Monday, April 5, 2010

Midya’t Makabagong Teknolohiya, Ano ba ang Ibayong Dulot: Kabutihan o Kasamaan? (Isang Balagtasang May Makabagong Timpla)

Lakandiwa:
Malugod na pagbati! Sumaatin ang Panginoon!
Salamat sa pagdalo, sa pag-uukol ng panahon.
Dunong nyo’y pamilantikin, ibahagi ang opinyon.
Tulutan ng liwanag itong usapin nang malaon.

Tayo’y pinagkalooban ng katutubong talino;
Na nahahasa’t gumagaling sa pag-inog ng mundo.
Sinapupunan itong nagluluwal ng pagbabago;
Nagtutulak palayo o nagpapasulong sa tao.

Sa araw na ito’y nakatakda nating pagtalunan;
Bisa ng midya’t teknolohiyang hustong kinagisnan.
Sa pagkatao’t pamumuhay, ano ba’ng iniiwan;
Mapagpalaya bang kabutihan o lalong kasam’an?

Sa kanan kong panig ay isang makatang techno-savvy;
Cellphone niya’y bagong I-Phone, laging up-to-date ang PC.
Sa tagisang ito’y ipagtatanggol ang mabuti;
Ibibigay ang pakinabang sa media’t technology.

Sa kaliwa ko nama’y ’sang makatang konserbatibo;
Di nadadaan sa text, paghihirapan mo ang ”Oo”
Pupuntuhin ang masama sa teknoloh’yang moderno;
Pinagnaknak daw ang kasalanan sapul nang mauso.

Kabutihan:
O, kay inam ng midya’t makabagong teknolohiya;
Pinagaan na ang buhay, kinulayan pa ng saya!
Tingnan ang telebisyong araw-araw nating kasama;
Binigyang-katuturan, pagka-Kapuso’t Kapamilya!

Buhay ng Pinoy, batbat ng pagsubok, maraming hirap;
Ngunit lahat ay napapawi pag TV na’ng kaharap.
Pag si Manni’y may laban, gawa’y tumitigil nang ganap;
Sukdol naman ang kilig pag si Juday ay may kayakap.

Telebisyo’y buhay na tagahubog ng kasaysayan;
Balitang hinahatid, nagtataas ng kamalayan.
Katiwalian sa lipunan, hindi tinatantanan;
Milyong Pilipino na ang pinagmartsa sa lansangan.

Telebisyo’y sulo ring nagpapaningas ng pag-asa;
Tumutupad na ng wish mo, namumudmod pa ng pera.
Patuloy rin sa pagtuklas ng galing na pang-artista;
Basta siya’y talentadong Pinoy o pasado kay Kuya.

Kasamaan:
Kaibigan, labis yata ang pagtutok mo sa TV;
Lumabo tuloy ang paningin mo’t tingin sa sarili.
Nalimutan mo na yata, sarili mong aydentiti;
Gaya nina Jun Pyo’t Jan Di, Koreano ka na kasi.

TV’y di pa nasiyahan sa pagwasak ng kultura;
Pinugayan pa ng dignidad, taong gipit sa pera.
Sa kahong panay daga, pinangatngat ang kaluluwa;
Nang matupad ang ”task”, kanilang kaha ang nanagana.

TV rin ang may turo na tao’y maging palaasa;
Huwag ka nang mag-aral, pumasok na lang sa pag-aartista.
Naaawa tuloy ako kina Buboy at Bendita;
May bukas pa sila’y nakakalakal na nang maaga.

Salapi ang diwang nagpapakilos sa telebisyon;
Makamit lang ’toy ipamamalas, kahit prostitusyon.
Kung katawan nama’y di magtagumpay sa pagkuha ng atensyon,
Gawin ding palabas ang pag-ibig, gaya nina Melai at Jason.

Lakandiwa:
Kasamaan at kabutihan, kapwa may argumento;
Mga pinsala’t pakinabang, natalakay nang husto.
Kung sa TV ay may nasabi, sa cellphone nama’y ano?
Nauso ngayong Milenyo, gamitin nating Pilipino.

Kabutihan:
Hindi ko maiwasang gunitain ang nakaraan;
Nailibing na ang kaanak, hindi pa nalalaman.
Paano’y nang matanggap ang liham mula lalawigan;
Linggo ang inabot bago narating ang tarangkahan.

Nakakatawa rin nang magtrabaho sa Saudi ang ’Tay;
Sa voice tape lang nalalaman, kumusta ang kanyang lagay.
Kung di nama’y long distance calls, sa tuwina’y hinihintay;
Na sa mahal ng metro, hindi man lang makapag-babay.

Ngayo’y di na isyu ang mabagal na komunikasyon;
Pagpindot lang ang kailangan, hayun na ang impormasyon.
Pamurahan pa sa presyo, lahat ng network ngayon;
Sa rehistro ng text at tawag na walang limitasyon.

Cellpho’y puwede ring panggising, pang-ilaw, pangkalkula;
O pangkuha ng larawan gamit ang built-in camera.
Kung ika’y nama’y nababagot, magpatugtog ng musika;
Sabayan na rin ng games sa CP na sadyang kaysaya!

Kasamaan:
Ilan na ba sa atin ang inosenteng nadukutan;
O nalagot ang buhay dahil sa tangkang panlalaban?
Sapul nang cellphong ’ya’y mamalasak sa kawawang bayan;
Wala nang nakagagalang panatag ang kalooban.

Kung hindi ang buhay, ang kabuhayan ang sinisila;
Nililinlang ang kapwa sa matatamis na salita.
Sabi sa text, nanalo raw ng salaping gantimpala;
Pagbalik ng malay, ipo’y nawala nang parang bula.


Marami na ring taong ang reputasyon ay nasira;
Nang pagpasa-pasahan ang videong sa cellphone nagmula.
Iba nama’y nanliligalig sa masamang balita;
Sa sineha’t mall may sasabog, h’wag gagala mamaya.

Pagiging Text Capital, matagal nang ibinibida;
Salamat sa mga nagtiis sa kalam ng t’yan nila.
Darating ang panahong buha’y nati’y kanya-kanya na;
Wala nang usap-usap, sa cellphone na lang magbasa.

Lakandiwa:
Tagisan ng argumento, tumitindi, umaanghang!
Sa bawat salitang usal, madla’y lalong nag-aabang.
Pasiklabin pa nating lalo, init na naglalatang;
PC ba’y nakatutulong o sa moralidad, humahadlang?

Kabutihan:
Ang kompyuter ay patotoo sa dakilang talino
ng taong kumalos sa nakapapagal na trabaho.
Di lang nakapagbubunga ng perpektong dokumento;
Imortal ding tagapag-ingat, kasaysayan ng mundo.

Ang internet ay wikang nagpapaisa sa daigdig;
Na huli pang nasaksihan bago Babel ay nilupig.
Sa isang simpleng pindot, anumang impormasyong ibig;
Matutunghayan, mananamnam, sa daming siksik-liglig.

Sa Facebook naipupunla bagong pagkakakilala.
Sa Youtube natatabi, mga dakilang alaala.
Sa Twitter napapalaya, anumang bagong ideya.
Mabuhay ang PC’t internet! Buhay ay pinasaya!

Kasamaan:
Kompyuter ang suwerong nagpadaloy ng katamaran;
Pumuksa ng kasipagan sa ugat ng sambayanan.
Undo, backspace, delete na sa keyboard lang nakasanayan;
Sinusubukan ding i-click kahit sa sitwasyong totohanan.

Instrumento rin ang PC sa panloloko sa kapwa;
Mamang ka-chat mo sa YM, nagpapakilalang bata.
Kung may pananaliksik ka naman o orig na akda,
Huwag nang ikagulat kung makita sa ibang gawa.

Sakim na pirata ng mga gawang pinaghirapan;
Tagalako ng katawang sapilitang hinubaran.
Tsismosang nagpipista sa iskandalo ng sinuman;
Silaban ang kompyuter! Ktilin ang kanyang kasamaan!

Lakandiwa:
Lahat kaming nakasaksi’y napaisip, nanggilalas;
Sa pukpukan ng galing nitong mga mambabalagtas.
Nariyang isiping teknolohiya’y tagapagligtas;
Nariyang tantuhing nagliligaw pala ’to ng landas.

Matalinong pagpapasya’y sa inyo ko na iiwan;
Dalhin ang usapan maging sa tahana’t paaralan.
Tandaang TV, cellphone at kompyuter ay kaibigan;
Maging malay lang lagi sa makatarungang hangganan.

Ondoy

Sabado no’n, nagising ako nang maaga,
Pupunta kami sa Ocean Park, do’n banda sa Luneta.
Puno ang bag ko ng juice at mga paboritong sitsirya,
Makakakita ako ng malalaking aquarium, mga isda!
“Yipee! Ma, tayo na!”

Pero di raw kami tuloy, sabi ni Mama,
“Bumabagyo, anak. Umuulan, kagabi pa.”
Niyakap na lang niya ako, kiniss, sabay karga,
Pero basang-basa siya at nanginginig.
“Ma, may problema ba?”

Sa taas ng bahay namin, dinala ako ni Mama,
Katabi ng TV, kompyuter at mesang dapat nasa sala.
Gulu-gulo ang mga gamit namin, lahat, nakapatong na,
Ba’t may maruming tubig sa ‘min, tumataas, umaagos!
“Ma, baka tangayin ka!”


Sa bintana namin, mas nakakatakot ang makikita,
Kotse, puno, gamit, hayop – lahat – sa baha, sumasama!
Mga kapitbahay nami’y magkakayakap, umiiyak, sumisigaw pa,
Lalong bumuhos ang ulan, tumaas ang tubig!
“Maaabot na tayo, Ma!”

Pinasan ako ni Mama, takut na takot kami, di alam ang punta,
Nilangoy namin ang tubig, umiiyak, hanggang sa bubong madala.
Doon, naupo kami, kumapit, basang-basa, nagdasal dalawa,
Maya-maya’y timigil ang ulan, tumahimik ang paligid.
“Ma, tapos na ba?”

Napakadilim ng paligid, maingay pero walang makita,
Pagod na kami’t nilalamig pero di nakatulog ni Mama.
Basa pa rin kami sa baha, sa gutom ay namumutla na,
Pero may nagtapat ng ilaw sa amin, nagsakay sa balsa.
“Ikaw ba ‘yan, Papa?”

Kinabukasan, nagising kami ni Mamang nasa iskul na,
Puno ng putik ang paligid, kahit saan, may basura.
Ang dami naming kasama, mga taong di ko kakilala,
May umiiyak, may tulala – mga gaya naming biktima.

“Salamat. Buhay pa tayo, Ma.”

Nakaw na Sandali

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging kaibigang
makikinig sa ‘yong kuwento, mapagsasabihan ng sikreto.
Makakasama sa tagayan hanggang abutin nang magdamagan.
Yayakapin ka nang mahigpit hanggang pait ay mahugasan;
makikihati sa suliranin, kakampi sa bawat laban.

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging kapatid
na makakatuwang sa paglaki, sa bawat pangarap sasaksi.
Katuwang sa mga gawaing-bahay, kapantay sa lahat ng bagay.
Kahiraman ng damit, tagapagtanggol sa mga kaaway;
may ugnayang di nalalagot matagal mang magkawalay.

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging gurong
gagabay; sa tuwina’y hahamunin kang ibigay ang buong husay.
Tuturuan kitang bumasa, sumulat, bumilang ng karanasan.
Magkatuwang nating dukalin ang nagkukubling karunungan
at namnamin ang kariktan sa bawat pahina ng ating panitikan.

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging magulang
na sa iyo’y mag-aaruga at kukupkop sa dulang na payapa.
Maghapon akong magpapagal upang buhay mo’y guminhawa.
Pagyayamanin ka sa tuwing maysakit; bawat kakanin, siyang maghahanda;
Buong puso sa iyong tatanggap; sa galing mo’y habambuhay na maniniwala.

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging asawang
kapilas ng kaluluwa; may pintig na kasabay ng puso, ng bawat paghinga.
Mga daliri ko’y tumpak na kalapat ng mga puwang sa iyong kamay.
Magsasalo tayo sa bawat hirap at ginhawa, kabigua’t tagumpay;
kapag balisa sa pagsubok, pag-ibig ang papayapa, magpapatulog, dadantay.

Hayaan mong maging tao akong buhay sa iyong buhay;
may laman, may dugo, may ulirat, may tinig at anyo .
Itulot mong mapagsilbihan kita, magawan ng kabutihan.
Dahil bukas, mukha ko’y mabubura, pangala’y lilimutin;
Maglalaho sa lahat at muling ikukubli sa iyong mga lihim.

Ligo

Buhok niya’y magaspang na dayaming nagsasala-salabid,
nanlalagkit sa pamadang kahapon inilamas. Nanlilimahid.
Mukha niya’y nangangaliskis, nalalaglag ang namuting balat
ng natuyong tigyawat. Bigote’y nagsusulputan. Kumakaskas.

Nakakapit pa sa kanyang bagang ang mga pulbos ng munggong ginisa,
nakasingit sa ngipin ang hibla ng dahong-ampalaya. Umaalingasaw.
Libag sa leeg, pusod, singit at alak-alakan ay gumuguhit,
asim ng kilikili’y nanunuot sa balahibong kulot-kulot. Kumakapit.

Salawal niya’y naninilaw sa gitna, naghalo ang natuyong
tagas ng ihi at katas, naluto ang ari sa makating asin. Maalat.
Katawan niya’y naghuhulas sa naghalong langis at pawis,
binalot pa sa damit na tatlong araw nang walang palit. Maanghit.

Isang tabo ng malinaw na tubig ang nagsilbing-pambinyag,
malayang ibinuhos, sumindak sa baho’t dumi. Nalansag!
Buhok ay kinuskos sa saganang langis ng palmera,
dinikdik na yerba buena, dagta ng aloe vera. Nagkaporma!

Mukha’y hinilamusan sa katas ng sariwang papaya,
pinulbos na perlas, mga pinisil na bitamina. Gumanda!
Ngipi’y marahang ineskoba sa pampaputing krema,
nilunod ang bibig sa maanghang na agua. Preskong hininga!

Labakara’y ipinahid sa habong tinimpla sa gatas ng kambing,
pinitpit na petalyo ng rosas, katas ng mga prutas. Dumulas!
Pagkaraa’y ipinangkiskis sa dibdib, likod, pigi, hita’t binti
hanggang sa mga sulok at singit na di nadadaiti. Pumuti!

Bagong tao na naman.

Bangungot

Hinehele siya ng alapaap habang naliligo sa liwanag
ng buwang namimintog, nagsasabog ng alindog.
Ginagantihan niya ng ngiti ang kindat ng mga bituing
nananakam sa kanilang rikit, nanghahalinang maangkin.

Sinusuyo siya ng banayad na bango ng dama de nocheng
nasa kasukdulan ng pakikipagniig sa hanging malamig.
Dinadampian siya ng dalisay na halik ng sariwang hamog
na nag-iiwan ng manipis na kiliti sa bawat bahaging madilig.

Hindi niya napaglabanan ang tukso ng mapulang mansanas
na kanyang nginasab, dumaloy sa bisig ang naghalong laway at katas.
Ninamnam niya ang mainit-init pang pulot na dinukot sa tahanan ng mga bubuyog
na magdamag nagpagod, nilusaw ang tamis, sa dila pinaikot-ikot.

Malamig ang hanging lumilingkis sa kanyang kalamnan ngunit
malambot ang init na kumukumot sa buo niyang katawan.
Sinasakal ng tinik ang nanunuyo niyang lalamunan ngunit
tinitighaw ito ng malakristal na tubig sa mga luntiang halaman.

Nang tubig ay manuot sa bawat himaymay ng kanyang ugat
buwa’y sumigaw, mga bitui’y nabaliw, isa-isang nagbagsakan.
Mga dama de noche’y nanuyo, nahimatay, nalagas sa sangsang
ng mga hamog na naging talsik ng putik sa inuulang libingan.

Mansanas ay pinagnaknakan ng uod, naging dugo ang pulot
na umalpas saanman may lagusan sa nagmamakaawang katawan.
Hangi’y nanakal, nilagot ang hininga habang mga insekto’y
nagpista, nag-unahan sa paglabas sa bungangang nakabuka.

Sumigaw siya nang malakas ngunit walang tinig na kumawala.
Nagtangkang manlaban ngunit nalunod lang sa sa lalong kadiliman.
Nang kaluluwa niya’y magutay at ulirat ay malapit nang maparam,
isang makapangyarihang tinig ang narinig, nagbalik ng lahat ng buhay.

Umaga na pala.