Sunday, September 27, 2009

Pakikipamuhay


Sa mga sandaling ito, nasa estado ako ng paninibago. Parang bisita ang pakiramdam ko sa sarili naming bahay; estranghero ang tingin ko sa mga kasambahay at kapitbahay na araw-araw ko namang kasama; at kahit ang monitor ng pc ko’y parang may mali sa pagkakapuwesto gayong wala namang gumalaw rito mula nang iwan ko. Iba talaga pag galing ka sa ibang kapaligirang agad mong kinasanayan. Iba pala pag umiral ang stimulus adaptationg tinatalakay sa klase ni Prop. Claudia Mendoza sa Sikolohiya.

Sa loob ng tatlong araw, nakipamuhay kami sa mga kapatid nating Aeta sa kabundukan ng Tarlac. Isa itong mahalagang pangangailangan sa kurso naming Community Integration. Pangkaraniwan lang ang pakiramdam ko noong una. Sang-ayon ang isip kong tumuloy dahil isang pangangailangang pang-akademiko ang pupuntahan namin pero sa kabilang banda, hindi ganoon kapursigido ang katawan ko dahil sa hindi magagandang kuwentong-kutserong una ko nang narinig. Nariyan ang kuwentong tumutulo raw ang sipon (kung tatanggalin ang eupemismo’y “uhog” naman talaga) ng mga kabataang Aeta, papahirin ng Nanay saka ka lalagyan ng kanin at ulam sa pinggan mo. Yayakapin ka ng kabataang Aetang may kung anu-anong insektong gumagapang sa buhok o kung minsan nama’y may hindi magandang amoy. Hindi ka patutulugin ng huni ng kung anu-anong hayop sa gabi. Walang ilaw at tubig kaya wala kayong magagawa kundi pagtiisan ang baho ng nagsisiksikan ninyong mga katawan sa sasakyan. At pinakamalala, walang palikuran kaya sa madadawag na talahiban ka lang makaiihi at makadudumi. Hindi naman ako masyadong maselan, bagamat di umiinom sa istrong nalawayan na ng iba, pero kung ganito kapatung-patong ang pagsubok na haharapin ko sa pakikipamuhay, parang ang hirap pasanin. Gayunpaman, udyok na rin ng magkatulad na diwang makabayan at pansarili, tumuloy na ako at nag-abang na lang sa susunod na mangyayari. Bahala na kung saan ako dalhin ng pakikipamuhay.

Dahil mas inalala ko pa kung paano makakapanood ng Jewel in the Palace sa susunod na dalawang gabi, lalo pa't tagisan na nina Lady Choi at Han, kaysa pagtuunan ang pag-iimpake, gumayak akong hindi gaanong handa. Ni hindi ko nga naalalang dumumi gayong may defecating complex (ang tawag ko sa pakiramdam ng kagyat na pananakit ng tiyan matapos kumain na ang tanging sagot ay ang pagdumi) pa naman ako. Matapos ang dalawang oras ding biyahe, narating na namin ang Sitio San Martin sa Bamban, Tarlac. Di tulad ng inaasahan kong primitibong pamumuhay, masasabing nasinagan na ng kaunlaran ang komunidad. Matatag na nakatayo ang tahanan ng mga “kapatid” (ang siyang marapat itawag sa mga Aeta at hindi “baluga” gaya ng iginigiit ng isa kong kasama) na kung hindi yari sa pawid ay sementado at karamiha'y dinadaluyan na ng kuryente bagamat ilaw lang ang karaniwang pinaggagamitan. Dahil may mga tahanan na ring may telebisyon, DVD player at sound system, hindi nahuhuli ang mga katutubo sa kung ano ang uso sa kapatagan. Tinatanggap nila sa pamamagitan ng midya ang katulad na impormasyong tinatanggap natin. Tinutunghayan nila ang katulad na mga piniratang panooring tinatangkilik natin. At sumasayaw sila alinsunod sa pinakahuling dance craze na pinagkakaguluhan natin. Bagamat iilan lang ang nagmamay-ari ng nabanggit na mga kasangkapan, nakakasabay ang lahat dahil itinuturing ng mga residenteng kamag-anak ang isa’t isa. Gaano man kalayo ang tahanan ng isang pamilya sa kanyang kapwa, lagi at laging may relasyon siyang mababanggit. Kapatid ang katabing bahay, tiya at tiya ang katapat, pinsan ang lahat ng madaanan. Bukod sa mga ito, may isa ring day care center na nagsisilbi sa mga nais matuto. Pangalawang tahanan ito ng mga kabataang nais matuto ng mga batayang kaalaman sa ilalim ng mga malaguro at ng mga matatandang nais matuto ng katulad ding aralin o ng kapaki-pakinabang na kasanayan sa pamamagitan ng distance learning sa radyo. Sa panganagsiwa naman ito ng Office for Community Development o OCD ng Unibersidad ng Santo Tomas. Pagdating sa aspektong panrelihiyon, mamamalas sa komunidad ang iba’t ibang samahang naglalayong palaganapin ang Mabuting Balita sa mga katutubo. Kristiyano ang karamihan sa mga ito kaya karaniwan nang tanawin ang mga pagtitipong tinatampukan ng masasayang pag-awit ng papuri sa Diyos. Ngunit sa kabila nito, masasabing nananatili pa rin ang pagka-Katoliko ng mga Aeta, patunay ang isang kapilyang Katolikong pinagtutulungan nilang itayo.

Iba’t ibang paraan ang ginagawa ng mga katutubo upang mabuhay. Pinakakaraniwan ang pag-uuling na nagkakahalaga ang isang sako ng P100. Mayroon ding mga nagsasaka at nag-aalaga ng mga hayop, tulad ng kalabaw, kambing at bibe na ang ila'y ipinagkaloob ng OCD upang paramihin at pagkakitaan. May ilan namang nagtitinda sa daan ng kanilang mga tanim, tulad ng papaya, mangga at kamote. May ilan ding nagmamay-ari ng sari sari store na karaniwang overpriced ang mga paninda dahil na rin siguro sa gastusin sa transportasyon.

Sa paglalakad, mapapansing maraming sasakyang paroo’t parito sa mga daan. Kung hindi sa mga dayong nag-aabot ng tulong sa mga katutubo, pag-aari ang mga behikulo ng mga kumpanyang lumilinang ng mga lupain sa kabundukan at nagtatayo ng kani-kanilang negosyo. Sa daan na lang patungo sa batis, kung saan kami naliligo tuwing umaga, nakakita kami ng isang tiwangwang na lupang nililinang upang gawin umanong swimming pool. Pinauunlad naman ang isang bahagi ng tabing-bundok para gawing resort. At binili ang ilang ektaryang lupain sa kabundukan upang pagtamnan ng mangga. Sa isang banda, kapaki-pakinabang ang mga pagbabagong ito dahil makatutulong sa kabuhayan ng mga katutubo bukod pa sa higit silang mahahantad sa makabagong pamumuhay na siyang susi upang makasabay sa mga hamon ng nagbabagong panahon. Ngunit sa kabilang banda, unti-unti rin nitong ninanakaw ang kanilang lupain nang di nila namamalayan.

Pagdating sa sitio, nagtalaga ng pagpapares sa mga kasapi ng pangkat. Sa ganitong paraan kami ipinamahagi sa mga pamilyang kukupkop sa amin sa susunod na tatlong araw. Noong una, inakala naming magkakapitbahay lang kami ngunit nang maglaon, napagtanto naming magkakalayo pala kami. Mahaba ang nilalakad ng bawat isa bago makarating sa tahanan ng mga kasama. Sa halos magkabilang dulo ng sitio itinalaga ang dalawa sa pitong pares ng aming pangkat. Parusa ito sa kanila dahil kapag nagpapatawag ng mga pagpupulong ay mula UST hanggang riles ng Espanya yata ang kanilang nilalakad. Mabuti na lang at maganda ang lokasyon ng tahanan namin dahil nasa gitna. Bagamat nakaharap ito sa bangin (kaya pag dilat ng mga mata namin sa umaga ay mga bundok, ulap at bituin ang unang bumubungad sa amin), madali namang marating ang lahat mula rito. Ito ang tahanan nina Nanay Aida.

Si Nanay Aida ay isang balong may limang anak. Namatay ang kanyang asawa dahil sa sakit (na pinaniniwalaan kong tuberkulosis kung susuriin ang mga sintomas na kanyang binanggit) na hindi naipagamot bunsod ng kawalan ng pera. Kasama namin sa kanyang tahanan ang kanyang ina at apat na anak na lalaki. Humiwalay na ang kanyang panganay na babae matapos makapangasawa. Noong una kaming dumating, agad niya kaming inalok kumain. Nagpapakulo sila noon ng mga buto ng isang hindi pamilyar na puno sa likod-bahay na kung tawagin nila'y ‘kardis’ (marahil ay kabilang ito sa lahi ng pods batay sa itsura). Dahil ngayon lang kami nakakita ng ganoong halaman, hindi agad kami sumunggab at sa halip ay pabalat-bungang nagbukas ng dalawang Century Tuna upang pagsaluhan ng lahat. Agad din niya kaming tinanong kung may dala ba kaming kape at asukal na ikinalungkot naman namin dahil wala. Mula sa kanya ay nabatid kong napakamahal ng mga bilihin sa kanilang komunidad. Kung paniniwalaan ang kanyang kuwento, ang isang salop ng bigas na karaniwang naglalaro lamang sa P20-30 sa atin ay P50 sa kanila. P40 naman ang isang pakete ng kape na wala pang P20 sa atin. Overpriced din ang asukal, karne, maging ang sitsirya. Dahil dito, hindi nakapagtataka kung hindi man malinaw ang konsepto ng ulam sa kanila. Basta’t may kanin na binudburan ng asin, ayos na. Kung wala man, maaari raw silang humiram ng isa o dalawang gatang sa kanilang mga kapitbahay sa kondisyong papalitan kapag sila naman ang nagkaroon.

Pagsapit ng gabi'y nangangapitbahay kami (ang totoo niya’y ako lang naman ang may pakana) upang makipanood ng Jewel in the Palace. Sinasamahan kami ni Nanay Aida sa bahay ng anak niyang may TV na malapit lang sa amin. Sa ikalawang gabi ng pakikipanood namin, may isang pangyayaring pumukaw ng aking pansin. Walang patid sa pag-ubo ang apo ni Nanay Aida hanggang sa halos sumuka na ito. May ilang bote ng gamot at bitamina ang anak ni Nanay Aidang nakuha raw nila bilang kapalit ng pagtulong sa mga medical mission. Ito ang siyang ipinaiinom nila sa batang maysakit. Gayunpaman, nang sinuri ko ang gamot, nagulat ako nang malamang para ito sa sipon at hindi sa ubo (dahil nasal decongestant). Ito marahil ang dahilan kung bakit tila hindi nalulunasan ang matinding pag-ubo ng bata at sa halip ay lalo pang lumalala. Dahil dito, nadagdagan ang alalahanin ko nang gabing iyon. Ang una'y ang sunud-sunod na pagkatalo ni Jang Geum sa tagisan nila ni Lady Choi at ang isa pa’y ang pagkatuklas na umiinom ang mga katutubo ng gamot na di nila batid kung para saan, na matagal na nilang ginagawa, marahil. Lalo akong nalungkot dahil wala akong naitulong kundi magbigay ng mga teorya kung paano malulunasan ang sakit; hindi man lang ako nakapagdala ng gamot para sa napakakaraniwang sakit na ubo.

Bago iwan ang pamilya ni Nanay Aida, iniwan namin ng aking katambal ang dala naming ilang kilong bigas at iba pang kalakal bilang tanda ng pasasalamat. Hangad naming makatulong sa pagtustos sa mga pangangailangan ng pamilya kahit sa sandaling panahon lang. Nabuo rin sa akin ang hangaring magbalik sa komunidad at sa pagkakataong iyon, titiyakin kong makakapagdala na ako ng higit nilang mga pangangailangan.

Isang karanasang tunay na hindi ko malilimutan ang pakikipamuhay sa mga kapatid na Aeta. Isang magandang pahinga mula sa nakapapagod na akademya. Isang alaalang habambuhay kong ipagpapasalamat. Tinuruan ako nitong hindi lamang gamitin kung ano ang mayroon ako para sa ikauunlad ng aking sarili kundi sa pag-aambag din sa ikabubuti ng iba. Tinuruan ako nitong pahalagahan ang lahat ng biyayang natatamo ko dahil hindi lahat ay pinagkakalooban at di natin batid na bawat isang sinasayang nati'y malaki palang tulong sa iba. Nasaksihan kong ang pagsusumikap lamang ang tanging paraan upang mabigyang-katuparan ang mga pangarap. Nakatagpo ako ng isang kaibigang nagturo sa akin na ang kabutihan ng puso ang siyang pangunahing pamantayang dapat nating hinahanap sa mga taong nagnanais at ninanais nating maging bahagi ng ating buhay, higit sa ano pa man. Higit sa lahat, lalo kong minahal ang edukasyon dahil namalas ko ang kapangyarihan nitong baguhin ang buhay, hindi lamang ng isang indibidwal, kundi ng isang buong komunidad.
Tulad ko noong una, marami sa atin ang nag-aalangang makipamuhay sa mga katutubo. Gayunpaman, bakit natin pag-alangan ang isang karanasang hahaplos sa ating kaluluwa at mag-iiwan dito ng mga di-mapapawing aral?

No comments:

Post a Comment