Sunday, September 27, 2009

Palayain ang mga Mag-aaral!



Lumikha ako ng kasaysayan sa pribadong hayskul na pinagtuturuan ko na eksklusibo para sa mga babae nang italaga akong kauna-unahang lalaking class adviser. Sa totoo lang, isa itong bagay na hiniling ko dahil gusto kong magkaroon ng sariling pamilya sa paaralan. “Homeroom”, kung tawagin ito sa amin. Isang pagsasanib ng mga salitang “home” o tahanan at “room” o silid, na nangangahulugang higit sa pagiging tagpuang pang-akademiko, dapat maging tahanan ang silid sa loob ng paaralan. Higit sa ugnayang propesyunal, dapat maramdaman ang ugnayang pampamilya sa klase, kung saan nagsisilbing magulang ang tagapayo at magkakapatid ang mga mag-aaral. Ipinahayag ko sa administrasyon ang pagnanais na maging class adviser dahil gusto kong mangasiwa ng isang silid at maging higit na sangkot sa paghubog ng mga mag-aaral, lalo pa at kabilang ako sa henerasyong kinalakhan nila. Isang bentahe ito upang maunawaan ko ang pinanggagalingan nila at mas mabisang maproseso sila.

Sa ngayon, unti-unti nang pumapasok sa akin ang pagiging seryoso ng natatanging tungkulin ko. Nagdaan na ang mga yugtong klerikal kung saan nag-aayos ng pisikal na anyo ng silid, mula sa paggawa ng bulletin board na naaayon sa tema hanggang sa pagdidikit ng mga importanteng paalala sa mesa; nagtatakda ng ayos ng mga mag-aaral sa pagkakaupo; nagpapamigay ng kung anu-anong liham at nangongolekta ng mga reply slip; at naghahanda ng mga materyal na mas magpapabilis sa araw-araw na rutina ng klase, tulad ng mga tsart, kahon, atbp. Nasa estado na ako ngayon kung saan, isa-isa kong hinaharap ang mga suliranin “ng” at “sa” mga mag-aaral, personal man o pang-akademiko, na nakakaapekto sa kanilang pag-aaral o sa kanilang buhay, sa pangkalahatan. Isa sa mga seryosong suliraning ito na lubos na nakakaapekto sa akin, bagamat tinatangka ko sa tuwina ang “psychological distancing” na iminungkahi sa akin ng isang kaibigang madre, ang stress na dinaranas ng aking mga mag-aaral. Ironya mang maituturing ngunit ang stress na ito’y nagmumula mismong sa mga guro, mga pinag-aaralan at minsan, mga magulang.

Karaniwan para sa isang guro na mahanggaan lamang ang paningin sa kanyang sabdyek. Pagtayo niya sa harap, ang nag-eeksist lamang sa kanyang kamalayan ay siya, ang kanyang mga mag-aaral at ang paksang-aralin. Pangunahin niyang konsern kung paano malilinang sa mga mag-aaral ang mga kaalaman, kasanayan at pagpapahalagang nauukol sa kanyang kurso at hindi na pinoproblema pa kung ano ba ang napag-usapan ng klase sa sinundan niyang sabdyek o kung anu-ano ang ginawa roon. Hindi na niya inaalam kung may pagsusulit ba sa ibang asignatura o kung may mga proyekto o takdang-araling ipapasa sa mga ito. Ang ganitong “myopia” ng mga guro, bagamat mga detalyeng mistulang maliliit at di napapansin, ang isa sa mga pinagmumulan ng stress ng mga mag-aaral. Dito nagmumula ang pagsasabay-sabay ng mga gawain o pagsusulit na tulad ng mga nag-uumpugang bato’y dumidikdik sa anumang nasa pagitan. Mapalad ang mga mag-aaral sa eskwelahang pinagtuturuan ko dahil may sistema ng pagtsatsart na sinusunod. Dito, sama-samang umuupo ang mga gurong nagtuturo sa iisang antas sa simula pa lang ng taon upang itakda ang petsa ng pagpapasa ng mga kahingian (proyekto, pagtatanghal, atbp.) sa kani-kanyang kurso. Tinitiyak dito na walang dalawang pangunahing kahingian ang sabay na ginagawa at pinapasa sa iisang araw at may sapat na pagitan sa bawat dedlayn. Para naman sa mga pagsusulit, isang quiz chart ang nakahanda sa bawat silid, kung saan, naglalagay ng pananda ang mga guro sa araw na nais nilang magbigay ng pagsusulit. Kapag umabot na ito sa tatlo, hindi na maaaring mag-iskedyul pa ang isang guro at kailangan na niyang humanap ng ibang araw na may puwang pa upang matiyak na hindi nawiwindang ang mga mag-aaral sa pagrerebyu sa napakaraming pagsusulit. Kahit paano, nakakatulong ang ganitong mga hakbang upang mabantayan ang stress sa mga mag-aaral ngunit marami pa ring praktis sa pagtuturo ang nakapagpapahirap sa kanila, sa halip na makapagpalaya. Maraming paniniwala sa edukasyon ang ipinatutupad sa pag-aakalang nakakapagpahusay ang mga ito ng mga mag-aaral ngunit sa katotohana’y lalo lamang nakapagpapahina sa kanila.

Isang katangian ng guro na nakapagpapahirap sa buhay ng kanyang mga mag-aaral ang “kayabangan”, isang terminong una kong narinig na binigyan ng natatanging kahulugan sa klase ng propesor ko sa masteradong si Dr. Lakangiting Garcia. Aniya, isa itong katangiang dapat alisin ng isang manunulat sa kanyang kamalayan, gaano man kalayo ang kanyang narating, upang patuloy siyang maging bukas sa mga punang lalong magpapahusay sa kanyang ginagawa. Sa gana ng mga guro, marami sa atin ang tumitingin sa ating asignatura bilang pinakaimportanteng disiplinang dapat pagpakadalubhasaan ng mga mag-aaral at bigyang-priyoridad. Marami ang umaabuso sa ating kapangyarihan at nagbibigay ng bultu-bultong gawain sa mga mag-aaral dahil nalulugod tayong makitang pinag-uukulan ng seryosong panahon ang ating disiplina. Marami sa atin ang natutuwa sapagkat nakalilikha ang ating kurso ng “kakila-kilabot” na reputasyon sa mga mag-aaral na kanilang kinikilala. Naalala ko tuloy ang presidente at bise-presidente ng klase ko na lumapit sa akin minsan para magmakaawang ilipat ang dedlayn ng sulating pormal ko sa Filipino. Hindi raw nila ito maipapasa sa oras dahil inuuna nila ang isang mahirap na takdang-aralin sa isa pang asignatura. Katunayan, ikinumpisal nilang nauubos na lamang ang panahon nila sa paggawa ng sunud-sunod na patakdang-aralin ng naturang guro na hindi naman kasama sa mga pangunahing kahingian ng kursong itinakda sa simula pa lang ng taon. Dahil malapit kaming magkaibigan ng guro, kaswal ko siyang tinanong kung totoo bang sunud-sunod ang pagbibigay niya ng mahihirap na gawain sa klase ko. Umamin naman siya ngunit natawang-nainis ako sa itinugon niya sa akin. Ganoon daw talaga dahil parang kolehiyo ang istilo niya sa pagtuturo at para hindi rin daw siya malimutan ng kanyang mga mag-aaral. Pansariling kaluwalhatian naman pala ang pangunahin layon ng guro sa kanyang mga ipinagagawa. Hindi ko sinasabing iwasan ang pagbibigay ng mga gawaing humahamon sa talino at kakayahan ng mga mag-aaral ngunit dapat lagi nating isaalang-alang na hindi lamang asignatura natin ang kanilang pinag-aaralan. Kung walo ang sabdyek na kinukuha ng isang mag-aaral ng elementarya o hayskul sa isang araw at lahat ng ito’y magbibigay ng takdang-aralin na kinabukasan ipapasa, masisisi ba natin sila kung pati mga magulang o kasambahay nila ay makihati na sa paggawa?

Isa pang salik ng edukasyong dapat muling pag-aralan ang kurikulum. May kurikulum kasing siksik sa mga paksang-aralin sa pagnanais na matuto ang mga mag-aaral ng mas maraming kaalaman. Karaniwang binibigyan ng higit na tuon ang dami ng matututunan sa halip na ang kalidad nito. Nakakaapekto ang ganitong disenyo sa masteri ng mga mag-aaral dahil sa halip na mabigyang-puwang ang pagpapalalim sa pag-unawa sa mga paksa, nalilimitahan ng oras ang mga guro dahil marami pang aralin ang kailangang isunod at baka hindi matapos ang mga ito ayon sa badyet ng panahon. Noong unang taon ng aking pagtuturo, minsan ko nang naranasang i-stress ang aking mag mag-aaral dahil sa dami ng paksang-araling sinikap kong siksikin sa maikling panahong nalabi sa amin. Napadalas noon ang suspensyon ng klase dahil sa magkakasunod na bagyo. Dahil maagang natapos ang aming markahang pagsusulit, ginawa namin ng katambal kong guro na nagtuturo ng Filipino II ang lahat upang mahabol ang mga paksang lalabas doon sa puntong kami na lang yata ang nagsasalita sa klase. Nalimitahan na ang kanilang pakikibahagi sa talakayan, gayong sila dapat ang sentro ng pag-aaral, na-stress pa ang aking mga mag-aaral nang mistula silang maging mga alkansyang pinaghulugan lang ng mga kaalaman. Napakabilis ng ginawa nilang pagtatala ng mga impormasyon habang minamanipula ko naman ang pagtuturo upang matapos lang ang dami ng paksang-aralin. Nang sumunod na taon, kahit bago pa lang akong guro, binago ko ang nadatnan kong silabus para maiangkop ang dami ng paksa sa karaniwang panahon ng pag-aaral at mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyanteng manamnam ang mga aralin. Muli, kung ganito ang stress na naranasan ng mga mag-aaral sa asignatura ko pa lang, ano kaya kung ang mga guro sa pitong iba pang asignatura’y hinabol din ang dami ng kanilang mga paksang-aralin? Lubos kaya ang naging pagkatuto ng mga mag-aaral sa lahat ng itinuro namin at sa paraang ginamit namin?

Panghuli, masasabi kong pinagmumulan ng stress ng mga mag-aaral ang mismong pagkasuya sa pag-aaral. Hindi kasi sila nabibigyan ng sapat na pagkakataon upang makapagpahinga o mairelaks ang kanilang mga pagod na isip at katawan. Kung pumapasok ang isang mag-aaral ng elementarya o hayskul ng 7:00 n. u. at nagtatapos ang klase ng 4:00 n. h., nangangahulugan itong walong tuluy-tuloy na oras (ibinawas na ang isang oras na pananghalian at rises) silang nagsusuri at nagpoproseso ng mga kaalaman, kumikilos para sa mga isahan at pangkatang gawain, sumasagot ng mga pagsusulit, nakikinig, nagsasalita, nagbabasa, nagsusulat, at iba pa. Nagsisilbi namang ekstensyon ng eskuwelahan ang kanilang mga bahay dahil panibagong oras ang ginagawad nila para sa paggawa ng mga takdang-aralin at pagrerebyu para sa mga pagsusulit. Nagsisilbi namang ekstensyon ng mga guro ang mga magulang dahil sila ang mga pulis na nagpapatrol at tumitiyak na nagagawa ng kanilang mga anak ang mga gawaing pang-eskuwelang dapat tapusin. Nasasabi ng mga magulang na nag-aral nang mabuti ang kanilang mga anak kapag nakikita nilang may hawak na aklat at panulat ang mga ito o di kaya’y masusing nagsasaliksik sa mga babasahin o internet. Gayunpaman, itinuturing naman nilang nagpapabaya ang kanilang mga anak kapag nagfe-Facebook lang ang mga ito, nakikipag-chat o nagtetext. Sa unang tingin, maaaring maisip na napakayaman ng pagkatutong nagaganap sa ganitong rutina dahil talagang sineseryoso ng mga estudyante ang pag-aaral ngunit ano kayang damdamin ang nalilinang sa kanila para rito kapag ginagawa itong mapag-angkin at nililimitahan ang pagkakataon nilang makapaglibang? Gaano kaya kaholistiko ang paglagong naiaambag ng walong tuluy-tuloy na oras ng pag-aaral sa paaralan at karagdagang oras pa ng pag-aaral sa tahanan sa pagkatao ng mga mag-aaral habang sila’y lumalaki?

Kung nai-stress ang isang guro sa araw-araw na pakikibaka para maghanda ng mga lesson plan, magtsek ng mga pagsusulit, gumawa ng mga visual aid, sumulat ng mga report at tumugon sa iba pang kahingian sa kanya, dapat maiwan na lamang ito sa kanyang antas at hindi na ibigay sa mga mag-aaral ang katulad na kalagayan. Sa halip na magmistulang parusa o chemotherapy, dapat iparamdam sa mga mag-aaral ang sayang dulot ng pag-aaral sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng kapaligirang mayaman sa pagkatuto ngunit magaan. Kung sakali namang makikiusap ang mga mag-aaral para sa karagdagang palugit para sa pagtapos ng isang gawain o magpapausog ng dedlayn nito, huwag tayong makipagmatigasan at igiit ang una nang napagkasunduan, lalo na kung ang dahilan lang naman nito’y ang takot na baka isinasantabi na nila ang ating asignatura o di-pinapahalagahan. Magtiwala tayong nagsisikap silang maipasa ang ating kahingian nang may kalidad at nasa panahon ngunit sadyang hindi sila pinahihintulutan ng aktuwal nilang kalagayan, kung saan, mas marami ang gawaing dapat tapusin kaysa panahong ibinigay para sa lahat ng ito. Isaalang-alang din na hindi major ang mga tinuturuang mag-aaral sa elementarya at hayskul kaya hindi kinakailangang ituro sa kanila maging ang kaliit-liitang himaymay ng ating asignatura. Maaaring napakadakila ng layunin nating maging bihasa sila sa ating disiplina ngunit pag-aralan din natin ang makatarungang hangganan ng dapat nating ituro sa mga mag-aaral, lalo pa kung pinagkalooban tayo ng kapangyarihang tumaliwas o humigit sa mga pagtatakda ng Kagawaran ng Edukasyon, gaya ng mga pribado at akredited na paaralan. Manindigan tayo kung saan higit na yayaman ang pagkatuto ng mga mag-aaral nang hindi sila gaanong nai-stress: maraming paksa ngunit mababaw na masteri (isang milya ang haba ngunit isang pulgada lang ang lalim) o kaunting paksa ngunit malalim na masteri (isang pulgada ang haba ngunit isang milya ang lalim). Panghuli, pagkalooban natin ang mga mag-aaral ng pagkakataong makapagpahinga o makapaglibang, saanman nila ito natatagpuan. Ito ang magpapanumbalik ng kanilang lakas upang muling maharap ang mga gawaing nakahanay sa susunod na araw. Kung nakikita nila ang saya at kapahingahan sa panonood ng Boys Over Flowers, pagfe-Facebook o pakikipag-chat sa YM, ibigay sa kanila ang opotunidad na ito lalo pa’t bahagi ang mga ito ng kanilang kabataan. Hayaaan silang malubos ang kaligayahang dulot ng kanilang kabataan sapagkat hindi na sila muling babalik dito. Hindi laging kasingkahulugan ng dami ng papel na kinasusubsuban at haba ng oras ng pagpupuyat ang tunay na kahusayan at pagkatuto; ito’y nasa kahandaan ng isip, puso at katawan upang makibahagi sa proseso ng pagkatuto.

Hindi dapat nakawin sa mga mag-aaral ang kanilang kabataan sa pamamagitan ng pagbugbog sa kanila sa pag-aaral. Ayaw kong isipin ngunit huwag naman sanang ang ganitong praktis ang nagiging sanhi ng pag-iisp at asal-bata ng maraming matatandang minsang naging estudyante dahil naipagkait ito sa kanila noong panahong dapat ay nagawa nila. Hindi rin sana ito ang dahilan kung bakit may mga pinuno o propesyunal na tumitingin sa kanilang mga empleyado bilang mga makinang di-napapagod sa pagtatrabaho, di nagbibigay ng sapat na benepisyo at di nakikinig sa kanilang mga daing dahil minsan din silang sinagad sa pagtatrabaho noong kapanahunan nila bilang mga mag-aaral, tinipid sa pahinga at di pinakinggan ng mga guro nang minsang humiling ng kaunting flexibility sa kanilang mga ipinapagawa. Lagi nating gawing mapagpalaya ang pagtuturo. Palayain natin ang mga mag-aaral!

5 comments:

  1. kua, favor naman po... gumagawa po me ng thesis ngayon. nid ko po ng "mga salik na nakaka apekto sa pagkatuto ng mag aaralsa loob at labas ng paaralan"... help naman po... napansin kopo kasi na may kaugnayan dito ang iYong isinulat kaya po sana makagawa ka ng sulat bout SA TOPIC KO. THANKS PO... SA FRIDAY NPO IPAPASA THESIS KO... GOD BLESS U PO!!! TNX.send u nslsng po sa email ko f ok lang. irma_encinares@yahoo.com. tnx

    ReplyDelete
  2. Maraming salamat po Sir Alvin Ringgo C. Reyes sa pagsulat nyo about this topic.It helps us a lot in our research paper. We would like to ask permission if we could use this as one of our RRL? Thank you po and more power.!

    ---Gel

    ReplyDelete
  3. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  4. Maraming salamat po sapagkat malaki po ang maitutulong ng sinulat niyo para sa aming research paper

    ReplyDelete
  5. CASINO in St Petersburg, Florida - The JT Hub
    CASINO in St Petersburg, Florida. Hotel: 고양 출장안마 777 제주 출장마사지 Casino Center Drive, Lake Center Dr. Lake Center 동두천 출장안마 Dr. Lake Center Dr. Lake 정읍 출장샵 Center Dr. 김제 출장안마

    ReplyDelete