Monday, April 5, 2010

Midya’t Makabagong Teknolohiya, Ano ba ang Ibayong Dulot: Kabutihan o Kasamaan? (Isang Balagtasang May Makabagong Timpla)

Lakandiwa:
Malugod na pagbati! Sumaatin ang Panginoon!
Salamat sa pagdalo, sa pag-uukol ng panahon.
Dunong nyo’y pamilantikin, ibahagi ang opinyon.
Tulutan ng liwanag itong usapin nang malaon.

Tayo’y pinagkalooban ng katutubong talino;
Na nahahasa’t gumagaling sa pag-inog ng mundo.
Sinapupunan itong nagluluwal ng pagbabago;
Nagtutulak palayo o nagpapasulong sa tao.

Sa araw na ito’y nakatakda nating pagtalunan;
Bisa ng midya’t teknolohiyang hustong kinagisnan.
Sa pagkatao’t pamumuhay, ano ba’ng iniiwan;
Mapagpalaya bang kabutihan o lalong kasam’an?

Sa kanan kong panig ay isang makatang techno-savvy;
Cellphone niya’y bagong I-Phone, laging up-to-date ang PC.
Sa tagisang ito’y ipagtatanggol ang mabuti;
Ibibigay ang pakinabang sa media’t technology.

Sa kaliwa ko nama’y ’sang makatang konserbatibo;
Di nadadaan sa text, paghihirapan mo ang ”Oo”
Pupuntuhin ang masama sa teknoloh’yang moderno;
Pinagnaknak daw ang kasalanan sapul nang mauso.

Kabutihan:
O, kay inam ng midya’t makabagong teknolohiya;
Pinagaan na ang buhay, kinulayan pa ng saya!
Tingnan ang telebisyong araw-araw nating kasama;
Binigyang-katuturan, pagka-Kapuso’t Kapamilya!

Buhay ng Pinoy, batbat ng pagsubok, maraming hirap;
Ngunit lahat ay napapawi pag TV na’ng kaharap.
Pag si Manni’y may laban, gawa’y tumitigil nang ganap;
Sukdol naman ang kilig pag si Juday ay may kayakap.

Telebisyo’y buhay na tagahubog ng kasaysayan;
Balitang hinahatid, nagtataas ng kamalayan.
Katiwalian sa lipunan, hindi tinatantanan;
Milyong Pilipino na ang pinagmartsa sa lansangan.

Telebisyo’y sulo ring nagpapaningas ng pag-asa;
Tumutupad na ng wish mo, namumudmod pa ng pera.
Patuloy rin sa pagtuklas ng galing na pang-artista;
Basta siya’y talentadong Pinoy o pasado kay Kuya.

Kasamaan:
Kaibigan, labis yata ang pagtutok mo sa TV;
Lumabo tuloy ang paningin mo’t tingin sa sarili.
Nalimutan mo na yata, sarili mong aydentiti;
Gaya nina Jun Pyo’t Jan Di, Koreano ka na kasi.

TV’y di pa nasiyahan sa pagwasak ng kultura;
Pinugayan pa ng dignidad, taong gipit sa pera.
Sa kahong panay daga, pinangatngat ang kaluluwa;
Nang matupad ang ”task”, kanilang kaha ang nanagana.

TV rin ang may turo na tao’y maging palaasa;
Huwag ka nang mag-aral, pumasok na lang sa pag-aartista.
Naaawa tuloy ako kina Buboy at Bendita;
May bukas pa sila’y nakakalakal na nang maaga.

Salapi ang diwang nagpapakilos sa telebisyon;
Makamit lang ’toy ipamamalas, kahit prostitusyon.
Kung katawan nama’y di magtagumpay sa pagkuha ng atensyon,
Gawin ding palabas ang pag-ibig, gaya nina Melai at Jason.

Lakandiwa:
Kasamaan at kabutihan, kapwa may argumento;
Mga pinsala’t pakinabang, natalakay nang husto.
Kung sa TV ay may nasabi, sa cellphone nama’y ano?
Nauso ngayong Milenyo, gamitin nating Pilipino.

Kabutihan:
Hindi ko maiwasang gunitain ang nakaraan;
Nailibing na ang kaanak, hindi pa nalalaman.
Paano’y nang matanggap ang liham mula lalawigan;
Linggo ang inabot bago narating ang tarangkahan.

Nakakatawa rin nang magtrabaho sa Saudi ang ’Tay;
Sa voice tape lang nalalaman, kumusta ang kanyang lagay.
Kung di nama’y long distance calls, sa tuwina’y hinihintay;
Na sa mahal ng metro, hindi man lang makapag-babay.

Ngayo’y di na isyu ang mabagal na komunikasyon;
Pagpindot lang ang kailangan, hayun na ang impormasyon.
Pamurahan pa sa presyo, lahat ng network ngayon;
Sa rehistro ng text at tawag na walang limitasyon.

Cellpho’y puwede ring panggising, pang-ilaw, pangkalkula;
O pangkuha ng larawan gamit ang built-in camera.
Kung ika’y nama’y nababagot, magpatugtog ng musika;
Sabayan na rin ng games sa CP na sadyang kaysaya!

Kasamaan:
Ilan na ba sa atin ang inosenteng nadukutan;
O nalagot ang buhay dahil sa tangkang panlalaban?
Sapul nang cellphong ’ya’y mamalasak sa kawawang bayan;
Wala nang nakagagalang panatag ang kalooban.

Kung hindi ang buhay, ang kabuhayan ang sinisila;
Nililinlang ang kapwa sa matatamis na salita.
Sabi sa text, nanalo raw ng salaping gantimpala;
Pagbalik ng malay, ipo’y nawala nang parang bula.


Marami na ring taong ang reputasyon ay nasira;
Nang pagpasa-pasahan ang videong sa cellphone nagmula.
Iba nama’y nanliligalig sa masamang balita;
Sa sineha’t mall may sasabog, h’wag gagala mamaya.

Pagiging Text Capital, matagal nang ibinibida;
Salamat sa mga nagtiis sa kalam ng t’yan nila.
Darating ang panahong buha’y nati’y kanya-kanya na;
Wala nang usap-usap, sa cellphone na lang magbasa.

Lakandiwa:
Tagisan ng argumento, tumitindi, umaanghang!
Sa bawat salitang usal, madla’y lalong nag-aabang.
Pasiklabin pa nating lalo, init na naglalatang;
PC ba’y nakatutulong o sa moralidad, humahadlang?

Kabutihan:
Ang kompyuter ay patotoo sa dakilang talino
ng taong kumalos sa nakapapagal na trabaho.
Di lang nakapagbubunga ng perpektong dokumento;
Imortal ding tagapag-ingat, kasaysayan ng mundo.

Ang internet ay wikang nagpapaisa sa daigdig;
Na huli pang nasaksihan bago Babel ay nilupig.
Sa isang simpleng pindot, anumang impormasyong ibig;
Matutunghayan, mananamnam, sa daming siksik-liglig.

Sa Facebook naipupunla bagong pagkakakilala.
Sa Youtube natatabi, mga dakilang alaala.
Sa Twitter napapalaya, anumang bagong ideya.
Mabuhay ang PC’t internet! Buhay ay pinasaya!

Kasamaan:
Kompyuter ang suwerong nagpadaloy ng katamaran;
Pumuksa ng kasipagan sa ugat ng sambayanan.
Undo, backspace, delete na sa keyboard lang nakasanayan;
Sinusubukan ding i-click kahit sa sitwasyong totohanan.

Instrumento rin ang PC sa panloloko sa kapwa;
Mamang ka-chat mo sa YM, nagpapakilalang bata.
Kung may pananaliksik ka naman o orig na akda,
Huwag nang ikagulat kung makita sa ibang gawa.

Sakim na pirata ng mga gawang pinaghirapan;
Tagalako ng katawang sapilitang hinubaran.
Tsismosang nagpipista sa iskandalo ng sinuman;
Silaban ang kompyuter! Ktilin ang kanyang kasamaan!

Lakandiwa:
Lahat kaming nakasaksi’y napaisip, nanggilalas;
Sa pukpukan ng galing nitong mga mambabalagtas.
Nariyang isiping teknolohiya’y tagapagligtas;
Nariyang tantuhing nagliligaw pala ’to ng landas.

Matalinong pagpapasya’y sa inyo ko na iiwan;
Dalhin ang usapan maging sa tahana’t paaralan.
Tandaang TV, cellphone at kompyuter ay kaibigan;
Maging malay lang lagi sa makatarungang hangganan.

Ondoy

Sabado no’n, nagising ako nang maaga,
Pupunta kami sa Ocean Park, do’n banda sa Luneta.
Puno ang bag ko ng juice at mga paboritong sitsirya,
Makakakita ako ng malalaking aquarium, mga isda!
“Yipee! Ma, tayo na!”

Pero di raw kami tuloy, sabi ni Mama,
“Bumabagyo, anak. Umuulan, kagabi pa.”
Niyakap na lang niya ako, kiniss, sabay karga,
Pero basang-basa siya at nanginginig.
“Ma, may problema ba?”

Sa taas ng bahay namin, dinala ako ni Mama,
Katabi ng TV, kompyuter at mesang dapat nasa sala.
Gulu-gulo ang mga gamit namin, lahat, nakapatong na,
Ba’t may maruming tubig sa ‘min, tumataas, umaagos!
“Ma, baka tangayin ka!”


Sa bintana namin, mas nakakatakot ang makikita,
Kotse, puno, gamit, hayop – lahat – sa baha, sumasama!
Mga kapitbahay nami’y magkakayakap, umiiyak, sumisigaw pa,
Lalong bumuhos ang ulan, tumaas ang tubig!
“Maaabot na tayo, Ma!”

Pinasan ako ni Mama, takut na takot kami, di alam ang punta,
Nilangoy namin ang tubig, umiiyak, hanggang sa bubong madala.
Doon, naupo kami, kumapit, basang-basa, nagdasal dalawa,
Maya-maya’y timigil ang ulan, tumahimik ang paligid.
“Ma, tapos na ba?”

Napakadilim ng paligid, maingay pero walang makita,
Pagod na kami’t nilalamig pero di nakatulog ni Mama.
Basa pa rin kami sa baha, sa gutom ay namumutla na,
Pero may nagtapat ng ilaw sa amin, nagsakay sa balsa.
“Ikaw ba ‘yan, Papa?”

Kinabukasan, nagising kami ni Mamang nasa iskul na,
Puno ng putik ang paligid, kahit saan, may basura.
Ang dami naming kasama, mga taong di ko kakilala,
May umiiyak, may tulala – mga gaya naming biktima.

“Salamat. Buhay pa tayo, Ma.”

Nakaw na Sandali

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging kaibigang
makikinig sa ‘yong kuwento, mapagsasabihan ng sikreto.
Makakasama sa tagayan hanggang abutin nang magdamagan.
Yayakapin ka nang mahigpit hanggang pait ay mahugasan;
makikihati sa suliranin, kakampi sa bawat laban.

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging kapatid
na makakatuwang sa paglaki, sa bawat pangarap sasaksi.
Katuwang sa mga gawaing-bahay, kapantay sa lahat ng bagay.
Kahiraman ng damit, tagapagtanggol sa mga kaaway;
may ugnayang di nalalagot matagal mang magkawalay.

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging gurong
gagabay; sa tuwina’y hahamunin kang ibigay ang buong husay.
Tuturuan kitang bumasa, sumulat, bumilang ng karanasan.
Magkatuwang nating dukalin ang nagkukubling karunungan
at namnamin ang kariktan sa bawat pahina ng ating panitikan.

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging magulang
na sa iyo’y mag-aaruga at kukupkop sa dulang na payapa.
Maghapon akong magpapagal upang buhay mo’y guminhawa.
Pagyayamanin ka sa tuwing maysakit; bawat kakanin, siyang maghahanda;
Buong puso sa iyong tatanggap; sa galing mo’y habambuhay na maniniwala.

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging asawang
kapilas ng kaluluwa; may pintig na kasabay ng puso, ng bawat paghinga.
Mga daliri ko’y tumpak na kalapat ng mga puwang sa iyong kamay.
Magsasalo tayo sa bawat hirap at ginhawa, kabigua’t tagumpay;
kapag balisa sa pagsubok, pag-ibig ang papayapa, magpapatulog, dadantay.

Hayaan mong maging tao akong buhay sa iyong buhay;
may laman, may dugo, may ulirat, may tinig at anyo .
Itulot mong mapagsilbihan kita, magawan ng kabutihan.
Dahil bukas, mukha ko’y mabubura, pangala’y lilimutin;
Maglalaho sa lahat at muling ikukubli sa iyong mga lihim.

Ligo

Buhok niya’y magaspang na dayaming nagsasala-salabid,
nanlalagkit sa pamadang kahapon inilamas. Nanlilimahid.
Mukha niya’y nangangaliskis, nalalaglag ang namuting balat
ng natuyong tigyawat. Bigote’y nagsusulputan. Kumakaskas.

Nakakapit pa sa kanyang bagang ang mga pulbos ng munggong ginisa,
nakasingit sa ngipin ang hibla ng dahong-ampalaya. Umaalingasaw.
Libag sa leeg, pusod, singit at alak-alakan ay gumuguhit,
asim ng kilikili’y nanunuot sa balahibong kulot-kulot. Kumakapit.

Salawal niya’y naninilaw sa gitna, naghalo ang natuyong
tagas ng ihi at katas, naluto ang ari sa makating asin. Maalat.
Katawan niya’y naghuhulas sa naghalong langis at pawis,
binalot pa sa damit na tatlong araw nang walang palit. Maanghit.

Isang tabo ng malinaw na tubig ang nagsilbing-pambinyag,
malayang ibinuhos, sumindak sa baho’t dumi. Nalansag!
Buhok ay kinuskos sa saganang langis ng palmera,
dinikdik na yerba buena, dagta ng aloe vera. Nagkaporma!

Mukha’y hinilamusan sa katas ng sariwang papaya,
pinulbos na perlas, mga pinisil na bitamina. Gumanda!
Ngipi’y marahang ineskoba sa pampaputing krema,
nilunod ang bibig sa maanghang na agua. Preskong hininga!

Labakara’y ipinahid sa habong tinimpla sa gatas ng kambing,
pinitpit na petalyo ng rosas, katas ng mga prutas. Dumulas!
Pagkaraa’y ipinangkiskis sa dibdib, likod, pigi, hita’t binti
hanggang sa mga sulok at singit na di nadadaiti. Pumuti!

Bagong tao na naman.

Bangungot

Hinehele siya ng alapaap habang naliligo sa liwanag
ng buwang namimintog, nagsasabog ng alindog.
Ginagantihan niya ng ngiti ang kindat ng mga bituing
nananakam sa kanilang rikit, nanghahalinang maangkin.

Sinusuyo siya ng banayad na bango ng dama de nocheng
nasa kasukdulan ng pakikipagniig sa hanging malamig.
Dinadampian siya ng dalisay na halik ng sariwang hamog
na nag-iiwan ng manipis na kiliti sa bawat bahaging madilig.

Hindi niya napaglabanan ang tukso ng mapulang mansanas
na kanyang nginasab, dumaloy sa bisig ang naghalong laway at katas.
Ninamnam niya ang mainit-init pang pulot na dinukot sa tahanan ng mga bubuyog
na magdamag nagpagod, nilusaw ang tamis, sa dila pinaikot-ikot.

Malamig ang hanging lumilingkis sa kanyang kalamnan ngunit
malambot ang init na kumukumot sa buo niyang katawan.
Sinasakal ng tinik ang nanunuyo niyang lalamunan ngunit
tinitighaw ito ng malakristal na tubig sa mga luntiang halaman.

Nang tubig ay manuot sa bawat himaymay ng kanyang ugat
buwa’y sumigaw, mga bitui’y nabaliw, isa-isang nagbagsakan.
Mga dama de noche’y nanuyo, nahimatay, nalagas sa sangsang
ng mga hamog na naging talsik ng putik sa inuulang libingan.

Mansanas ay pinagnaknakan ng uod, naging dugo ang pulot
na umalpas saanman may lagusan sa nagmamakaawang katawan.
Hangi’y nanakal, nilagot ang hininga habang mga insekto’y
nagpista, nag-unahan sa paglabas sa bungangang nakabuka.

Sumigaw siya nang malakas ngunit walang tinig na kumawala.
Nagtangkang manlaban ngunit nalunod lang sa sa lalong kadiliman.
Nang kaluluwa niya’y magutay at ulirat ay malapit nang maparam,
isang makapangyarihang tinig ang narinig, nagbalik ng lahat ng buhay.

Umaga na pala.

Friday, October 9, 2009

Salin sa Filipino ng Inaugural Speech ni Barrack Obama, Pangulo ng Amerika at Nobel Prize Laureatte


Mga kababayan ko:

Ako’y nasa harap ninyo ngayon, may pagpapakumbaba sa tungkuling sa ati’y naghihintay, puno ng pasasalamat sa tiwalang inyong ipinagkaloob, malay sa mga sakripisyong pinagdaanan ng ating mga ninuno. Pinasasalamatan ko si Pangulong Bush sa pagsisilbi niya sa bansa, gayundin sa pagiging bukas-palad at pakikiisa sa transisyong ito ng pamamahala.

Apatnapu’t apat na Amerikano na ang nanumpang pangulo. Binigkas ang panunumpa kung kailan namamayani ang kasaganahan at kapayapaan sa bansa. Gayunpaman, sa tuwina na lang ay tinutupad ang sumpa sa gitna ng mga unos na sa ati’y sumusubok. Sa mga sandaling ito, nananatili tayong nakatayo hindi lang dahil sa kakayahan o kahandaan ng mga nasa kapangyarihan kundi dahil Tayong mga Mamamayan ay nanatiling tapat sa mga paniniwala ng mga lumalang sa atin at totoo sa isinasaad ng mga dokumentong nagtatag sa atin.

Nagkagayon na nga. Nakarating tayo sa kasalukuyang henerasyon ng mga Amerikano.

Ganap na ngayong nauunawaang tayo’y nasa panahon ng krisis. Ang ating bansa ay nakikidgma laban sa sanga-sangang karahasan at poot na malayo na ang nararating. Lubhang nanghina ang ating ekonomiya hindi lamang dahil sa kasakiman at kawalang-pananagutan ng ilan, kundi dahil din sa pangkalahatang kabiguan nating makagawa ng mabibigat na pasya at maihanda ang bansa sa makabagong panahon. Maraming nawalan ng tahanan; maraming natanggalan ng trabaho; maraming nagsarang negosyo. Naging napakamahal ng pangangalaga sa ating kalusugan; lubhang marami ang di-makapasok sa ating mga paaralan; at bawat araw na lumilipas, lalong napapatunayang ang paggamit natin ng enerhiya ay higit lamang nakapagpapalakas sa ating mga kalaban at nagbabanta sa ating daigdig.

Ang mga ito ang mga pananda ng isang krisis, na inaayunan ng mga datos at estadistika. Bagamat hindi gaanong nasusukat, isang simbigat na suliranin ang pagkawala ng tiwala ng mga mamamayan bunsod ng di-maalis na takot na wala nang makapipigil sa pagbagsak ng Amerika at hindi na makakapangarap nang mataas ang susunod na henerasyon.

Ngayon, sinasabi ko sa inyong totoo ang mga pagsubok na ating kinahaharap.

Seryoso ang mga ito at sadyang marami. Hindi madaling mahaharap ang mga ito o malulutas sa maikling panahon lang. Ngunit tandaan mo, Amerika: mapagtatagumpayan ang mga pagsubok.

Sa araw na ito, nagtitipun-tipon tayo dahil pinili natin ang pag-asa sa halip na takot, ang pagkakaisa ng mga layunin sa halip na pagtutunggali ng mga ito at di-pagkakasundu-sundo.

Sa araw na ito, nagsasama-sama tayo upang ihayag ang pagtapos sa mga walang-kabuluhang daing at sa mga bulaang pangako, ang mga putik na ibinabato at gasgas na paniniwalang sumakal sa ating pulitika sa nakalipas na mahabang panahon.

Nananatili tayong isang batang bansa, ngunit ayon nga sa wika ng Banal na Kasulatan, dumating na ang panahon upang isantabi ang mga gawaing pangmusmos. Dumating na ang panahon upang pagtibayin ang ating di-nagmamaliw na diwa; upang pumili ng isang mas magandang kasaysayan; upang isulong ang isang mahalagang biyaya, ang isang dakilang kaisipang ipinapasa-pasa sa bawat salinlahi: ang pangakong binitiwan ng Panginoon na lahat ay pantay, lahat ay malaya at lahat ay nararapat magkaroon ng pagkakataong abutin ang kanilang ganap na kaligayahan.

Sa muling pagkilala sa kadakilaan ng ating bansa, natatalos nating hindi ito bastang ipinagkaloob sa atin. Ito’y pagsisikapan nating matamo. Kailanman, ang ating paglalakbay ay hindi naging pagpili sa mas madaling daan o sa pagiging masaya sa kung ano na lang ang mayroon.

Hindi ito naging landas para sa isang duwag – para sa mga taong higit na pinipili ang paglilibang kaysa paggawa o hinahabol lang ang kasiyahang dulot ng kayamanan at kabantugan. Sa halip, ang mga taong sumubok, kumilos, lumikha ng mga bagay – ilan sa kanila’y kilala ngunit mas karaniwan, mga taong di-maunawaan sa kanilang ginagawa – ang umakay sa atin sa mahaba at mabatong daan tungo sa kasaganahan at kalayaaan.

Para sa atin, dinala nila ang ilan nilang mga ari-arian at naglakbay sa mga karagatan upang tumuklas ng bagong buhay.

Para sa atin, nagtrabaho silang mabuti at inihanda ang Kanluran; tiniis nila ang hagupit ng latigo at nilinang ang matigas na lupa.

Para sa atin, lumaban sila at namatay sa mga lugar tulad ng Concord at Gettysburg; Normandy at Khe Sahn.

Muli’t muli, ang kalalakihan at kababaihang ito’y nagsikap at nagsakripisyo at kumilos hanggang sa malamog ang kanilang mga kamay upang magtamasa lang tayo nang mas mabuting buhay. Nakita nila ang Amerika nang higit pa sa mga pinagsama-samang pangarap ng bawat isa sa atin; higit pa sa lahat ng ating mga pagkakaiba-iba sa kapanganakan, yaman o pangkat na kinabibilangan.

Ito ang paglalakbay na ipinagpapatuloy natin ngayon. Nananatili tayong pinakamaunlad at pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig. Lalong naging mabunga ang ating mga manggagawa sapul nang magkaroon ng krisis. Lalong naging malikhain ang ating mga isip, lalong kinailangan ang ating mga produkto’t serbisyo noong nakalipas na linggo, buwan o taon. Hindi nababawasan ang ating kakayahan. Gayunpaman, siguradong lumipas na ang mga yugto ng kawalan ng paninindigan, pangangalaga sa mabababaw na interes at pagbuo ng mga di-tamang pasya. Simula sa araw na ito, dapat tayong tumayo, ihanda ang ating mga sarili at muling simulan ang paglikha sa bagong Amerika.

Saanmang dako natin ibaling ang ating paningin, may gawaing dapat tapusin. Nananawagan ng pagkilos ang ekonomiya, at kikilos tayo nang matapang ngunit banayad hindi lang upang makalikha ng mga bagong trabaho kundi upang maglatag ng bagong pundasyon para sa paglago. Magtatayo tayo ng mga daan at mga tulay, ang mga nagsisilbing kawad ng kuryente at kable ng teleponong bumubuhay sa ating mga negosyo at nagbubklod sa atin. Muli nating iluluklok ang agham sa dapat nitong kalagyan at lulubusin ang mga biyaya ng teknolohiya upang maitaas ang kalidad ng pangangalagang pangkalusugan at maibaba ang halaga nito. Lilinangin natin ang araw at ang hangin at ang kalupaan upang paandarin ang ating mga sasakyan at pakilusin ang ating mga pabrika. Babaguhin din natin ang ating mga paaralan, kolehiyo at unibersidad upang makatugon sa mga kahingian ng makabagong panahon. Lahat ng ito’y magagawa natin. Laht ng ito’y gagawin natin.

Sa kasalukuyan, may mga kumukuwestyon sa mga hangganan ng ating mga pangarap, may mga nagsasabing hindi kayang pangatawan ng kasalukuyan nating sistema ang napakaraming malalaking plano. Madali silang nakalimot. Nabura na sa kanilang alaala kung ano na ang nagawa ng bansang ito; kung ano ang maaaring maabot ng malalayang kalalakihan at kababaihan kapag pinagsama-sama ang kanilang pagkamalikhain at tapang tungo sa iisang layunin.

Ang hindi nauunawaan ng mga walang-sampalataya ay hindi na umaayon sa kanila ang mga pangyayari – hindi na angkop ang kanilang mga nilulumot na paninindigang pampulitikang matagal na nating pinakikinggan. Hindi na natin ngayon tinatanong kung lubha bang malaki o maliit ang ating pamahalaan, kundi kung ito’y kumikilos – kung tinutulungan ba nito ang mga pamilyang makahanap ng trabahong may sapat na kita, abot-kayang pangangalagang-pangkalusugan, pagreretirong may dignidad. Kung saan oo ang sagot, doon tayo magpapatuloy. Kung saan hindi ang sagot, wala tayo roong programang sisimulan. At tayong mga nangangasiwa sa kaban ng bayan ay papapanagutin – upang gumastos nang nararapat, magtama ng mga buktot na gawi, magtrabaho nang matuwid – sapagkat ito lang ang paraan upang muling maibalik ang tiwala sa pagitan ng mga mamamayan at kanilang pamahalaan.

Hindi rin itinatanong kung kabutihan ba o kasamaan ang pinaggagamitan ng mga pamilihan.Hindi matatawaran ang kakayahan nitong magbunga ng kayamanan at magpalawig ng kalayaan, ngunit pinaaalalahanan tayo ng krisis na ating kinahaharap na kapag hindi nabantayan, maaaring mawalan ng kontrol ang pamilihan – at hindi magtatagal ang kasaganahan ng isang bansang kumikiling lamang sa mayayaman. Ang tagumpay ng ating ekonomiya’y hindi lamang laging nakasalalay sa kabuuang laki ng ating gross domestic product, kundi sa naaabot ng ating yaman; sa kakayahan nating magbigay ng pagkakataon sa mga pusong nakahandang sumubok – hindi dahil sa pagkakawanggawa kundi dahil ito ang tiyak na daan tungo sa kagalingang panlahat.

Para naman sa ating pangkalahatang kaligtasan, isang kamalian ang pagpili sa pagitan ng ating seguridad at ating mga paniniwala. Bagamat naharap sila sa mga panganib na hindi natin mawawatasan, bumuo ang ating mga Amang Tagapagtatag ng isang kasunduan upang matiyak ang kapangyarihan ng batas at ng mga karapatang pantao, isang kasunduang pinalawig pa ng mga sakripisyo ng bawat henerasyon. Ang mga paniniwalang iyon ay nagdudulot ng liwanag sa daigdig at hindi natin isusuko ang mga iyon para lang mapadali ang ating buhay.Kaya naman para sa lahat ng mga mamamayan at pamahalaang sumasaksi sa atin ngayon, mula sa pinakamariringal na punong-lungsod hanggang sa maliliit na baryo kung saan isinilang ang aking ama: Tandaan ninyong ang Amerika’y kaibigan ng bawat bansa at tao, ng bawat babae at batang naghahangad ng kapayapaan at dignidad, at nakahanda na kaming muling mamuno.

Alalahaning hinarap ng mga naunang salinlahi ang pasismo at komunismo hindi lang gamit ng mga baril at tangke, kundi ng matatatag na alyansa at di-nagmamaliw na mga paninindigan. Naunawaan nilang hindi lang kapangyarihan ang makapagsasanggalang sa atin at hindi rin ito nagpapahintulot na gawin natin ang anumang maibigan. Sa halip, napagtanto nilang lalong lumalago ang kapangyarihan sa maingat na paggamit nito; nag-uugat ang ating seguridad mula sa katarungan ng ating ipinaglalaban, sa bisa ng ating halimbawa, sa nakapagpapapayapang mga katangian ng pagpapakumbaba’t pagtitimpi.

Tayo ang mga tagapag-ingat ng pamanang ito. Sa muling paggabay ng mga prinsipyong ito, magagawa nating tugunan ang bagong bantang nangangailangan ng higit na lakas, ng lalong matibay na pakikipagtulungan at pag-uunawaan sa pagitan ng mga bansa. Sisimulan natin ang responsableng pagbabalik ng Iraq sa mga mamamayan nito, at ang pagtataguyod ng kapayapaan sa Afghanistan. Sa tulong ng mga dati nang kaibigan at dating mga kaaway, walang-pagod tayong kikilos upang maibsan ang bantang nukleyar at mabura ang larawan ng isang umiinit na daigdig. Hindi natin ihihingi ng tawad ang ating paraan ng pamumuhay o mag-uurung-sulong sa pagtatanggol nito, at sa mga nagbabalak isulong ang kanilang mga balakin sa pamamagitan ng pananakot at pagpatay sa mga walang-malay, tandaan ninyong mas matatag na ang diwa namin at hindi ito masusupil; hindi n’yo kami madadaig at tatalunin namin kayo.

Ito’y dahil naniniwala kaming isang kalakasan ang mga hinabi naming kalinangan, sa halip na isang kahinaan. Kami’y isang bansa ng mga Kristiyano at Muslim, ng mga Hudyo at Hindu at ng mga walang pananampalataya. Hinuhubog kami ng bawat wika at kulturang hinango sa bawat sulok ng mundong ito; at dahil natikman na natin ang pait ng digmaang sibil at pagbubukod-bukod ng mga lahi ngunit nagawang makaahon sa madilim na yugtong iyon nang may higit na lakas at pagkakaisa, hindi namin maiwasang maniwalang maglalaho rin ang matatandang alitan; na mabubura rin ang pagitan sa bawat tribo; na kasabay ng pagliit ng mundo’y ang pagpapakilala ng iisang katauhan; na dapat gampanan ng Amerika ang papel nito sa pagbibigay-daan sa bagong yugto ng katiwasayan.

Sa mga Muslim, tumutuklas kami ng bagong daan pasulong ayon sa mga interes na pinagsasaluhan natin at nakabatay sa paggagalangan.Sa mga pinuno naman saanmang dako ng daigdig na nagbabalak maghasik ng di-pagkakaunawaan, o isisi ang mga sakit ng kanilang lipunan sa Kanluran: Tandaan ninyong huhusgahan kayo ng inyong mga mamamayan hindi sa kung ano ang inyong winasak, kundi sa kung ano ang inyong nilikha. Sa mga pinunong nagkakapit-tuko sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pangungurakot at panloloko at pagpapatahimik sa mga tumutuligsa sa kanila, tandaan ninyong nasa maling panig kayo ng kasaysayan; ngunit nakahanda kaming tumulong kung nais ninyong magbago.

Sa mga mamamayan ng mahihirap na bansa, nangangako kaming kikilos kasama ninyo upang lumago ang inyong mga taniman at makadaloy ang malinis na tubig; upang mabigyang-sustansya ang mga payat ninyong katawan at mapatalas ang mga isip na uhaw sa karunungan. Sa mga bansa namang tulad naming sagana, hindi na namin mapapalampas ang kawalan ng malasakit sa kahirapan sa labas ng aming estado; hindi rin namin magagawang gamitin ang mga pinagkukunang-yaman ng daigdig nang hindi isinasaalang-alang ang magiging bunga nito. Ito’y dahil nagbago na ang mundo at dapat tayong magbago kasabay nito.

Sa pagpili sa daang ating tatahakin, alalahanin natin nang may pagpapahalaga ang magigiting na Amerikanong hanggang sa mismong sandaling ito’y nagbabantay sa malalayong disyerto at mga liblib na kabundukan. May dapat silang ibahagi sa atin ngayong araw, gaya ng ibinubulong ng mga nahihimlay na bayani sa Arlington sa mga nakalipas na panahon. Pinararangalan natin sila hindi lang dahil sila ang tagabantay ng ating kalayaan, kundi dahil kinakatawan nila ang diwa ng pagsisilbi; ang pagnanais na makatagpo ng kabuluhan nang higit pa sa sarili. Sa sandaling ito – isang sandaling magbibigay-kahulugan sa isang salinlahi – iyon mismo ang diwang dapat pumaloob sa ating lahat.

Higit pa sa maaaring gawin at dapat ginagawa ng isang pamahaalaan, sa pananampalataya at determinasyon ng mga mamamayang Amerikano tunay na nakasalalay ang bansang ito. Nagbibigay-liwanag sa gitna ng dilim ang kabutihan ng pagpapasakay sa isang estranghero kapag siya’y nasiraan, gayundin ang pagiging di-makasarili ng mga manggagawang mas nanaisin pang mabawasan ang oras ng kanilang pagtatrabaho kaysa makitang nawawalan ng hanapbuhay ang isang kaibigan. Nasa katapangan ng isang bumberong sumusuong sa nasusunog na hagdanan, gayundin sa pagnanais ng isang magulang na arugain ang kanyang anak, ang huling pagpapasya sa ating kapalaran.

Maaaring bago ang ating mga pagsubok. Maaari ring bago ang mga kasangkapang gamit natin upang matugunan ang mga ito. Ngunit ang mga pagpapahalaga kung saan nakabatay ang ating tagumpay – pagsisikap at katapatan, katapangan at pagiging patas, pagkabukas ng isip at pagtatanong, katapatan at pagkamakabayan – ay pawang pinanday na ng panahon. Pawang totoo ang mga pagpapahalagang ito. Ang mga ito ang nagsilbing tahimik na lakas na nagpalago sa ating kasaysayan. Ang kinakailangan, samakatuwid, ay ang pagbalik sa mga katotohanang ito. Ang hinihingi sa atin ngayon ay isang bagong yugto ng pananagutan – ang pagkilala ng bawat Amerikanong may mga tungkulin siya sa kanyang sarili, bansa at daigdig; ang mga tungkuling hindi natin tinatanggap nang may inis sa halip ay inaako nang may saya ay nagpapatibay lang sa paniniwalang wala nang makapagpapaganap pa sa ating kaluluwa kaysa pagbibigay ng buo nating makakaya sa pagsasakatuparan ng isang mahirap na tungkulin. Sadyang sinasalamin nito ang ating pagkatao.

Ito ang gantimpala at pangako ng pagkamamamayan.

Ito ang pinagmumulan ng ating tiwala sa sarili – ang karunungang inaasahan sa atin ng Panginoon upang mahubog ang isang bukas na walang katiyakan.

Ito ang kabuluhan ng ating kalayaan at ating paniniwala – kung bakit ang kalalakihan, kababaihan at kabataan ng bawat lahi at pananampalataya’y maaaring magsama-sama sa loob ng dakilang bulwagang ito, at kung bakit nagagawa na ng isang taong tumayo sa harap ninyo ngayon upang bumigkas ng napakabanal na sumpa gayong hindi pinagsilbihan ang ama niya sa isang lokal na kainan 60 taon na ang nakalilipas.

Ipagdiwang natin ang araw na ito nang may pag-alala sa kung sino tayo at kung gaano na kalayo ang ating narating. Sa taon ng pagkasilang ng Amerika kung kailan sagad ang lamig ng mga buwan, isang maliit na pulutong ng makakabayan ang nagsama-sama sa dalampasigan ng isang nagyeyelong ilog. Ang punong-lungsod ay iniwan.Parating na noon ang mga kaaway. Tumilamsik ang dugo sa mga niyebe. Sa isang sandali kung saan nawalan ng katiyakan ang kahahantungan ng ating pag-aalsa, iniutos ng ama ng ating bansang bigkasin ang sumusunod na pahayag sa mga mamamayan:

“Hayaan ninyong mabatid ng mga tao sa hinaharap… na sa kalaliman ng taglamig, kung kailan walang maaaring mabuhay kundi pag-asa at pagpapahalaga… ay nagsama-sama ang mga bayan at bansa upang harapin ang iisang panganib.

Amerika. Sa harap ng iisang panganib, sa malamig na panahong ito ng mga paghihirap, alalahanin natin ang mga pananalitang nabanggit. Muli nating harapin ang mga nagyeyelong alon at suungin ang anumang bagyong darating nang may pag-asa at pagpapahalaga. Hayaan ninyong masabi ng mga anak ng ating mga anak na noong panahong tayo’y sinubok, hindi natin tinalikuran ang paglalakbay na ito, na hindi tayo sumuko o pinanghinaan ng loob; at gamit ng mga paninging nakatanaw sa panginorin at ng mga biyaya ng Panginoon, tinangan natin ang dakilang kalayaang inihandog sa atin at ipinasa ito nang may pag-iingat sa mga sumunod sa atin.

Wednesday, September 30, 2009

Tara, Tuloy Ka!


“Isang kasawian ang maging bulag ngunit higit na kasawian ang magkaroon ng mga mata ngunit hindi makakita.” - Helen Keller

Kaligirang Kuwento

Naging tradisyon na sa pinagtuturuan kong hayskul na eksklusibo sa mga babae ang magpapanood ng isang pagtatanghal panteyatro taun-taon bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Tulad sa mga nakalipas na taon, isang dula ang ipinamalas namin sa kanila – ang Ismail at Isabel, na hain ng PETA para sa buwan ng Agosto. Dahil subok na namin ang kalidad ng naturang kumpanya – kabuluhan ng kuwento, galing ng mga artista, pagkamalikhain ng entablado at set, husay ng pagtitimpla ng ilaw at musika, aliw ng awit at sayaw, natatanging bisa – hindi naging mahirap para sa aming muling ibigay sa PETA ang bid ng panonooring dula mula sa di-iilang produksyong naghain sa amin ng kani-kanyang alok. Agosto 28 ang ibinigay sa aming petsa, ang unang pagpapalabas ng dula. Makaraang matiyak na bawat isang mag-aaral at kasamahang guro’y panatag nang nakaupo, sa bayad mang silya o bakanteng baitang ng hagdan, tinunghayan na namin ang dulang inakda ni Rody Vera at idinerehe ni Maribel Legarda.

Ang Ismail at Isabel ay sumesentro sa magkaibigang sina Ismail, isang Muslim at Isabel, isang Kristiyano at kung paano hinabi, pinatid at muling pinagdugtong ng magkaiba nilang mga pananampalataya ang kanilang pamumuhay at pagkakaibigan, at ng mga tao sa kanilang paligid. Nagsimula ang dula sa isang lugar sa Mindanao na kung tawagin ay Dilangawen, isang pook kung saan payapang namumuhay ang mga pamilyang Kristiyano at Muslim. Bagamat si Kristo ang sinasamba ng isa at ang isa nama’y si Allah, hindi ito nagiging ugat ng pagtatalo sa mga pamilya dahil naggagalangan ang mag-aasawa sa kani-kanyang paniniwala. Magkakabuklod din ang mga bata’t masayang naglalaro kahit ang isa’y kumakain ng baboy habang ang isa’y tumatakwil dito dahil isinilang sila sa lipunang di-nagtatangi kung sino ang “Christian” at kung sino ang “Muslim”. Gayunpaman, hindi rin nagtagal ang payapang pamumuhay ng mga mamamayan ng Dilangawen dahil naipit sila sa maalamat na pagtatalo ng mga rebeldeng Moro at sundalong Kristiyano. Nang manindigan ang mga pamilya sa pagpapatuloy ng normal na pamumuhay kaysa pagpili ng anumang alyansa, naipit sila sa panununog ng kabahayan, panonortyur at pagpatay, na mga paraan ng mga rebelde’t sundalo upang puksain ang isa’t isa. Naiwan sina Ismail at Isabel sa gitna ng pagkalipol na ito ng kanilang payapang eksistensya. Sumibol din ang paninisi sa mga isip nilang dating walang malisya at nasubok ang tibay ng kanilang pagkakaibigan. Mula sa mga labi ng kanilang dating maayos na komunidad, kung saan-saan na dinala sina Ismail at Isabel ng pangangailangang mabuhay. Nariyang mapadpad sila sa Maynila at maging laman ng lansangan; magkahiwalay ang kanilang landas dahil sa pagnanais ng isang mahanap ang kanyang sarili; maging tindero si Ismail ng mga piniratang DVD at kalauna’y ma-recruit bilang bantay ng mga kidnaper; makuha si Isabel bilang yaya ng isang paslit na laki sa layaw; at muling pagtagpuin ang kanilang landas ng isang krimen kung saan biktima si Isabel habang katulong na salarin naman si Ismail. Nagtapos ang dula, na hitik sa kuwento, aral, kulay, galaw at musika, sa pagnanais nina Ismail at Isabel na muling buhayin ang Dilangawen – hindi man bilang isang dating komunidad kung saan payapang namumuhay ang mga Muslim at Kristiyano – kundi sa pagpapatuloy sa buhay at pag-iingat ng mga kuwento nito sa kanilang mga puso. Sa huli, “kinatok” nila ang diwa’t damdamin ng mga manonood at nagbigay sila ng pahiwatig na hamon na sana, lahat ay “nag-iisip”.

Bukod sa aktuwal na kuwento ng dula, ginamit ding simbolikal na instrumento sa pagpapahiwatig ng mga haraya sa diwa ng mga taga-Dilangawen, sa kabila ng mararahas at mapapait na realidad na sumasakmal sa kanila, ang mga katutubong kuwento at alamat na inilahad sa paraang maaksyon at makulay. Ilan sa mga ito ang mito ng pagkakalalang ng tao na isinasalaysay ang kulay na hatid ng tiyak na yugto sa araw kung kailan lumalang ang Maykapal – puti sa mga taong ginawa sa umaga, kayumanggi sa mga nililok sa tanghali at itim naman sa mga nilikha sa gabi; ang alamat ng pagiging sultan ni Pilandok, kung saan, namatay ang masamang sultan matapos itong linlangin ni Pilandok na magpakulong at magpatapon sa ilalim ng dagat sapagkat mayroon doong mayamang kaharian kaya siya nakahalili sa trono; ang kuwento ng mayamang prinsipe at magsasakang may sako na ang panlalamang ng una’y naging sanhi ng mas malalim pang hidwaan ng dalawa; at ang istorya ng lalaking ginantimpalaan dahil sa pagtulong niya sa mga nangangailangan, kahit mismong pamilya niya ang mawalan at siya’y mapaglalangan na ng kanyang mga kapwa. Hindi lamang lalong pinayaman ng mga kuwentong ito ang istorya ng dula at pinahitik ito sa mga aral kundi pinalalim din nito ang kamalayan at pagpapahalaga ng mga manonood sa mga katutubong panitikan ng ating lahi, na ang iba’y ni hindi batid na mayroon pala. Kahit mabilis lamang ang pagbabalik-tanaw sa nasabing mga literatura, pinukaw pa rin ng mga ito ang likas na sensibilidad ng mga manonood para sa kanilang sariling kultura at nahamon silang bumalikat ng pananagutan upang mapayaman o mapanatili ito.

Pagsipat sa Pisikal at Teknikal na Aspekto

Isa sa mga unang tagpong tatambad sa mga tumutunghay sa dula ang pagpasok ng mga batang-lansangan mula mismo sa audience entrance at paglapit ng mga ito sa mga manonood para aktuwal na mamalimos. May mga gula-gulanit ang suot, may gulu-gulo ang buhok, may mga nagkalat ang grasa sa katawan, may mga naghihingutuhan, may mga kumakanta, sumasayaw o nagtatambol para limusan, may nagmamakaawang bigyan kahit pangkain lang, may nagagalit dahil pinagdamutan. Sa isip ko, batid kong palabas lang ang lahat, na isa itong estratehiya ng dula upang makapagtaguyod ng rapport sa mga manonood at mas mabisang maisangkot sila. Ngunit kahit nakokontrol ng konsyus kong diwa ang dapat kong ikilos at sabihin, may bahagi pa rin ng subkonsyus kong naaapektuhan. Nangangamba ako dahil baka magwala ang mga gumaganap na pulubi kapag nagbingi-bingihan ako sa pakiusap nila. Nag-aalala ako dahil baka duruin ako ng isa at ipamukhang walang puso tulad ng birong ginawa sa isang manonood. Natatakot ako dahil magaspang ang ugali ng mga batang-lansangan at baka manakit sila o mang-agaw ng mga gamit. Inoobserbahan ko rin noon ang reaksyon ng mga kapwa ko guro’t mag-aaral at karamihan sa kanila’y naapektuhan din – mas hayagan nga lamang, dahil talagang nagbigay sila ng barya sa mga umaarte lang namang pulubi. Ipinasok ng dula sa tanghalan ang isang pamilyar na tagpo sa labas na karaniwan nating iniiwasan. Ipinamukha’t isinangkot tayo nito sa isang realidad na marami sa atin ang nagbubulag-bulagan, likas man sa ating pagkatao o tahasan nating ginagawa, sa isang bulwagang nakapinid ang mga pinto at nahahanggaan ng mga pader kaya’t hindi matatakasan. Masasabi kong mabisa ang paraang ito na ginamit dahil “naapektuhan” nito ang mga manonood. Nailagay nito ang audience sa tiyak na sitwasyon ng mga karakter at naitaguyod sa kanila ang mga puhunang damdamin na kalauna’y magpapanuot sa kanila ng kuwento at mag-uudyok sa kanilang kumilos.

Bukod sa makatotohanang pagpinta ng dungis ng lansangan, isa pang patunay sa husay ng mga artista sa pag-arte ang pagganap nila ng iba’t ibang papel at pagpapanatili ng natatanging pagkakakilanlan ng bawat karakter na ito, gamit ng mga simpleng galaw lang. Ang isang babaeng artista, halimbawa, ay hindi lang gumanap na pulubi sa lansangan; naging ina rin siya, naging taong nililok ng Maykapal, naging taong humihingi ng tulong sa isang mabuting ginoo, naging taong-lansangang nakikipag-agawan sa espasyo, naging parokyanong nagambala sa pagdarasal sa simbahan, naging prinsesang Muslim, at sa huli’y bumalik sa karakter na kanyang pinagmulan. Ginawa niya ang lahat ng ito, gayundin ang iba pang artista, sa simpleng pagbabago ng kanyang pagkilos at pananalita. Malikhain ang pagpapalit ng mga karakter; simple’t di namamalayan ang kilos ngunit kapani-paniwala ang pagkakaiba-iba, kahit iisang katawang-lupa lang ang gumaganap ng lahat ng ito. Nakumbinsi rin ako ng dalawang pangunahing tauhang sina Ismail at Isabel sa kamusmusan ng kanilang mga papel na ginampanan at nawaglit sa isip kong halos katulad ko lamang sila ng gulang, sa totoong buhay. Makikita rin sa pag-usad ng dula ang transisyon ng kanilang mga karakter mula sa mga musmos na paslit na masayang naglalaro’t nagkukuwentuhan tungo sa mga taong ninakaw ng mapapait na realidad ang kabataan at bumabalikat na ng mga seryosong tungkulin mabuhay lang. Nakamamangha rin sapagkat bukod sa pag-arte, karagdagan ding tungkulin ng mga artista ang umawit at sumayaw, na pawang napanindigan nila hanggang sa dulo ng pagtatanghal. Mainam naman sa pandinig ang tinig ng karamihan sa mga artista, bagamat may ilang lubhang matinis ang boses o di kaya’y kababakasan na ng pagod. Nagawa rin nilang maisalin sa mga manonood ang kuwento ng kanilang awit at ang damdaming nakapaloob dito. Malilikhain din ang mga kilos at galaw na swabeng ineksekyut ng mga artista na lalong nagpalalim sa kahulugan at nagpasining sa kuwentong kanilang isinasalaysay o kinapapalooban. Dahil sa husay ng pagganap ng mga artista, nabatobalani nila ang mga manonood sa kanilang kuwento at nagawang madali para sa kanilang tumugon – humalakhak sa mga simpleng sundot ng pagpapatawa, umiyak o maawa sa mga nakalulungkot na trahedya, makisabay sa pag-awit, makiindak sa mga galaw at pumalakpak o humiyaw sa mga tagpong nakadadala.

Napagsanib ng set ang kasiningan at pagtitipid. Halos tatlong kasangkapan lamang ang matatagpuan sa entablado – ang puno, ang istrukturang hugis arko na may puting iskrin sa gitna at ang mga itim na kahong may iba’t ibang gamit – ngunit bawat isa sa mga ito’y may natatanging papel sa dula at sulit na sulit. Walang kasangkapan o props na inilagay para pumuno lang ng espasyo o may madapuan lang ang mga mata ng mga manonood. Dahil nakapuwesto sa gilid at nasisinagan ng matitingkad na ilaw ng teyatro, hindi agad mapapansing ang puno pa lang ginamit ay nahihiyasan ng maraming tsinelas na may iba’t ibang kulay na kung susundan ang yapak ay pataas. Sagisag ito ng makulay na paglalakbay na ginagawa natin sa buhay at ng pagnanasang maabot ng bawat isa ang isang mabuting kalagayan. Ginagamit naman ang iskrin sa pagpapalabas ng mga karilyo, na nagbibigay ng biswal na interpretasyon sa mga kuwentong inilalahad. Gamit din itong silhouette upang ikubli ang mararahas na tagpong hindi maaaring ipakita nang hayagan sa mga batang manonood, tulad ng panununog ng kabahayan at pananakit ng mga sundalong Kristiyano at rebeldeng Muslim sa mga inosenteng mamamayan kapag sinisiyasat nila ang mga ito. Bagamat sinadya para sa praktikal na gamit, maaari ring kumatawan ang puting kulay ng iskrin sa malinis na pag-iisip ng mga mamamayan, lalo na ng kabataan, na hindi pa nalalason ng panghuhusag’t pagbubukod sa mga taong kaiba nila ng pananampalataya. Ang mga itim na kahon nama’y tiyak ang pagkakayari, walang nakatagong bahagi ang mga ito na maaaring ilabas o mga nakalabas na estrukturang maaaring itago, ngunit sa pagbabagu-bago ng puwesto, gaya ng pagdidikit-dikit o pagpapatung-patong o pagtihaya o pagtaob, iba’t ibang lugar ang nabubuo – may mga tahanan ng magkakabuklod na pamilyang Kristiyano’t Muslim, may palasyo ng isang sultan, may plasang tulugan ng mga batang-lansangan, may tindahan ng mga piniratang DVD, may malaking bahay ng isang pamilyang mayaman, may hide-out ng mga kidnaper, at iba pa. Mahusay rin ang paglalapat ng mga ilaw dahil umaayon ang mga ito sa damdaming taglay ng isang tiyak na tagpo.

Makabuluhan din ang pagsasaliw ng musika, magkatulad na titik at himig, sapagkat bukod sa nagtataglay ito ng natatanging kuwento ukol sa mga istoryang isinasalaysay ng mga tauhan o isang pangyayaring nagaganap sa kanilang buhay, magaan ding dalhin ang mga awitin na sadyang akma sa target audience na kabataan. Malakas ang recall ng mga awitin, nakaiindak at nagpapatingkad ng pagpapahalaga sa katutubong tugtugin, lalo na iyong mga musikang etniko. Gayunpaman, di maiiwasan sa isang pagtatanghal na namumuhunan ng teknolohiya ang ilang teknikal na problema, gaya ng lapel ng mga artista na hindi konsistent ang pagsagap ng tunog kaya’t paminsan-minsa’y humihina ang kanilang tinig. Mabuti na lamang at malakas ang tapon ng kanilang boses at gumagana ang mga nakabiting mikropono kaya’t umaabot pa rin ang tinig nila sa kabuuan ng bulwagan. Makatotohanan at matalino rin ang pagkakayari ng mga kasuotan. Makatotohanan sapagkat sinasalamin talaga ng kostyum na suot ng mga tauhan ang bawat karakter na ginagagad nila sa realidad, na lalong nagpadali sa mga manonood na paniwalaan ang mga ito – telang marungis at gula-gulanit sa mga pulubi, payak na pambahay sa mga pamilya, fatigues sa mga militar, marangyang kasuotan sa sultan at prinsipe, uniporme sa katulong, pambatang pang-alis sa batang spoiled brat. Matalino naman sapagkat hindi man lahat ng kasuotang ginamit ay awtentiko, nagawan naman ng improbisasyon ang mga ito para maging katulad ng orihinal, gaya ng pandong ng mga rebelde na yari lamang sa kung anong telang ibinalabal sa kanilang ulo. Nagagawa rin ng mga artistang magpalit ng katauhan sa simpleng pagpaling sa kanan o kaliwa ng telang suot nila o pagtutupi nito o pagbabayubay sa iba pang bahagi ng katawan. Panghuli, makakatotohanan at masining din ang mga props na ginamit. Naibigay ng produksyon ang kagamitang lalong magpapatotoo sa mga tagpo, mula sa mga piniratang DVD na tinda ng mga nasa lansangan hanggang sa mga basyong latang ipinananambol ng mga pulubi. Sa mga pagkakataong hindi posible ang mga ito, lumikha sila ng malikhaing kahalili, gaya ng mga laruang sasakyang kapag itinulak at itinapat sa liwanag ay magbubunga ng mga aninong kasukat ng orihinal na behikulong kinakatawan ng mga ito at ng mga riple ng mga sundalong yari lang sa kahoy na nililukan ng kahawig na disenyo.

Pagsusuri sa Kuwento at mga Isyung Binuksan

Ang Ismail at Isabel ay tulad ng pelikulang “Himala” ni Ishmael Bernal na umiikot sa isang pangunahing kuwento (ang pagkakita raw ni Elsa sa Mahal na Birhen at panggagamot niya) ngunit tumatalakay ng iba pang paksang may sariling kuwento (kahirapan, prostistusyon, paggamit ng ipinagbabawal na gamot, paniniwala sa mga pamahiin, at iba pa). Ang pangunahing kuwento ng dula ay ang pagkakaibigan ng Muslim na si Ismail at ng Kristiyanong si Isabel at kung paano ito sinulit ng mga pagsubok na dumating sa kanilang buhay. Ngunit sa pagdaloy ng dula, nagluwal ito ng iba pang isyu at mas maliliit na kuwentong binigyan nito ng sariling tuon.

Una na rito ang kaguluhan sa Mindanao. Tinangka kong saliksikin ngunit hindi ako nagtagumpay na matiyak kung may katotohanang pinagbatayan ang sumulat ng dula sa kuwentong kanyang hinabi. Hindi ko nagawang alamin kung aktuwal ba siyang bumabad sa isang lugar sa Mindanao na lipos ng kaguluhan o may nakapanayam siyang pamilyang Kristiyano’t Muslim na naitaboy ng karahasan o nagsagawa siya ng malalimang pananaliksik tungkol sa naturang isyu upang mabigyan ng matibay at makatotohanang pundasyon ang kanyang nilikhang istorya. Anu’t ano man, ang mahalaga’y nakapagbigay si Vera ng isang magandang larawan ng payapang ko-eksistensya ng mga Kristiyano’t Muslim na kaiba sa karaniwang tagpong alam natin, gaya ng isang Muslim na pinaghihinalaang terorista o Kristiyanong natatakot kapag may Muslim na nakikita. Tumaliwas ang dula sa mga istiryotipong nakalimbag na sa kamalayan ng marami sa atin na ang mga Muslim ay mga potensyal na terorista, na kasamahan nila ang mga Abu Sayyaf, na sila’y talamak na nagbebenta ng mga pirata o kapag pumasok sa mga lugar na pinamumutaktihan nila, gaya ng Quiapo’y hindi na makakalabas ng buhay. Isinantabi rin nito ang karaniwang larawan ng mga Kristiyano na sila ang laging target ng pangingidnap at panununog na ginagawa ng mga rebeldeng Muslim sa Mindanao at sila lamang ang nasa panig ng kabutihan at katarungan dahil sa Hesus na sinasamba nila. Sa halip, nagbigay ang dula ng teorya na posible, hindi lang ang simpleng pagsasama ng mga Kristiyano’t Muslim, kundi ang kanila ring pag-aasawa at pagbuo ng sariling pamilya nang hindi napag-uusapan ang relihiyon at nasasaluhan ang isa’t isa sa kani-kanyang mga paniniwala. Iginuhit din ng kuwento kung paano sinisira ng pagpupuksaan ng mga rebeldeng nag-aasam ng sariling pamamahala at ng mga sundalong itinalaga upang labanan sila ang tahimik na pamumuhay ng mga Kristiyano’t Muslim. Pinapipili ng mga rebelde at sundalo ang magkakabuklod na Kristiyano’t Muslim ng panig na dapat nilang samahan ngunit anuman ang piliin ng mga mamamayan – kanan man, kaliwa o gitna, kapahamakan din ang naghihintay sa kanila, dulot man ng kalabang puwersa o ng magkabilang panig na walang alinman ang binalikatan. Dahil dito, napipilitan ang mga mamamayan na lisanin na lang ang kanilang tahanan kaysa maipit sa naggigiriang puwersa ng mga rebelde at sundalo. Muling pinag-iisip ng dula ang mga manonood ukol sa posisyong matagal na nilang pinanghahawakan. Kapag kasi halimbawa, nabalitaan ang bakbakan ng mga Abu Sayyaf at ng militar, karaniwa’y isang panig ang inaayunan – maaaring ang mga rebelde dahil may karapatan silang ipaglaban ang lupang dapat nama’y sa kanila o ang mga sundalo dahil ipinagtatanggol lang nila ang mga inosenteng sibilyan. Ngunit sa Ismail at Isabel, ipinikitang may ikatlo pa palang panig na karaniwa’y nalalampasan ng paningin ngunit pinakamahalaga at siyang dapat pinipiling panigan – ang mga mamamayan. Sila ang mga taong ginagamit ng mga rebelde at sundalo bilang armas upang pasakitan ang isa’t isa; sila ang mga taong naitataboy sa kanilang mga tahanan, nagugutom o napipilitang bumitaw sa edukasyon dahil naiipit sa kaguluhan; sila ang mga taong hinihigop ng digmaan at nilalason ang isip upang ipagpatuloy lamang ito. Sila ang tunay na biktima ng kaguluhan sa Mindanao at nangangailangan ng pagliligtas dahil tulad nating lahat, katutubong karapatan nilang mabuhay nang walang inaalalang panganib mula sa kapwa nila tao na maaaring sumira ng kapayapaang iyon.

Isa pang isyung tinalakay sa dula ang pang-aabuso sa kabataan. Unang ipinamalas sa Ismail at Isabel ang pagkaabuso sa kabataan nang maiwan ang mga pangunahing tauhan sa gitna ng mga tahanan nilang naabo, makaraang sunugin ang mga ito ng mga rebelde. Kamamatay lang din noon ng tatay ni Ismail mula sa panonortyur ng mga sundalong nagpapakumpisal sa kanya ng mga impormasyong wala naman talaga siyang kinalaman. Dahil inarkitekto ang dula na maging magaan, magkatulad na sa nilalaman at pagtatanghal, upang umayon sa target nitong audience na kabataan, hindi “heavy drama” ang naging pagdadala nina Ismail at Isabel sa trahedyang sinapit nila sa Dilangawen ngunit kung hihinuhain, lubhang masidhi ang siko-emosyonal na traumang bunsod ng nangyari sa magkaibigan sa kanilang gulang. Maaga silang ninakawan ng pamilyang tatangkilik sa kanila at magpapalaki sa kanila sa pagmamahal at mga kagandahang-asal; sa muran ilang gulang ay pinagkaitan na sila ng pagkakataong makapag-aral na maaari sanang maging pases nila sa isang mas magandang bukas; sa halip na mapuno ang kanilang puso ng kaligayahang hatid ng kanilang kabataan, nalipos ito ng malalim na sakit ng maagang pagkaulila. Nasundan pa ang pagkaabusong ito sa diwa’t damdamin ng kabataan ng pagpapabalikat sa kanila ng mabigat na tungkuling buhayin ang kanilang sarili sa gitna ng abalang lungsod, gamit ng kakaunti nilang nalalaman at kakayahan. Una’y napilitan silang mamalimos. Kapwa dumanas sina Ismail at Isabel ng matinding kalam ng sikmura ngunit dahil parehas silang walang anumang mapagkukunan ng maipampupuno rito, umasa na lang sila sa limos ng may maaawaing puso. Gayunpaman, dahil kapwa rin hindi natatagpuan ang sarili sa pagkabuhay sa tira ng iba, nagpatangay na lang ang mga pangunahing tauhan sa agos ng child labor at human trafficking na sadyang naghahanap ng mga tulad nila upang kasangkapanin. Si Isabel ay na-recruit para maging alila ng isang maykayang babaeng nakatagpo sa kanya sa lansangan samantalang si Ismail ay naging tindero ng mga piniratang DVD. Kalaunan, nakorapt din ang isip ni Ismail sa panig ng mali nang tanggapin niya ang alok na maging look-out ng mga kidnaper kapalit ng halagang mas malaki sa kanyang kinikita sa pagtitinda. Sa bahaging ito, ipinakita ng dula sa mga manonood ang proseso ng paglalang sa mga batang laman ng lansangan. Sa kasalukuyan kasi, dumarating sila sa atin bilang mga “finished product” na. Mga batang marurungis na at nanlilimos kaya maaaring kaawaan natin at bigyan o paghinalaan at sabihing “instrumento” ng sindikato. Madali para sa ating humusga dahil inaayunan lang natin ang nakikita ng ating mga paningin, ngunit kung mamamalas lang natin ang malalim na pinanggalingan ng mga batang lansangan, tunay nating mauunawaan ang kasalukuyan nilang kalagayan at mahihinuha kung ano pa ang madilim na kinabukasang maaari nilang kahantungan. Habang nasa kalagitnaan pa lang ang kabataan ng proseso ng paglalang sa kanila ng lansangan, bago pa man sila maging kilabot na kawatan o bumuo ng pamilyang sa maruming kalsada na rin mananahan, “kinakatok” na tayo ng dula upang kumilos. Pinalalabas tayo nito sa ating mga “comfort zone” upang iligtas ang mga tulad nina Ismail at Isabel sa pinakamaagang yugto pa lang na maaari natin itong ilapat; sa bahagi pa lang kung saan, sinisira ang payapa nilang esksitensya sa mga pook na tulad ng Dilangawen. Sa huli, hindi lang ang lansangan ang dapat sisihin sa maaaring sapitin ng kabataang tulad nila. Tayo, bilang mga malay na saksi at may kapasidad na magtulot ng pagbabago, ngunit hindi ito ginawa dahil nakaabala sa sarili nating pananahimik, ay may pananagutan din at sa huli’y maaaring ipagsakdal at masisi.

Panghuli, nagbigay ang dula ng mungkahing panukatan sa tunay na pagkakaibigan. Sa ating buhay, karaniwang pundasyon ng mga relasyong naitataguyod natin ang mga pagkakatulad na pinagsasaluhan natin sa isang kapwa. Kasundo natin ang ating mga magulang kapag may isang tao tayong napusuan at itinutulad nila ang kanilang panlasa sa atin at tinatanggap din ang taong iyon. Nagugustuhan ng isang guro ang mag-aaral at sinasabihan ng “very good” kapag naitugon ng batang ito ang mismong sagot na nasa kanyang isip at inaabangan ng kanyang tenga. Mabuti ang ugnayan ng dalawang pulitiko kapag sila’y magkapartido at magkakatulad na interes ang isinusulong. Gayunpaman, ipinatanto ng dulang hindi lamang laging sa pagkakatulad maaaring maipunla ang isang ugnayan at hindi laging pagkakaparehas lang ang maaaring magdulot dito ng harmonya. Minsan, maaari palang ang pagkakaiba ang mismong maging puhunan ng isang relasyon sapagkat kapag nagtagpo ang dalawang kaluluwang nagtatangan ng sadyang magkaibang pagkatao, ang pagkakaibiga’y nagiging isang walang hanggang proseso ng pagtuklas. Bawat araw, may bagong detalye sa sadyang naiibang pagkatao ng kaibigan ang nalalaman; may bagong misteryong natutuklasan – mga bagay na hindi lamang nag-uukit ng mas malalim na bisa sa diwa ng magkaibigan kundi nagbibigay rin ng dahilan upang muling tanawin ng bawat kaluluwa ang susunod na pakikipagdaop niya sa kanyang kapwa. Dahil sa lalim ng ugnayang ito na nabubuo, hindi dahil inooohan lamang ng isang tao kung ano ang mayroon din sa kanyang kapwa, kundi dahil kinikilala niya ang mga kaibahan nito at buong-puso pa ring tinatanggap, higit na nagiging matibay ang pagkakaibigan dahil kung nagagawa nilang mahalin ang isa’t isa sa mga di nila napagkakasunduan, lalo na sa mga bagay na nagkakasundo sila.

Mga Sana sa Pagsasara ng Telon

Nagtapos ang Ismail at Isabel na masaya ang lahat. Di magkamayaw ang mga guro’t mag-aaral sa pagkukuwentuhan, bagamat magkaiba nga lang ang antas ng diskurso. May pagkaseryoso ang usapan ng mga akademista – may mga maririnig nang nagsusuka ng mga teoryang pampanitikan sa pagsusuri ng dula; may mga nagninilay sa makahulugang hamong iniwan ng pagtatanghal; may ilang nakapagtala ng mga kahinaan ng produksyon na idinadaing hanggang sa paglabas, gaya ng kakulangan ng mga upuan, labis na lamig sa teyatro, at iba pa. Magaan naman ang kuwentuhan ng mga mag-aaral na karaniwang uminog sa madudulang tagpo, nakakakaaliw na eksena at mahuhusay na artistang nakapukaw sa kanilang pansin. Nagmamadali din silang nagpulasan palabas para maunang makadaop-palad ang mga tauhan at makapagpa-picture sa kanila, lalo na kay Ismail, na bumihag yata sa mura nilang puso (Tala: Bilang mga mag-aaral ng paaralang eksklusibo sa mga babae na madalang makakita ng lalaking ispisyi sa paaralan, madali para sa kanilang mahulog ang loob sa bagong lalaking nakikilala, lalo na kung makisig.). Sa pagsasara ng telon, habang masayang pinagmamasdan ang ngiti sa labi ng lahat na isang pagpapatotoong hindi nagkamali ang aming kagawaran sa pagpili ng palabas na ipinapanood, tahimik ko ring hinahangad na sana, hindi matapos ang dula bilang piraso lamang ng panitikang dapat kalugdan. Sana, tumimo rin ang mensahe nito sa puso’t isip ng bawat manonood, tulad ng di-nagmamaliw na bisang iniwan nito sa akin. Sana, inalis ng dula ang piring sa mata ng lahat at ipinahintulot nitong sila’y tunay na makakita. Sana, sumibol ang Dilangawen sa puso ng bawat isa, at sa sandaling kumatok ang isang Ismael o Isabel, ay buong-kasiyahan siyang pagbuksan at sabihing, “Tara, tuloy ka.”