaking bahagi ng damit ko at mabigat na ang aking telang sapatos at pantalon sa dami ng tubig na nasisipsip. Hindi ako dumaing sa sarili ko sa kabila ng matinding hapo dahil alam kong mababawi ko naman ang anumang naubos na lakas pagdating sa bahay, ngunit laking pagkagimbal ko nang pagsapit sa Araneta Avenue’y makita ang lagpas-taong baha. Walang anuman o sinuman pala ang makakatuluy-tuloy sa Quezon Avenue dahil sa mataas na tubig na humaharang sa lagusan. Dahil dito, napagpasyahan kong bumalik na lang sa nalampasan kong Del Monte Avenue para kumanan. Binagtas ko naman ang Sto. Domingo Avenue na ang tagos ay Quezon Avenue rin ngunit kadugtong pala nito ang lampas-taong bahang pinanggalingan ko kaya hindi ako nakatuloy. Sunod ay sinubukan ko ang Biak-na-Bato, ang Banawe, ang D. Tuazon, ngunit maging lahat ng ito’y lubog na rin sa bahang abot-leeg. Pagud na pagod na ako sa puntong iyon. Lalong kumitil sa pag-asa ko na makakita ng mga taong tulad ko’y yao’t dito rin sa mga daanan dahil walang maaaring labasan. Saglit akong tumigil. Sumilong ako sa isang nakausling bubong para tingnan kung may mahahalagang mensahe pa akong natanggap. Katulad kanina, puro pagdaing pa rin ang nabasa ko. Mga pinasok ng baha ang first floor, mga nakatingin na lang sa bubong na natira sa kanilang bahay, mga nilipol na ng tubig ang mga naipundar na gamit, mga natrap sa bahay at di makakain. Habang nasa gayong kalagayan, gumuhit ang isang matalim na kidlat sa langit na kitang-kita ko, na sinundan ng dumadagundong na kulog. Natakot ako noon dahil lasug-lasog na ang mga alambre ng payong ko at baka makaakit ng kidlat. Seryoso kong naisip na doon na ba magtatapos ang buhay ko? Magiging doktor pa ako pagdating ng panahon, magiging propesor sa kolehiyo, magsusulat ng mga akda at unang beses na lalahok sa Palanca, bibili ng magarang condo na paglilipatan pamilya, magiging bahagi pa ng buhay ng maraming mag-aaral, ngunit mamamatay na ba ako sa paglamon ng baha o pagtama ng kidlat? Naalala ko pa ang balita nitong huli na mga batang inanod ng tubig na biglang tumaas at isa-isa na lang natagpuang bangkay. Magiging katulad ba nila ako at matatagpuan na lang ding walang buhay kung saan? Bago pa man ako tuluyang panawan ng lakas at mamatay nga sa gitna ng unos, tumawag ako sa nanay ko at sa iba pang mahahalagang tao sa aking buhay. Ipinaliwanag ko kung saan na ako banda napadpad para pag hinanap man ang bangkay ko, may tiyak na lugar na pagtutuunan. Napakalakas ng ulan. Nakasilong na ako’t nakapayong pero gumuguhit pa rin ang tubig sa telepono kong Globe. Maya-maya pa, nabasa na yata ang gamit at tuluyang nasira. Habang umaawit sa diwa ko ang kantang “Lead Me, Lord”, natanaw ko mula sa kinaroroonan ko sa Siena ang Sogo Hotel. Isang matalino ngunit desperadong ideya ang nabuo sa akin.

GABI. Habang nag-aagaw ang kakaunting liwanag at ang matingkad na dilim, sa gitna ng buhos ng ulan at hagupit ng hangin, kahit nangangatal na sa lamig at pasuray-suray lumakad, tangan ang sira-sirang payong at basang-basang bag, humanap ako ng pinakamalapit na ATM. Desidido akong i-withdraw na ang ilang natatabi kong libo para mabuhay ako. Iba’t ibang bangko na sa Banawe ang dinapuan ko pero kung hindi offline o hindi kumikilala sa gamit kong ATM, sarado ang makina dahil may blackout na pala. Salamat na lang at may isang hindi kilalang bangko na bukas at nakapag-withdraw ako. Pagpasok ko sa Sogo, eksena ng emergency room kapag Bagong Taon o classroom na pinagkakaguluhan ng mga botante sa halalan ang makikita. Napakahaba na ng pila ng mga sumisilong sa hotel at nakikipagbunuan para makakuha ng silid. Mapalad ako’t nabigyan ako ng waiting number dahil tanda iyon ng seguridad sa kuwarto. Akala ko’y nakakahiya ang hitsura kong basang-basang sisiw para pumasok sa isang tuyong hotel pero marami sa mga naghihintay roo’y katulad ko rin pala. Ang iba’y hitsura talagang nasalanta at may bitbit pang malaking plastic na sisidlan ng mga nailigtas nilang damit. Langkay-langkay rin kung magdatingan ang mga kustomer. Hindi lang sila isang pares, tulad ng mga karaniwang parokyano ng gayong hotel kundi pami-pamilya. May tatay at nanay na alalang-alala, may mga lolo’t lolang inaakay sa paglalakad, may mga batang masayang nagtatakbuhan o nag-iiiyak, may mga kustomer na nagtataas na ng boses dahil wala pa ring silid na maibigay sa kanila. Pagkaraan ng ilang saglit, nagdeklara na ang manager ng hotel ng full house. Ipinapinid na niya sa guwardya ang pinto at nagbiling wala nang papapasukin. Ngunit may ilan pa ring mga nakalusot. May isang nagmakaawang may mga matatandang kasama na tinugunan naman ng manager na marami ring matatandang nasa loob na naghihintay. Doon ko nasaksihan na kahit pala salapi’y hindi makabibili ng kaligtasan kapag nasa gitna ng malubhang panganib. Isang may perang matanda rin ang nakipagmatigasang bigyan sila ng silid at handa siyang magbayad kahit doble ngunit hindi siya pinagbigyan dahil sa mga taong kanina pa naghihintay at nangangailangan din. Nakuntento na lamang ang lalaki sa pag-upa ng apat na tuwalya para sa kanyang pamilya habang pinalilipas nila ang magdamag sa sasakyang nakapark sa labas ng hotel. Sa araw na ito, tumaas ang pagtingin ko sa Sogo Hotel. Hindi na lamang ito isang pook-parausan para sa akin, kundi isang tagapagligtas at takbuhan ng mga nasa kagipitan. Hindi na lamang ito isang lugar na tampulan ng tukso at kinahihiyang makakitaan kundi isang pook na maipagmamalaking kumukupkop sa mga walang masilungan.


Alas-singko na ng hapon nang maibigay sa akin ang isang nabakanteng silid. Noong una’y tatlong oras lamang dapat ang kukunin ko pero hindi ako nagbakasakali at kumuha na ng labindalawa. Sa hotel na ako nagpalipas ng magdamag. Pagpasok sa silid, ang una kong ginawa’y tumawag sa bahay para papanatagin ang ina kong nasa mabuti akong kalagayan. Inilahad ko rin sa kanya ang mga pasyang ginawa ko para sa sariling kaligtasan. Sa pagtunghay ko sa mga pangyayari sa TV, namalas ko ang lawak at tindi ng pinsalang idinulot ng bagyo. Hindi ko malilimutan ang mga tagpo, gaya ng pananatiling nakatayo ng ilang tao sa kapirasong lupa sa Marikina na maya-maya’y nilamon na rin ng rumaragasang tubig habang wala namang magawa ang mga nakasaksi sa kanila; ang paglamon ng baha sa isang van at ang paghampas nito sa iba pang mga sasakyan at concrete barrier ng MMDA; ang paggapang ng isang matandang babae sa madulas nilang bubong; ang umiiyak na paglalahad ni Cristine Reyes ng sinapit nilang mag-anak; at ang pagkakagulo ng mga opisyal ng pamahalaan sa dami ng nangangailangan ng tulong ngunit kakapusan ng kanilang mga mapagkukunan. Patuloy rin ang pagtanggap ko ng mga mensaheng naglalahad ng kalunus-lunos na trahedya. Ang isa kong mag-aaral ay mangiyak-ngiyak na naglahad kung paanong ang bahay nila sa Filinvest ay nilamon ng tubig at ang posibilidad na hindi siya makapasok ng isang linggo; ang isang kasamahang guro ay nagsumbong ng pagpasok ng baha sa kanilang bahay at ang paghihintay nila ng mga rescuer na magliligtas sa kanila; ang marami kong kaibigan ay dumaing naman ng pagkaantala nila sa iba’t ibang panig ng Kalakhang Maynila at mga kalapit na lalawigan habang pinanonood na lang ang mga ilog na umaapaw o bahang hindi nila matawid. Ngunit sa lahat ng ito, ang pinakamasidhing balitang natanggap ko ay ang nagaganap mismo sa aming baranggay. Ibinalot na raw ng nanay ko ang mahahalaga naming gamit at inihahanda na rin ang iba pang kasangakapan para makalipat bilang paghahanda sa isang malaking sunog na nagaganap sa mga sandaling iyon. Bagamat malayo sa amin ang lugar, mabilis daw ang pagkalat at pagtawid ng apoy dahil sa malakas na hangin. Hindi rin daw makapasok ang mga bumbero sa mga kalsada dahil sa mataas na baha. Ang pinakamalagim, habang tinutupok ng apoy ang lipon ng mga bahay nila, wala namang magawa ang mga residente dahil napapaligiran sila ng mga bahang lagpas-tao. Hindi rin nila bastang malusong ang tubig dahil ilang ligaw na kawad ang lumapat na rito na nagpadaloy ng kuryente. Napakarami raw residente, lalo na ang mga bata, ang namatay. Lahat sila’y pawang natrap sa sapin-saping trahedya sa kanilang pook.

Bago tuluyang natulog, tinawagan ko ulit ang aking ina para makibalita. Hindi ko alam kung dapat ko bang ipagpasalamat na hindi kami inabutan sapagkat napakarami namang pamilya ang namatay nang di nabigyan ng pagkakataong makabalan. Ngunit kahit paano, nagdulot sa akin ng manipis na kapayapaan ng isip na ligtas na sila at tumila na ang malakas na ulan sa labas. Nabasa ko rin sa DZMM Teleradyo ang balitang nagbigay ng forecast ang Pag-asa na gaganda na ang panahon sa gabing ito.

KINABUKASAN. Alas-singko na ng madaling araw. Tumambad sa akin sa salamin ang mukha kong pagod at halos walang tulog mula sa maghapon-magdamag na pakikibaka noong nakalipas na araw. Muli kong sinuot ang mga damit kong basa pa rin sa tubig-baha. Wala pa ring anumang palabas sa cable dahil naputol ito kahapon pa lang. Napakadilim din sa labas dahil black-out sa Kalakhang Maynila. Hindi ako makatanggap o makapagpadala ng text dahil walang signal. Kitang-kita sa mga kalsada ang mga bakas ng nagdaang trahedya. Nagkalat ang basura saanmang dako, balot ng putik ang lahat ng daanan at maraming kalsada ang bagamat numipis na ang baha’y hindi pa rin madaanan. Nadaan ang taxing sinakyan ko sa mga nasununugan at amuy na amoy ang umuusuk-usok pang kamatayan at kawalan. Pagbukas na pagbukas ng pinto naming nababalot ng dilim, mangiyak-ngiyak kong pinuntahan ang aking ina at nagpasalamat sa Panginoon dahil “buhay pa ako.” Buhay pa ako.

Magpunit, Maghalo, Magpalaman...Magsaya!



(Ang artikulong ito’y inilahok sa Lasang Lasallian: Isandaang Lasa ng DLSU – Manila Departamento ng Filipino)

Kung mayroon mang sandali sa unang hati ng taong itong hindi ko malilimutan, iyon ang mga huling araw ng First Term ko sa La Salle. Doon ko yata naharap ang pinakamatitinding patrabahong higit pa sa kakayahan ng katawang-lupa ko. Doon ko naranasang magmistulang ermitanyong nakabukod sa sibilisasyon dahil kinailangan ko munang tapusin ang mga papel na dapat ipasa kaysa mag-reply sa mga mensaheng natatanggap ko sa cellphone o sumama sa mga kaibigan kong magpapakasasa sa magagandang pelikula sa sinehan o masasarap na pagkain sa mga restawran. Naranasan ko noong matulog lang ng dalawang oras sa isang araw, masaktan sa hapdi ng mga matang puyat habang nasisinagan ng liwanag, umupo sa harap ng kompyuter ng papalubog pa lang ang araw at tumayo kung kailan papasikat na ulit ito, pagtiisan ang init at lagkit ng katawang ipinagpapaliban ang paliligo, hindi mag-log in sa Facebook ng isang linggo at higit sa lahat, tingnan na lamang ang hitsurang mabilis na pumapangit habang nanghihinayang dahil wala namang panahon para iligtas ito. Pagud na pagod ako noon at gustuhin ko mang pagpahingahin ang hilahod kong katawan, hindi ko magawa dahil kalkulado ko ang mga dedlayn at tanging sa tuluy-tuloy na paggawa ko lang maaaabot ang mga iyon.

Agosto 31, Lunes, nakumpleto ko na ang lahat ng kahingian sa dalawang kurso ko sa gradweyt. Noon ko rin opisyal na natapos ang mga academic requirements ng programang kinukuha ko. Laking-pasasalamat ko sa aking propesor, si Dr. Aurora E. Batnag, dahil binigyan niya ako ng dalawang araw na karagdagang palugit sa pagpapasa at naghintay sa akin sa DLSU kahit pista-opisyal noon. Noong maiabot ko sa kanya ang mga papel, daig ko pa ang buntis na nairaos ang panganganak ng quintuplets sa kaligayahan! Agad akong nagpunta sa PGP Chapel para magpasalamat at sa Mister Kabab para magdiwang nang bonggang-bongga!

Shawarma on plate at pita bread – ito ang kumbinasyong bumubusog, hindi lang sa tiyan ko kundi sa kaluluwa (nosebleed!) rin simula kolehiyo. Ito ang putaheng dapat orderin kung gusto mong takasan ang mga karaniwang lasang natitikman na sa mga kinakain sa araw-araw na dahil sa pag-uulit-ulit ay kinauumayan na. Ito ang pagkaing saglit na magpapatigil sa iyong daigdig at magpaparelaks sa iyo dahil may kakayahan itong pukawin ang pansin mo sa natatangi nitong anyo at hamunin ang pagkamalikhain mo sa paraan ng pagtitimpla rito.

Ang putahe ay dekontrsuksyon ng karaniwang shawarmang kinakain natin na sa halip na ibigay nang isang buo’t kumpletong putahe na ay inihahain nang di pa magkakahalo ang mga sangkap. Ang shawarma on plate, ang nagsisilbing palaman sa pangkaraniwang shawarma, ay kinatatampukan ng apat na sangkap: karneng baka, sibuyas, kamatis at pepino. Nakatadtad nang pino ang mga sariwang sangkap na ito at nakahain nang magkakabukod sa plato. Samantala, hiwalay namang order ang pita bread, ang puting tinapay na siksik at pinalutong ng saglit na pagdadampi sa ihawan. Para lalong pasarapin ang kumbinasyon ng tinapay at shawarma, nagbibigay ang Mister Kabab ng natatanging puting sarsa na ang pormula’y bunga ng matagal na pagtuklas ng kanilang kusina sa tumpak na paghahalu-halo ng mga tamang sangkap at pampalasa. Karagdagan pa rito ang hot sauce na maaaring ipatak nang minsanan o ibuhos nang sagana ayon sa kakaibang thrill na nais maranasan ng kumakain.

May iba’t ibang paraan sa pagkain ng shawarma on plate, gaya ng paghahalu-halo ng lahat ng sangkap nito at isang-buhos na pagpapalaman at pagbalot sa tinapay sabay kain; unang pagsubo ng tinapay at pagsubo naman ng magkakahalong palaman pagkaraan; o pagkain lamang ng mga sangkap na gusto (hal., baka lang). Sa kaso ko, pinagsasama-sama ko muna ang lahat ng sangkap ng palaman – pinong karneng baka, sibuyas, kamatis at pepino – saka saganang binubuhusan ang mga ito ng ispesyal na puting sarsa at pinaghahalu-halo. Pagkaraan, pupunit ako ng isang bahagi ng pita bread at saka ito lalagyan ng palamang kinutsara mula sa plato. Pagkasubo ko ng kapirasong tinapay na may kaunting palaman, lalapat na sa aking dila ang natatanging lasa at tekstura ng bawat sangkap – alat at ganit ng karne, kaunting anghang at tapang ng sibuyas, tamis-asim at lambot ng kamatis, pagkamanamis-namis at mala-chewing gum na tigas ng pepino at malagatas na lasa ng pita bread na lahat ay naliligo sa sarsang may natatanging tamis at kaunting asim na sadyang kumplemento sa mga ito. Paminsan-minsan, pinipisilan ko ang kapirasong tinapay at shawarma ng isang tuldok na hot sauce para sa karagdagang lasa at thrill sa bibig at taste buds. Therapeutic din ang paminsan-minsang pagpunit sa pita bread dahil parang sarili mong stress ang pinupunitan mo at nakakapagparelaks ang pagdama sa iyong kamalayan ng bawat lasang sumasabog sa iyong dila. Perpekto ring kasabay ng pita bread at shawarma on plate ang iced tea ng Mister Kabab na may asim at natatanging tamis sa dulo na humuhugas sa alat at anghang ng pangunahing putahe. Kapag uminom nito bilang regular na interbal sa pagkain ng shawarma, magpapalit-palit ang alat-anghang at asim-tamis na magbibigay ng di-nagmamaliw na sarap at ligaya sa kumakain.

Higit isang linggo ang bugbog na naranasan ng katawang-lupa ko sa pagtapos ng mabibigat na kahingiang papel sa gradweyt ngunit pinawi ang lahat ng pagod at puyat ko ng isang maghapong paglantak sa shawarma on plate at pita bread. Habang hinehele ako sa sarap na hatid ng iba’t ibang lasa nito, dinadala rin ako ng putahe sa isang payapang daigdig kung saan wala akong mga seryosong kaisipang sinusuri o binubuo sa halip ay payak lamang akong nagpapalipas ng sandali nang walang pag-aalala. Sa ganitong mga sandali ko nabibigyan ng panibagong lakas ang aking pagod na katawan at kaluluwa at naihahanda ang sarili para sa panibagong mga pagsubok na kundi man simbigat ng mga nauna’y nakahihigit sa hirap. Kung tutuusin, hindi naman unang beses na dinanas ko ang mga napagdaanan ko noong mga huling araw ng First Term at maaaring paulit-ulit kong pagdaanan ang proseso, tulad ng umiikot na gulong na may sadyang panahon kung kailan lalapat sa semento. Gayunpaman, alam kong magagawa kong magpatuloy sa buhay basta’t nariyan ang shawarma on plate at pita bread ng Mister Kabab na muli’t muling magpapaningas ng diwa ko, kung kailan aandap-andap na ito.

Palayain ang mga Mag-aaral!



Lumikha ako ng kasaysayan sa pribadong hayskul na pinagtuturuan ko na eksklusibo para sa mga babae nang italaga akong kauna-unahang lalaking class adviser. Sa totoo lang, isa itong bagay na hiniling ko dahil gusto kong magkaroon ng sariling pamilya sa paaralan. “Homeroom”, kung tawagin ito sa amin. Isang pagsasanib ng mga salitang “home” o tahanan at “room” o silid, na nangangahulugang higit sa pagiging tagpuang pang-akademiko, dapat maging tahanan ang silid sa loob ng paaralan. Higit sa ugnayang propesyunal, dapat maramdaman ang ugnayang pampamilya sa klase, kung saan nagsisilbing magulang ang tagapayo at magkakapatid ang mga mag-aaral. Ipinahayag ko sa administrasyon ang pagnanais na maging class adviser dahil gusto kong mangasiwa ng isang silid at maging higit na sangkot sa paghubog ng mga mag-aaral, lalo pa at kabilang ako sa henerasyong kinalakhan nila. Isang bentahe ito upang maunawaan ko ang pinanggagalingan nila at mas mabisang maproseso sila.

Sa ngayon, unti-unti nang pumapasok sa akin ang pagiging seryoso ng natatanging tungkulin ko. Nagdaan na ang mga yugtong klerikal kung saan nag-aayos ng pisikal na anyo ng silid, mula sa paggawa ng bulletin board na naaayon sa tema hanggang sa pagdidikit ng mga importanteng paalala sa mesa; nagtatakda ng ayos ng mga mag-aaral sa pagkakaupo; nagpapamigay ng kung anu-anong liham at nangongolekta ng mga reply slip; at naghahanda ng mga materyal na mas magpapabilis sa araw-araw na rutina ng klase, tulad ng mga tsart, kahon, atbp. Nasa estado na ako ngayon kung saan, isa-isa kong hinaharap ang mga suliranin “ng” at “sa” mga mag-aaral, personal man o pang-akademiko, na nakakaapekto sa kanilang pag-aaral o sa kanilang buhay, sa pangkalahatan. Isa sa mga seryosong suliraning ito na lubos na nakakaapekto sa akin, bagamat tinatangka ko sa tuwina ang “psychological distancing” na iminungkahi sa akin ng isang kaibigang madre, ang stress na dinaranas ng aking mga mag-aaral. Ironya mang maituturing ngunit ang stress na ito’y nagmumula mismong sa mga guro, mga pinag-aaralan at minsan, mga magulang.

Karaniwan para sa isang guro na mahanggaan lamang ang paningin sa kanyang sabdyek. Pagtayo niya sa harap, ang nag-eeksist lamang sa kanyang kamalayan ay siya, ang kanyang mga mag-aaral at ang paksang-aralin. Pangunahin niyang konsern kung paano malilinang sa mga mag-aaral ang mga kaalaman, kasanayan at pagpapahalagang nauukol sa kanyang kurso at hindi na pinoproblema pa kung ano ba ang napag-usapan ng klase sa sinundan niyang sabdyek o kung anu-ano ang ginawa roon. Hindi na niya inaalam kung may pagsusulit ba sa ibang asignatura o kung may mga proyekto o takdang-araling ipapasa sa mga ito. Ang ganitong “myopia” ng mga guro, bagamat mga detalyeng mistulang maliliit at di napapansin, ang isa sa mga pinagmumulan ng stress ng mga mag-aaral. Dito nagmumula ang pagsasabay-sabay ng mga gawain o pagsusulit na tulad ng mga nag-uumpugang bato’y dumidikdik sa anumang nasa pagitan. Mapalad ang mga mag-aaral sa eskwelahang pinagtuturuan ko dahil may sistema ng pagtsatsart na sinusunod. Dito, sama-samang umuupo ang mga gurong nagtuturo sa iisang antas sa simula pa lang ng taon upang itakda ang petsa ng pagpapasa ng mga kahingian (proyekto, pagtatanghal, atbp.) sa kani-kanyang kurso. Tinitiyak dito na walang dalawang pangunahing kahingian ang sabay na ginagawa at pinapasa sa iisang araw at may sapat na pagitan sa bawat dedlayn. Para naman sa mga pagsusulit, isang quiz chart ang nakahanda sa bawat silid, kung saan, naglalagay ng pananda ang mga guro sa araw na nais nilang magbigay ng pagsusulit. Kapag umabot na ito sa tatlo, hindi na maaaring mag-iskedyul pa ang isang guro at kailangan na niyang humanap ng ibang araw na may puwang pa upang matiyak na hindi nawiwindang ang mga mag-aaral sa pagrerebyu sa napakaraming pagsusulit. Kahit paano, nakakatulong ang ganitong mga hakbang upang mabantayan ang stress sa mga mag-aaral ngunit marami pa ring praktis sa pagtuturo ang nakapagpapahirap sa kanila, sa halip na makapagpalaya. Maraming paniniwala sa edukasyon ang ipinatutupad sa pag-aakalang nakakapagpahusay ang mga ito ng mga mag-aaral ngunit sa katotohana’y lalo lamang nakapagpapahina sa kanila.

Isang katangian ng guro na nakapagpapahirap sa buhay ng kanyang mga mag-aaral ang “kayabangan”, isang terminong una kong narinig na binigyan ng natatanging kahulugan sa klase ng propesor ko sa masteradong si Dr. Lakangiting Garcia. Aniya, isa itong katangiang dapat alisin ng isang manunulat sa kanyang kamalayan, gaano man kalayo ang kanyang narating, upang patuloy siyang maging bukas sa mga punang lalong magpapahusay sa kanyang ginagawa. Sa gana ng mga guro, marami sa atin ang tumitingin sa ating asignatura bilang pinakaimportanteng disiplinang dapat pagpakadalubhasaan ng mga mag-aaral at bigyang-priyoridad. Marami ang umaabuso sa ating kapangyarihan at nagbibigay ng bultu-bultong gawain sa mga mag-aaral dahil nalulugod tayong makitang pinag-uukulan ng seryosong panahon ang ating disiplina. Marami sa atin ang natutuwa sapagkat nakalilikha ang ating kurso ng “kakila-kilabot” na reputasyon sa mga mag-aaral na kanilang kinikilala. Naalala ko tuloy ang presidente at bise-presidente ng klase ko na lumapit sa akin minsan para magmakaawang ilipat ang dedlayn ng sulating pormal ko sa Filipino. Hindi raw nila ito maipapasa sa oras dahil inuuna nila ang isang mahirap na takdang-aralin sa isa pang asignatura. Katunayan, ikinumpisal nilang nauubos na lamang ang panahon nila sa paggawa ng sunud-sunod na patakdang-aralin ng naturang guro na hindi naman kasama sa mga pangunahing kahingian ng kursong itinakda sa simula pa lang ng taon. Dahil malapit kaming magkaibigan ng guro, kaswal ko siyang tinanong kung totoo bang sunud-sunod ang pagbibigay niya ng mahihirap na gawain sa klase ko. Umamin naman siya ngunit natawang-nainis ako sa itinugon niya sa akin. Ganoon daw talaga dahil parang kolehiyo ang istilo niya sa pagtuturo at para hindi rin daw siya malimutan ng kanyang mga mag-aaral. Pansariling kaluwalhatian naman pala ang pangunahin layon ng guro sa kanyang mga ipinagagawa. Hindi ko sinasabing iwasan ang pagbibigay ng mga gawaing humahamon sa talino at kakayahan ng mga mag-aaral ngunit dapat lagi nating isaalang-alang na hindi lamang asignatura natin ang kanilang pinag-aaralan. Kung walo ang sabdyek na kinukuha ng isang mag-aaral ng elementarya o hayskul sa isang araw at lahat ng ito’y magbibigay ng takdang-aralin na kinabukasan ipapasa, masisisi ba natin sila kung pati mga magulang o kasambahay nila ay makihati na sa paggawa?

Isa pang salik ng edukasyong dapat muling pag-aralan ang kurikulum. May kurikulum kasing siksik sa mga paksang-aralin sa pagnanais na matuto ang mga mag-aaral ng mas maraming kaalaman. Karaniwang binibigyan ng higit na tuon ang dami ng matututunan sa halip na ang kalidad nito. Nakakaapekto ang ganitong disenyo sa masteri ng mga mag-aaral dahil sa halip na mabigyang-puwang ang pagpapalalim sa pag-unawa sa mga paksa, nalilimitahan ng oras ang mga guro dahil marami pang aralin ang kailangang isunod at baka hindi matapos ang mga ito ayon sa badyet ng panahon. Noong unang taon ng aking pagtuturo, minsan ko nang naranasang i-stress ang aking mag mag-aaral dahil sa dami ng paksang-araling sinikap kong siksikin sa maikling panahong nalabi sa amin. Napadalas noon ang suspensyon ng klase dahil sa magkakasunod na bagyo. Dahil maagang natapos ang aming markahang pagsusulit, ginawa namin ng katambal kong guro na nagtuturo ng Filipino II ang lahat upang mahabol ang mga paksang lalabas doon sa puntong kami na lang yata ang nagsasalita sa klase. Nalimitahan na ang kanilang pakikibahagi sa talakayan, gayong sila dapat ang sentro ng pag-aaral, na-stress pa ang aking mga mag-aaral nang mistula silang maging mga alkansyang pinaghulugan lang ng mga kaalaman. Napakabilis ng ginawa nilang pagtatala ng mga impormasyon habang minamanipula ko naman ang pagtuturo upang matapos lang ang dami ng paksang-aralin. Nang sumunod na taon, kahit bago pa lang akong guro, binago ko ang nadatnan kong silabus para maiangkop ang dami ng paksa sa karaniwang panahon ng pag-aaral at mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyanteng manamnam ang mga aralin. Muli, kung ganito ang stress na naranasan ng mga mag-aaral sa asignatura ko pa lang, ano kaya kung ang mga guro sa pitong iba pang asignatura’y hinabol din ang dami ng kanilang mga paksang-aralin? Lubos kaya ang naging pagkatuto ng mga mag-aaral sa lahat ng itinuro namin at sa paraang ginamit namin?

Panghuli, masasabi kong pinagmumulan ng stress ng mga mag-aaral ang mismong pagkasuya sa pag-aaral. Hindi kasi sila nabibigyan ng sapat na pagkakataon upang makapagpahinga o mairelaks ang kanilang mga pagod na isip at katawan. Kung pumapasok ang isang mag-aaral ng elementarya o hayskul ng 7:00 n. u. at nagtatapos ang klase ng 4:00 n. h., nangangahulugan itong walong tuluy-tuloy na oras (ibinawas na ang isang oras na pananghalian at rises) silang nagsusuri at nagpoproseso ng mga kaalaman, kumikilos para sa mga isahan at pangkatang gawain, sumasagot ng mga pagsusulit, nakikinig, nagsasalita, nagbabasa, nagsusulat, at iba pa. Nagsisilbi namang ekstensyon ng eskuwelahan ang kanilang mga bahay dahil panibagong oras ang ginagawad nila para sa paggawa ng mga takdang-aralin at pagrerebyu para sa mga pagsusulit. Nagsisilbi namang ekstensyon ng mga guro ang mga magulang dahil sila ang mga pulis na nagpapatrol at tumitiyak na nagagawa ng kanilang mga anak ang mga gawaing pang-eskuwelang dapat tapusin. Nasasabi ng mga magulang na nag-aral nang mabuti ang kanilang mga anak kapag nakikita nilang may hawak na aklat at panulat ang mga ito o di kaya’y masusing nagsasaliksik sa mga babasahin o internet. Gayunpaman, itinuturing naman nilang nagpapabaya ang kanilang mga anak kapag nagfe-Facebook lang ang mga ito, nakikipag-chat o nagtetext. Sa unang tingin, maaaring maisip na napakayaman ng pagkatutong nagaganap sa ganitong rutina dahil talagang sineseryoso ng mga estudyante ang pag-aaral ngunit ano kayang damdamin ang nalilinang sa kanila para rito kapag ginagawa itong mapag-angkin at nililimitahan ang pagkakataon nilang makapaglibang? Gaano kaya kaholistiko ang paglagong naiaambag ng walong tuluy-tuloy na oras ng pag-aaral sa paaralan at karagdagang oras pa ng pag-aaral sa tahanan sa pagkatao ng mga mag-aaral habang sila’y lumalaki?

Kung nai-stress ang isang guro sa araw-araw na pakikibaka para maghanda ng mga lesson plan, magtsek ng mga pagsusulit, gumawa ng mga visual aid, sumulat ng mga report at tumugon sa iba pang kahingian sa kanya, dapat maiwan na lamang ito sa kanyang antas at hindi na ibigay sa mga mag-aaral ang katulad na kalagayan. Sa halip na magmistulang parusa o chemotherapy, dapat iparamdam sa mga mag-aaral ang sayang dulot ng pag-aaral sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng kapaligirang mayaman sa pagkatuto ngunit magaan. Kung sakali namang makikiusap ang mga mag-aaral para sa karagdagang palugit para sa pagtapos ng isang gawain o magpapausog ng dedlayn nito, huwag tayong makipagmatigasan at igiit ang una nang napagkasunduan, lalo na kung ang dahilan lang naman nito’y ang takot na baka isinasantabi na nila ang ating asignatura o di-pinapahalagahan. Magtiwala tayong nagsisikap silang maipasa ang ating kahingian nang may kalidad at nasa panahon ngunit sadyang hindi sila pinahihintulutan ng aktuwal nilang kalagayan, kung saan, mas marami ang gawaing dapat tapusin kaysa panahong ibinigay para sa lahat ng ito. Isaalang-alang din na hindi major ang mga tinuturuang mag-aaral sa elementarya at hayskul kaya hindi kinakailangang ituro sa kanila maging ang kaliit-liitang himaymay ng ating asignatura. Maaaring napakadakila ng layunin nating maging bihasa sila sa ating disiplina ngunit pag-aralan din natin ang makatarungang hangganan ng dapat nating ituro sa mga mag-aaral, lalo pa kung pinagkalooban tayo ng kapangyarihang tumaliwas o humigit sa mga pagtatakda ng Kagawaran ng Edukasyon, gaya ng mga pribado at akredited na paaralan. Manindigan tayo kung saan higit na yayaman ang pagkatuto ng mga mag-aaral nang hindi sila gaanong nai-stress: maraming paksa ngunit mababaw na masteri (isang milya ang haba ngunit isang pulgada lang ang lalim) o kaunting paksa ngunit malalim na masteri (isang pulgada ang haba ngunit isang milya ang lalim). Panghuli, pagkalooban natin ang mga mag-aaral ng pagkakataong makapagpahinga o makapaglibang, saanman nila ito natatagpuan. Ito ang magpapanumbalik ng kanilang lakas upang muling maharap ang mga gawaing nakahanay sa susunod na araw. Kung nakikita nila ang saya at kapahingahan sa panonood ng Boys Over Flowers, pagfe-Facebook o pakikipag-chat sa YM, ibigay sa kanila ang opotunidad na ito lalo pa’t bahagi ang mga ito ng kanilang kabataan. Hayaaan silang malubos ang kaligayahang dulot ng kanilang kabataan sapagkat hindi na sila muling babalik dito. Hindi laging kasingkahulugan ng dami ng papel na kinasusubsuban at haba ng oras ng pagpupuyat ang tunay na kahusayan at pagkatuto; ito’y nasa kahandaan ng isip, puso at katawan upang makibahagi sa proseso ng pagkatuto.

Hindi dapat nakawin sa mga mag-aaral ang kanilang kabataan sa pamamagitan ng pagbugbog sa kanila sa pag-aaral. Ayaw kong isipin ngunit huwag naman sanang ang ganitong praktis ang nagiging sanhi ng pag-iisp at asal-bata ng maraming matatandang minsang naging estudyante dahil naipagkait ito sa kanila noong panahong dapat ay nagawa nila. Hindi rin sana ito ang dahilan kung bakit may mga pinuno o propesyunal na tumitingin sa kanilang mga empleyado bilang mga makinang di-napapagod sa pagtatrabaho, di nagbibigay ng sapat na benepisyo at di nakikinig sa kanilang mga daing dahil minsan din silang sinagad sa pagtatrabaho noong kapanahunan nila bilang mga mag-aaral, tinipid sa pahinga at di pinakinggan ng mga guro nang minsang humiling ng kaunting flexibility sa kanilang mga ipinapagawa. Lagi nating gawing mapagpalaya ang pagtuturo. Palayain natin ang mga mag-aaral!

Bagong Guro



(Ang artikulong ito'y naisulat noong patapos na ang unang taon ng aking pagtuturo at nalathala sa EJ Forum, isang pambansang newsletter na inililimbag ng Phoenix Publishing House, noong Marso 2008.)

“Ideyal” – isa ito marahil sa mga salitang angkop na makakapaglarawan sa mga bagong guro. Mainit-init pa mula sa kolehiyo, sariwa pa sa kanilang kamalayan ang lahat ng prinsipyong pedagohikal, mga makabagong pamaraan at istratehiya sa pagtuturo, mga hakbangin sa paglikha ng pagsusulit at iba pang bagay na may kaugnayan sa edukasyong kanilang natutunan sa pag-aaral. Hindi pa man nagsisimula ang aktuwal na karera’y nag-aalab na sila sa pag-iisip kung paano ipakikilala sa nakagawiang sistema ang sariling uri nila ng pagtuturo, lilikha ng sariling pangalan at patutunayan ang kakayahan.

Noong una, maraming bagay ang ninais kong palitan sa paaralang aking pinagtuturuan dahil pakiramdam ko, di tumutugma ang mga ito sa sarili kong pilosopiya sa pagtuturo. Halimbawa, ninais kong tanggalin ang sistema ng pagtatambal ng mga guro sa pagtuturo ng iisang antas dahil paniwala ko, mas mapapabilis ang pagtatrabaho kung wala ka nang partner teacher na kailangang sangguniin hinggil sa mga bagay na gusto mong gawin. Tutol din ako noon sa pagkakaroon ng kuwaderno sa kurso dahil paniwala ko’y magiging instrumento lang ito ng mga mag-aaral sa “pagloloro” o sa pag-uulit ng mga impormasyong nakatala sa kanilang kuwaderno tuwing talakayan. Gayunpaman, sa paglipas ng panahon, sa aktuwal kong pagdanas ng pagtuturo, natuklasan ko ang dahilan sa likod ng ilang gawi sa pag-aaral na noong una’y inakala kong walang saysay. Napagtanto kong ang pagkakaroon pala ng tambala’y isang paraan upang matiyak na nagkakaroon ng magkakatulad na saklaw ng pagtalakay ang mga klase at pantay-pantay ang kanilang natututunan. Nakakatulong naman ang pagtatabi ng isang kuwaderno upang magawang imortal ang mahahalagang araling tinalakay sa klase at mabalik-balikan kailanman kailanganin.

Bukod sa pakikibagay sa sistema ng paaralang pinagtuturuan kung saan pinagtatagpo ng bagong guro ang nakalipas at kasalukuyan, isa pang adjustment na kailangan niyang pagdaanan ang pakikibagay sa komunidad ng paaralan, kung saan kabilang ang administrasyon, mga kapwa-guro, iba pang kawani at syempre, mga mag-aaral. Sa simula’y nakikiramdam siya. Tahimik lang siya sa kanyang sariling mesa o angking sulok sa faculty room. Inaabala niya ang kanyang sarili sa kung ano ang maaaring pagkaabalahan, huwag lang magmukhang-tanga sa kawalan ng makakausap (o sadyang hindi pakikipag-usap, kahit may mga kasama naman). Hindi siya ang unang gumagawa ng hakbang para makipagkilala at naghihintay lang siya ng taong lalapit sa kanya para kausapin siya.

Bilang bagong guro, nakaramdam ako noong una ng pagkailang nang tangkain kong kaibiganin ang mga kasamahan sa trabaho dahil sa agwat ng mga gulang namin. Ang iba nga’y matagal nang nagtuturo sa paaralan at may posisyon pang hinahawakan, ngunit kinailangan kong ituloy pa rin ang pag-abot sa kanila. Nakatulong naman ito dahil nabasag ang pakiramdam ko ng pagiging baguhan at nabahaginan nila ako ng karunungan ng isang datihan na. Mas mabilis akong nagkaroon ng kapanatagan sa sarili na nakatulong sa akin para makakilos nang hindi nag-aalangan o nahihiya. Ganito rin ang ginawa ko sa mga administrador at maging sa mga karaniwang kawani ng paaralan . Sa una, maiisip marahil na nasa pedestal ang mga taong nabanggit at mahirap abutin ngunit sila’y mga tao ring makakausap at minsan pa nga’y makakabiruan. Kapag naman may pulong ang mga guro, naglalakas-loob akong makibahagi. Bago man ang aking tinig sa kanilang hanay, batid kong marami akong maiaambag na bago. Dinadaig ko ang aking hiya at nagbubunga naman ito dahil pinakikinggan nila ang mga pananaw ko. Pagdating naman sa mga mag-aaral, inaangkin ko sila bilang akin. Hindi ko sila itinuturing na iba kaya nagiging natural ako sa pagtuturo. Kapag natatawa ako, tatawa ako nang malakas. Kapag may di ako magandang puna tungkol sa kanilang ugali o gawa, sinasabi ko ito nang walang pagpapanggap. Masasabi kong naibigan ako ng aking mga mag-aaral sa ganitong pakikitungo dahil nakakaramdam din sila ng kalayaang maging sila, tulad kung paano nila nakita ang “tao” sa mga guro nila.

Bukod sa mga nabanggit, paano nga ba higit na masisiyahan ang isang bagong guro sa kanyang trabaho at mas magtatagal dito? Narito ang ilan sa mga mungkahing hakbang na bunga ng pansariling karanasan at personal na pagninilay-nilay:

1. Sulitin ang panahon sa pagtatrabaho.

Tunay ngang maraming trabahong hinihingi ang propesyon ng pagtuturo. Sa paaralan na lang namin, bukod sa mga banghay-aralin, kagamitang pampagtuturo, mga pagsusulit at mga report na dapat ihanda, may mga karagdagan pa kaming gawain tulad ng paghahanda ng mga modyul at implementasyon ng mga ito para sa community outreach at interest groups. Mga tagapayo rin ang iba sa amin na bukod sa pagsasakatuparan ng mga gawaing klerikal, tulad ng pagpapanatili ng kaayusan sa klase, ay nagpoproseso rin ng mga mag-aaral na may mga problemang pang-akademiko o personal. Gayunpaman, maaaring maisakatuparan ang lahat ng ito kung magkakaroon ng matalinong paggamit ng oras. Mula sa paglalapag ng bag sa pagpasok sa umaga hanggang sa pagtunog ng bell na hudyat ng pagtatapos ng pinakahuling klase sa hapon, dapat magtrabaho ang isang guro. Dapat tiyakin niyang sa bawat sandaling lumilipas, may isa, dalawa o higit pang gawain siyang natatapos. Hindi nakakatulong ang matagal na pagkain at pagpapahinga, labis na pakikipagkuwentuhan o sobrang paglilibang, gaya ng pag-iinternet. Sa halip, nagiging daan lang ang mga ito upang hindi maging produktibo ang araw at matambak ang mga gawain sa susunod na araw, na lalong nakapagpapasikip sa mundo ng isang guro at umaabuso sa kanyang katawang-lupa.

2. Iwaksi ang makitid na pag-iisip.

Maraming bagong guro ang may pakiramdam na parang nalulusaw na mantikilya sa mainit na kawali. Dahil masyado silang konsyus sa kanilang imahen at sa impresyon sa kanila sa unang taon ng pagtuturo, marami ang kumikitid ang pag-iisip. Halimbawa, kapag napuna sila ng koordineytor dahil sa pagkakamali sa isang paksang-araling tinalakay o ng mismong punongguro dahil sa di-mainam na pangangasiwa ng klase, pakiramdam agad nila’y “basa na ang kanilang papel” at katapusan na ng kanilang propesyon. Sa ganitong mga pagkakataong napupuna ang pagtuturo ng isang bagong guro, sa halip na tortyurin niya ang kanyang sarili sa pag-iisip ng mga di-magagandang imaheng inaakala niyang nasasaisip ng kanyang mga superyor, dapat magkaroon siya ng bukas na isip at tanggapin ang mga puna. Dapat niyang mapagtantong hindi inilalahad ang naturang mga puna upang durugin ang kanyang pagkatao kundi upang lalo siyang pandayin tungo sa pagiging mas mabuting guro. Walang sinumang guro, gaano man siya kadakila, ang malaya sa pagkakamali. Hindi ba't lalo ring humuhusay ang isang guro kapag tinatangka niyang magbago at hindi na gawin pa ang mga pagkakamaling naipuna sa kanya?

3. Maggawad ng panahon para magsaya kasama ang mga kapwa-guro o kaibigan.

Bagamat iminumungkahi ang pagsulit sa bawat araw para sa pagsasakatuparan ng mga gawain, ipinapayo rin ang paglabas upang magsaya. Maaaring magtungo sa isang videoke bar para magkantahan, sa isang comedy bar para humalakhak, sa isang court para maglaro ng badminton o sa mga bagong restawran para subukan ang mga putaheng hindi pa natitikman. Dapat tuklasin ng guro ang gawaing magpapasaya sa kanya at dito ibuhos ang lahat ng stress na dulot sa kanya ng trabaho. Magdudulot ang hakbang na ito ng mapagpalayang pakiramdam ng kapahingahan.

4. Mahalin ang propesyon at angkinin ito.

Hindi dapat ituring ng isang bagong guro na salapi lang ang nag-uugnay sa kanya at sa paaralang kanyang pinagtuturuan. Hindi rin niya dapat tingnan ang mga kapwa-guro at mag-aaral bilang mga katrabaho lang. Hindi dapat maging mekanikal ang pagtuturo kundi dapat panatilihin ang puso para rito. Halimbawa, sa paggawa ng banghay-aralin o paghahanda ng isang pagsusulit, hindi dapat isakatuparan ang gawain para lang masabing “natapos na ito” kundi dapat, maging bahagi rin ng proseso ang pagtiyak ng guro na may kalidad ang kanyang ginagawa para sa lubusang ikauunlad ng kanyang mga mag-aaral. Dapat isaisip niyang bawat bahagi ng paaralang pinagtuturuan niya’y hindi “iba” kundi “kanya”. Sa ganito’y tumataas ang antas ng kanyang pakikisangkot at likas na naibibigay ang buo niyang kahusayan sapagkat di na lang materyalistiko ang ugnayang namamagitan sa kanya at sa ginagawa, kundi tao sa tao.

5. Hanapin kung saan matatagpuan ang tunay na kaligayahan.

Kapag natapos na ang unang taon ng pagtuturo ng isang bagong guro at hindi siya naging maligaya sa paaralang kanyang pinagtuturuan dahil sa mga bagay na di niya sinasang-ayunan dito o dahil sa sadyang pagkapagod nang maaga, dapat siyang magnilay at hanapin kung saan niya tunay na matatagpuan ang kanyang sarili. Dinadaya lang ng isang guro ang kanyang sarili kapag tiniis niya ang pananatili sa paaralang kanyang pinapasukan dahil lang sa mga administrador na ayaw biguin o mga kapwa-gurong di-maiwan. Maaaring naisasakatuparan niya ang kanyang tungkulin ngunit laging kalahati lang ng tunay niyang kakayahan ang kanyang naibibigay dahil ang isa pang kalahati’y nananatili sa lugar na gusto niya talagang puntahan.

Hindi matatawaran ang unang taon ng pagtuturo dahil ito ang unang pagkakataon ng isang bagong guro na malasap ang realidad ng propesyong kanyang pinili. Sa halip na igawad ito sa pagpapakitang-gilas sa mga taong nakapaligid sa kanya, dapat gamitin ito ng isang guro sa tunay na pagpapaunlad ng kanyang sarili. Ang magandang simula ang unang hakbang tungo sa makabuluhang pagpapatuloy ng isang karerang pangmatagalan.

Pakikipamuhay


Sa mga sandaling ito, nasa estado ako ng paninibago. Parang bisita ang pakiramdam ko sa sarili naming bahay; estranghero ang tingin ko sa mga kasambahay at kapitbahay na araw-araw ko namang kasama; at kahit ang monitor ng pc ko’y parang may mali sa pagkakapuwesto gayong wala namang gumalaw rito mula nang iwan ko. Iba talaga pag galing ka sa ibang kapaligirang agad mong kinasanayan. Iba pala pag umiral ang stimulus adaptationg tinatalakay sa klase ni Prop. Claudia Mendoza sa Sikolohiya.

Sa loob ng tatlong araw, nakipamuhay kami sa mga kapatid nating Aeta sa kabundukan ng Tarlac. Isa itong mahalagang pangangailangan sa kurso naming Community Integration. Pangkaraniwan lang ang pakiramdam ko noong una. Sang-ayon ang isip kong tumuloy dahil isang pangangailangang pang-akademiko ang pupuntahan namin pero sa kabilang banda, hindi ganoon kapursigido ang katawan ko dahil sa hindi magagandang kuwentong-kutserong una ko nang narinig. Nariyan ang kuwentong tumutulo raw ang sipon (kung tatanggalin ang eupemismo’y “uhog” naman talaga) ng mga kabataang Aeta, papahirin ng Nanay saka ka lalagyan ng kanin at ulam sa pinggan mo. Yayakapin ka ng kabataang Aetang may kung anu-anong insektong gumagapang sa buhok o kung minsan nama’y may hindi magandang amoy. Hindi ka patutulugin ng huni ng kung anu-anong hayop sa gabi. Walang ilaw at tubig kaya wala kayong magagawa kundi pagtiisan ang baho ng nagsisiksikan ninyong mga katawan sa sasakyan. At pinakamalala, walang palikuran kaya sa madadawag na talahiban ka lang makaiihi at makadudumi. Hindi naman ako masyadong maselan, bagamat di umiinom sa istrong nalawayan na ng iba, pero kung ganito kapatung-patong ang pagsubok na haharapin ko sa pakikipamuhay, parang ang hirap pasanin. Gayunpaman, udyok na rin ng magkatulad na diwang makabayan at pansarili, tumuloy na ako at nag-abang na lang sa susunod na mangyayari. Bahala na kung saan ako dalhin ng pakikipamuhay.

Dahil mas inalala ko pa kung paano makakapanood ng Jewel in the Palace sa susunod na dalawang gabi, lalo pa't tagisan na nina Lady Choi at Han, kaysa pagtuunan ang pag-iimpake, gumayak akong hindi gaanong handa. Ni hindi ko nga naalalang dumumi gayong may defecating complex (ang tawag ko sa pakiramdam ng kagyat na pananakit ng tiyan matapos kumain na ang tanging sagot ay ang pagdumi) pa naman ako. Matapos ang dalawang oras ding biyahe, narating na namin ang Sitio San Martin sa Bamban, Tarlac. Di tulad ng inaasahan kong primitibong pamumuhay, masasabing nasinagan na ng kaunlaran ang komunidad. Matatag na nakatayo ang tahanan ng mga “kapatid” (ang siyang marapat itawag sa mga Aeta at hindi “baluga” gaya ng iginigiit ng isa kong kasama) na kung hindi yari sa pawid ay sementado at karamiha'y dinadaluyan na ng kuryente bagamat ilaw lang ang karaniwang pinaggagamitan. Dahil may mga tahanan na ring may telebisyon, DVD player at sound system, hindi nahuhuli ang mga katutubo sa kung ano ang uso sa kapatagan. Tinatanggap nila sa pamamagitan ng midya ang katulad na impormasyong tinatanggap natin. Tinutunghayan nila ang katulad na mga piniratang panooring tinatangkilik natin. At sumasayaw sila alinsunod sa pinakahuling dance craze na pinagkakaguluhan natin. Bagamat iilan lang ang nagmamay-ari ng nabanggit na mga kasangkapan, nakakasabay ang lahat dahil itinuturing ng mga residenteng kamag-anak ang isa’t isa. Gaano man kalayo ang tahanan ng isang pamilya sa kanyang kapwa, lagi at laging may relasyon siyang mababanggit. Kapatid ang katabing bahay, tiya at tiya ang katapat, pinsan ang lahat ng madaanan. Bukod sa mga ito, may isa ring day care center na nagsisilbi sa mga nais matuto. Pangalawang tahanan ito ng mga kabataang nais matuto ng mga batayang kaalaman sa ilalim ng mga malaguro at ng mga matatandang nais matuto ng katulad ding aralin o ng kapaki-pakinabang na kasanayan sa pamamagitan ng distance learning sa radyo. Sa panganagsiwa naman ito ng Office for Community Development o OCD ng Unibersidad ng Santo Tomas. Pagdating sa aspektong panrelihiyon, mamamalas sa komunidad ang iba’t ibang samahang naglalayong palaganapin ang Mabuting Balita sa mga katutubo. Kristiyano ang karamihan sa mga ito kaya karaniwan nang tanawin ang mga pagtitipong tinatampukan ng masasayang pag-awit ng papuri sa Diyos. Ngunit sa kabila nito, masasabing nananatili pa rin ang pagka-Katoliko ng mga Aeta, patunay ang isang kapilyang Katolikong pinagtutulungan nilang itayo.

Iba’t ibang paraan ang ginagawa ng mga katutubo upang mabuhay. Pinakakaraniwan ang pag-uuling na nagkakahalaga ang isang sako ng P100. Mayroon ding mga nagsasaka at nag-aalaga ng mga hayop, tulad ng kalabaw, kambing at bibe na ang ila'y ipinagkaloob ng OCD upang paramihin at pagkakitaan. May ilan namang nagtitinda sa daan ng kanilang mga tanim, tulad ng papaya, mangga at kamote. May ilan ding nagmamay-ari ng sari sari store na karaniwang overpriced ang mga paninda dahil na rin siguro sa gastusin sa transportasyon.

Sa paglalakad, mapapansing maraming sasakyang paroo’t parito sa mga daan. Kung hindi sa mga dayong nag-aabot ng tulong sa mga katutubo, pag-aari ang mga behikulo ng mga kumpanyang lumilinang ng mga lupain sa kabundukan at nagtatayo ng kani-kanilang negosyo. Sa daan na lang patungo sa batis, kung saan kami naliligo tuwing umaga, nakakita kami ng isang tiwangwang na lupang nililinang upang gawin umanong swimming pool. Pinauunlad naman ang isang bahagi ng tabing-bundok para gawing resort. At binili ang ilang ektaryang lupain sa kabundukan upang pagtamnan ng mangga. Sa isang banda, kapaki-pakinabang ang mga pagbabagong ito dahil makatutulong sa kabuhayan ng mga katutubo bukod pa sa higit silang mahahantad sa makabagong pamumuhay na siyang susi upang makasabay sa mga hamon ng nagbabagong panahon. Ngunit sa kabilang banda, unti-unti rin nitong ninanakaw ang kanilang lupain nang di nila namamalayan.

Pagdating sa sitio, nagtalaga ng pagpapares sa mga kasapi ng pangkat. Sa ganitong paraan kami ipinamahagi sa mga pamilyang kukupkop sa amin sa susunod na tatlong araw. Noong una, inakala naming magkakapitbahay lang kami ngunit nang maglaon, napagtanto naming magkakalayo pala kami. Mahaba ang nilalakad ng bawat isa bago makarating sa tahanan ng mga kasama. Sa halos magkabilang dulo ng sitio itinalaga ang dalawa sa pitong pares ng aming pangkat. Parusa ito sa kanila dahil kapag nagpapatawag ng mga pagpupulong ay mula UST hanggang riles ng Espanya yata ang kanilang nilalakad. Mabuti na lang at maganda ang lokasyon ng tahanan namin dahil nasa gitna. Bagamat nakaharap ito sa bangin (kaya pag dilat ng mga mata namin sa umaga ay mga bundok, ulap at bituin ang unang bumubungad sa amin), madali namang marating ang lahat mula rito. Ito ang tahanan nina Nanay Aida.

Si Nanay Aida ay isang balong may limang anak. Namatay ang kanyang asawa dahil sa sakit (na pinaniniwalaan kong tuberkulosis kung susuriin ang mga sintomas na kanyang binanggit) na hindi naipagamot bunsod ng kawalan ng pera. Kasama namin sa kanyang tahanan ang kanyang ina at apat na anak na lalaki. Humiwalay na ang kanyang panganay na babae matapos makapangasawa. Noong una kaming dumating, agad niya kaming inalok kumain. Nagpapakulo sila noon ng mga buto ng isang hindi pamilyar na puno sa likod-bahay na kung tawagin nila'y ‘kardis’ (marahil ay kabilang ito sa lahi ng pods batay sa itsura). Dahil ngayon lang kami nakakita ng ganoong halaman, hindi agad kami sumunggab at sa halip ay pabalat-bungang nagbukas ng dalawang Century Tuna upang pagsaluhan ng lahat. Agad din niya kaming tinanong kung may dala ba kaming kape at asukal na ikinalungkot naman namin dahil wala. Mula sa kanya ay nabatid kong napakamahal ng mga bilihin sa kanilang komunidad. Kung paniniwalaan ang kanyang kuwento, ang isang salop ng bigas na karaniwang naglalaro lamang sa P20-30 sa atin ay P50 sa kanila. P40 naman ang isang pakete ng kape na wala pang P20 sa atin. Overpriced din ang asukal, karne, maging ang sitsirya. Dahil dito, hindi nakapagtataka kung hindi man malinaw ang konsepto ng ulam sa kanila. Basta’t may kanin na binudburan ng asin, ayos na. Kung wala man, maaari raw silang humiram ng isa o dalawang gatang sa kanilang mga kapitbahay sa kondisyong papalitan kapag sila naman ang nagkaroon.

Pagsapit ng gabi'y nangangapitbahay kami (ang totoo niya’y ako lang naman ang may pakana) upang makipanood ng Jewel in the Palace. Sinasamahan kami ni Nanay Aida sa bahay ng anak niyang may TV na malapit lang sa amin. Sa ikalawang gabi ng pakikipanood namin, may isang pangyayaring pumukaw ng aking pansin. Walang patid sa pag-ubo ang apo ni Nanay Aida hanggang sa halos sumuka na ito. May ilang bote ng gamot at bitamina ang anak ni Nanay Aidang nakuha raw nila bilang kapalit ng pagtulong sa mga medical mission. Ito ang siyang ipinaiinom nila sa batang maysakit. Gayunpaman, nang sinuri ko ang gamot, nagulat ako nang malamang para ito sa sipon at hindi sa ubo (dahil nasal decongestant). Ito marahil ang dahilan kung bakit tila hindi nalulunasan ang matinding pag-ubo ng bata at sa halip ay lalo pang lumalala. Dahil dito, nadagdagan ang alalahanin ko nang gabing iyon. Ang una'y ang sunud-sunod na pagkatalo ni Jang Geum sa tagisan nila ni Lady Choi at ang isa pa’y ang pagkatuklas na umiinom ang mga katutubo ng gamot na di nila batid kung para saan, na matagal na nilang ginagawa, marahil. Lalo akong nalungkot dahil wala akong naitulong kundi magbigay ng mga teorya kung paano malulunasan ang sakit; hindi man lang ako nakapagdala ng gamot para sa napakakaraniwang sakit na ubo.

Bago iwan ang pamilya ni Nanay Aida, iniwan namin ng aking katambal ang dala naming ilang kilong bigas at iba pang kalakal bilang tanda ng pasasalamat. Hangad naming makatulong sa pagtustos sa mga pangangailangan ng pamilya kahit sa sandaling panahon lang. Nabuo rin sa akin ang hangaring magbalik sa komunidad at sa pagkakataong iyon, titiyakin kong makakapagdala na ako ng higit nilang mga pangangailangan.

Isang karanasang tunay na hindi ko malilimutan ang pakikipamuhay sa mga kapatid na Aeta. Isang magandang pahinga mula sa nakapapagod na akademya. Isang alaalang habambuhay kong ipagpapasalamat. Tinuruan ako nitong hindi lamang gamitin kung ano ang mayroon ako para sa ikauunlad ng aking sarili kundi sa pag-aambag din sa ikabubuti ng iba. Tinuruan ako nitong pahalagahan ang lahat ng biyayang natatamo ko dahil hindi lahat ay pinagkakalooban at di natin batid na bawat isang sinasayang nati'y malaki palang tulong sa iba. Nasaksihan kong ang pagsusumikap lamang ang tanging paraan upang mabigyang-katuparan ang mga pangarap. Nakatagpo ako ng isang kaibigang nagturo sa akin na ang kabutihan ng puso ang siyang pangunahing pamantayang dapat nating hinahanap sa mga taong nagnanais at ninanais nating maging bahagi ng ating buhay, higit sa ano pa man. Higit sa lahat, lalo kong minahal ang edukasyon dahil namalas ko ang kapangyarihan nitong baguhin ang buhay, hindi lamang ng isang indibidwal, kundi ng isang buong komunidad.
Tulad ko noong una, marami sa atin ang nag-aalangang makipamuhay sa mga katutubo. Gayunpaman, bakit natin pag-alangan ang isang karanasang hahaplos sa ating kaluluwa at mag-iiwan dito ng mga di-mapapawing aral?