Friday, October 9, 2009

Salin sa Filipino ng Inaugural Speech ni Barrack Obama, Pangulo ng Amerika at Nobel Prize Laureatte


Mga kababayan ko:

Ako’y nasa harap ninyo ngayon, may pagpapakumbaba sa tungkuling sa ati’y naghihintay, puno ng pasasalamat sa tiwalang inyong ipinagkaloob, malay sa mga sakripisyong pinagdaanan ng ating mga ninuno. Pinasasalamatan ko si Pangulong Bush sa pagsisilbi niya sa bansa, gayundin sa pagiging bukas-palad at pakikiisa sa transisyong ito ng pamamahala.

Apatnapu’t apat na Amerikano na ang nanumpang pangulo. Binigkas ang panunumpa kung kailan namamayani ang kasaganahan at kapayapaan sa bansa. Gayunpaman, sa tuwina na lang ay tinutupad ang sumpa sa gitna ng mga unos na sa ati’y sumusubok. Sa mga sandaling ito, nananatili tayong nakatayo hindi lang dahil sa kakayahan o kahandaan ng mga nasa kapangyarihan kundi dahil Tayong mga Mamamayan ay nanatiling tapat sa mga paniniwala ng mga lumalang sa atin at totoo sa isinasaad ng mga dokumentong nagtatag sa atin.

Nagkagayon na nga. Nakarating tayo sa kasalukuyang henerasyon ng mga Amerikano.

Ganap na ngayong nauunawaang tayo’y nasa panahon ng krisis. Ang ating bansa ay nakikidgma laban sa sanga-sangang karahasan at poot na malayo na ang nararating. Lubhang nanghina ang ating ekonomiya hindi lamang dahil sa kasakiman at kawalang-pananagutan ng ilan, kundi dahil din sa pangkalahatang kabiguan nating makagawa ng mabibigat na pasya at maihanda ang bansa sa makabagong panahon. Maraming nawalan ng tahanan; maraming natanggalan ng trabaho; maraming nagsarang negosyo. Naging napakamahal ng pangangalaga sa ating kalusugan; lubhang marami ang di-makapasok sa ating mga paaralan; at bawat araw na lumilipas, lalong napapatunayang ang paggamit natin ng enerhiya ay higit lamang nakapagpapalakas sa ating mga kalaban at nagbabanta sa ating daigdig.

Ang mga ito ang mga pananda ng isang krisis, na inaayunan ng mga datos at estadistika. Bagamat hindi gaanong nasusukat, isang simbigat na suliranin ang pagkawala ng tiwala ng mga mamamayan bunsod ng di-maalis na takot na wala nang makapipigil sa pagbagsak ng Amerika at hindi na makakapangarap nang mataas ang susunod na henerasyon.

Ngayon, sinasabi ko sa inyong totoo ang mga pagsubok na ating kinahaharap.

Seryoso ang mga ito at sadyang marami. Hindi madaling mahaharap ang mga ito o malulutas sa maikling panahon lang. Ngunit tandaan mo, Amerika: mapagtatagumpayan ang mga pagsubok.

Sa araw na ito, nagtitipun-tipon tayo dahil pinili natin ang pag-asa sa halip na takot, ang pagkakaisa ng mga layunin sa halip na pagtutunggali ng mga ito at di-pagkakasundu-sundo.

Sa araw na ito, nagsasama-sama tayo upang ihayag ang pagtapos sa mga walang-kabuluhang daing at sa mga bulaang pangako, ang mga putik na ibinabato at gasgas na paniniwalang sumakal sa ating pulitika sa nakalipas na mahabang panahon.

Nananatili tayong isang batang bansa, ngunit ayon nga sa wika ng Banal na Kasulatan, dumating na ang panahon upang isantabi ang mga gawaing pangmusmos. Dumating na ang panahon upang pagtibayin ang ating di-nagmamaliw na diwa; upang pumili ng isang mas magandang kasaysayan; upang isulong ang isang mahalagang biyaya, ang isang dakilang kaisipang ipinapasa-pasa sa bawat salinlahi: ang pangakong binitiwan ng Panginoon na lahat ay pantay, lahat ay malaya at lahat ay nararapat magkaroon ng pagkakataong abutin ang kanilang ganap na kaligayahan.

Sa muling pagkilala sa kadakilaan ng ating bansa, natatalos nating hindi ito bastang ipinagkaloob sa atin. Ito’y pagsisikapan nating matamo. Kailanman, ang ating paglalakbay ay hindi naging pagpili sa mas madaling daan o sa pagiging masaya sa kung ano na lang ang mayroon.

Hindi ito naging landas para sa isang duwag – para sa mga taong higit na pinipili ang paglilibang kaysa paggawa o hinahabol lang ang kasiyahang dulot ng kayamanan at kabantugan. Sa halip, ang mga taong sumubok, kumilos, lumikha ng mga bagay – ilan sa kanila’y kilala ngunit mas karaniwan, mga taong di-maunawaan sa kanilang ginagawa – ang umakay sa atin sa mahaba at mabatong daan tungo sa kasaganahan at kalayaaan.

Para sa atin, dinala nila ang ilan nilang mga ari-arian at naglakbay sa mga karagatan upang tumuklas ng bagong buhay.

Para sa atin, nagtrabaho silang mabuti at inihanda ang Kanluran; tiniis nila ang hagupit ng latigo at nilinang ang matigas na lupa.

Para sa atin, lumaban sila at namatay sa mga lugar tulad ng Concord at Gettysburg; Normandy at Khe Sahn.

Muli’t muli, ang kalalakihan at kababaihang ito’y nagsikap at nagsakripisyo at kumilos hanggang sa malamog ang kanilang mga kamay upang magtamasa lang tayo nang mas mabuting buhay. Nakita nila ang Amerika nang higit pa sa mga pinagsama-samang pangarap ng bawat isa sa atin; higit pa sa lahat ng ating mga pagkakaiba-iba sa kapanganakan, yaman o pangkat na kinabibilangan.

Ito ang paglalakbay na ipinagpapatuloy natin ngayon. Nananatili tayong pinakamaunlad at pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig. Lalong naging mabunga ang ating mga manggagawa sapul nang magkaroon ng krisis. Lalong naging malikhain ang ating mga isip, lalong kinailangan ang ating mga produkto’t serbisyo noong nakalipas na linggo, buwan o taon. Hindi nababawasan ang ating kakayahan. Gayunpaman, siguradong lumipas na ang mga yugto ng kawalan ng paninindigan, pangangalaga sa mabababaw na interes at pagbuo ng mga di-tamang pasya. Simula sa araw na ito, dapat tayong tumayo, ihanda ang ating mga sarili at muling simulan ang paglikha sa bagong Amerika.

Saanmang dako natin ibaling ang ating paningin, may gawaing dapat tapusin. Nananawagan ng pagkilos ang ekonomiya, at kikilos tayo nang matapang ngunit banayad hindi lang upang makalikha ng mga bagong trabaho kundi upang maglatag ng bagong pundasyon para sa paglago. Magtatayo tayo ng mga daan at mga tulay, ang mga nagsisilbing kawad ng kuryente at kable ng teleponong bumubuhay sa ating mga negosyo at nagbubklod sa atin. Muli nating iluluklok ang agham sa dapat nitong kalagyan at lulubusin ang mga biyaya ng teknolohiya upang maitaas ang kalidad ng pangangalagang pangkalusugan at maibaba ang halaga nito. Lilinangin natin ang araw at ang hangin at ang kalupaan upang paandarin ang ating mga sasakyan at pakilusin ang ating mga pabrika. Babaguhin din natin ang ating mga paaralan, kolehiyo at unibersidad upang makatugon sa mga kahingian ng makabagong panahon. Lahat ng ito’y magagawa natin. Laht ng ito’y gagawin natin.

Sa kasalukuyan, may mga kumukuwestyon sa mga hangganan ng ating mga pangarap, may mga nagsasabing hindi kayang pangatawan ng kasalukuyan nating sistema ang napakaraming malalaking plano. Madali silang nakalimot. Nabura na sa kanilang alaala kung ano na ang nagawa ng bansang ito; kung ano ang maaaring maabot ng malalayang kalalakihan at kababaihan kapag pinagsama-sama ang kanilang pagkamalikhain at tapang tungo sa iisang layunin.

Ang hindi nauunawaan ng mga walang-sampalataya ay hindi na umaayon sa kanila ang mga pangyayari – hindi na angkop ang kanilang mga nilulumot na paninindigang pampulitikang matagal na nating pinakikinggan. Hindi na natin ngayon tinatanong kung lubha bang malaki o maliit ang ating pamahalaan, kundi kung ito’y kumikilos – kung tinutulungan ba nito ang mga pamilyang makahanap ng trabahong may sapat na kita, abot-kayang pangangalagang-pangkalusugan, pagreretirong may dignidad. Kung saan oo ang sagot, doon tayo magpapatuloy. Kung saan hindi ang sagot, wala tayo roong programang sisimulan. At tayong mga nangangasiwa sa kaban ng bayan ay papapanagutin – upang gumastos nang nararapat, magtama ng mga buktot na gawi, magtrabaho nang matuwid – sapagkat ito lang ang paraan upang muling maibalik ang tiwala sa pagitan ng mga mamamayan at kanilang pamahalaan.

Hindi rin itinatanong kung kabutihan ba o kasamaan ang pinaggagamitan ng mga pamilihan.Hindi matatawaran ang kakayahan nitong magbunga ng kayamanan at magpalawig ng kalayaan, ngunit pinaaalalahanan tayo ng krisis na ating kinahaharap na kapag hindi nabantayan, maaaring mawalan ng kontrol ang pamilihan – at hindi magtatagal ang kasaganahan ng isang bansang kumikiling lamang sa mayayaman. Ang tagumpay ng ating ekonomiya’y hindi lamang laging nakasalalay sa kabuuang laki ng ating gross domestic product, kundi sa naaabot ng ating yaman; sa kakayahan nating magbigay ng pagkakataon sa mga pusong nakahandang sumubok – hindi dahil sa pagkakawanggawa kundi dahil ito ang tiyak na daan tungo sa kagalingang panlahat.

Para naman sa ating pangkalahatang kaligtasan, isang kamalian ang pagpili sa pagitan ng ating seguridad at ating mga paniniwala. Bagamat naharap sila sa mga panganib na hindi natin mawawatasan, bumuo ang ating mga Amang Tagapagtatag ng isang kasunduan upang matiyak ang kapangyarihan ng batas at ng mga karapatang pantao, isang kasunduang pinalawig pa ng mga sakripisyo ng bawat henerasyon. Ang mga paniniwalang iyon ay nagdudulot ng liwanag sa daigdig at hindi natin isusuko ang mga iyon para lang mapadali ang ating buhay.Kaya naman para sa lahat ng mga mamamayan at pamahalaang sumasaksi sa atin ngayon, mula sa pinakamariringal na punong-lungsod hanggang sa maliliit na baryo kung saan isinilang ang aking ama: Tandaan ninyong ang Amerika’y kaibigan ng bawat bansa at tao, ng bawat babae at batang naghahangad ng kapayapaan at dignidad, at nakahanda na kaming muling mamuno.

Alalahaning hinarap ng mga naunang salinlahi ang pasismo at komunismo hindi lang gamit ng mga baril at tangke, kundi ng matatatag na alyansa at di-nagmamaliw na mga paninindigan. Naunawaan nilang hindi lang kapangyarihan ang makapagsasanggalang sa atin at hindi rin ito nagpapahintulot na gawin natin ang anumang maibigan. Sa halip, napagtanto nilang lalong lumalago ang kapangyarihan sa maingat na paggamit nito; nag-uugat ang ating seguridad mula sa katarungan ng ating ipinaglalaban, sa bisa ng ating halimbawa, sa nakapagpapapayapang mga katangian ng pagpapakumbaba’t pagtitimpi.

Tayo ang mga tagapag-ingat ng pamanang ito. Sa muling paggabay ng mga prinsipyong ito, magagawa nating tugunan ang bagong bantang nangangailangan ng higit na lakas, ng lalong matibay na pakikipagtulungan at pag-uunawaan sa pagitan ng mga bansa. Sisimulan natin ang responsableng pagbabalik ng Iraq sa mga mamamayan nito, at ang pagtataguyod ng kapayapaan sa Afghanistan. Sa tulong ng mga dati nang kaibigan at dating mga kaaway, walang-pagod tayong kikilos upang maibsan ang bantang nukleyar at mabura ang larawan ng isang umiinit na daigdig. Hindi natin ihihingi ng tawad ang ating paraan ng pamumuhay o mag-uurung-sulong sa pagtatanggol nito, at sa mga nagbabalak isulong ang kanilang mga balakin sa pamamagitan ng pananakot at pagpatay sa mga walang-malay, tandaan ninyong mas matatag na ang diwa namin at hindi ito masusupil; hindi n’yo kami madadaig at tatalunin namin kayo.

Ito’y dahil naniniwala kaming isang kalakasan ang mga hinabi naming kalinangan, sa halip na isang kahinaan. Kami’y isang bansa ng mga Kristiyano at Muslim, ng mga Hudyo at Hindu at ng mga walang pananampalataya. Hinuhubog kami ng bawat wika at kulturang hinango sa bawat sulok ng mundong ito; at dahil natikman na natin ang pait ng digmaang sibil at pagbubukod-bukod ng mga lahi ngunit nagawang makaahon sa madilim na yugtong iyon nang may higit na lakas at pagkakaisa, hindi namin maiwasang maniwalang maglalaho rin ang matatandang alitan; na mabubura rin ang pagitan sa bawat tribo; na kasabay ng pagliit ng mundo’y ang pagpapakilala ng iisang katauhan; na dapat gampanan ng Amerika ang papel nito sa pagbibigay-daan sa bagong yugto ng katiwasayan.

Sa mga Muslim, tumutuklas kami ng bagong daan pasulong ayon sa mga interes na pinagsasaluhan natin at nakabatay sa paggagalangan.Sa mga pinuno naman saanmang dako ng daigdig na nagbabalak maghasik ng di-pagkakaunawaan, o isisi ang mga sakit ng kanilang lipunan sa Kanluran: Tandaan ninyong huhusgahan kayo ng inyong mga mamamayan hindi sa kung ano ang inyong winasak, kundi sa kung ano ang inyong nilikha. Sa mga pinunong nagkakapit-tuko sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pangungurakot at panloloko at pagpapatahimik sa mga tumutuligsa sa kanila, tandaan ninyong nasa maling panig kayo ng kasaysayan; ngunit nakahanda kaming tumulong kung nais ninyong magbago.

Sa mga mamamayan ng mahihirap na bansa, nangangako kaming kikilos kasama ninyo upang lumago ang inyong mga taniman at makadaloy ang malinis na tubig; upang mabigyang-sustansya ang mga payat ninyong katawan at mapatalas ang mga isip na uhaw sa karunungan. Sa mga bansa namang tulad naming sagana, hindi na namin mapapalampas ang kawalan ng malasakit sa kahirapan sa labas ng aming estado; hindi rin namin magagawang gamitin ang mga pinagkukunang-yaman ng daigdig nang hindi isinasaalang-alang ang magiging bunga nito. Ito’y dahil nagbago na ang mundo at dapat tayong magbago kasabay nito.

Sa pagpili sa daang ating tatahakin, alalahanin natin nang may pagpapahalaga ang magigiting na Amerikanong hanggang sa mismong sandaling ito’y nagbabantay sa malalayong disyerto at mga liblib na kabundukan. May dapat silang ibahagi sa atin ngayong araw, gaya ng ibinubulong ng mga nahihimlay na bayani sa Arlington sa mga nakalipas na panahon. Pinararangalan natin sila hindi lang dahil sila ang tagabantay ng ating kalayaan, kundi dahil kinakatawan nila ang diwa ng pagsisilbi; ang pagnanais na makatagpo ng kabuluhan nang higit pa sa sarili. Sa sandaling ito – isang sandaling magbibigay-kahulugan sa isang salinlahi – iyon mismo ang diwang dapat pumaloob sa ating lahat.

Higit pa sa maaaring gawin at dapat ginagawa ng isang pamahaalaan, sa pananampalataya at determinasyon ng mga mamamayang Amerikano tunay na nakasalalay ang bansang ito. Nagbibigay-liwanag sa gitna ng dilim ang kabutihan ng pagpapasakay sa isang estranghero kapag siya’y nasiraan, gayundin ang pagiging di-makasarili ng mga manggagawang mas nanaisin pang mabawasan ang oras ng kanilang pagtatrabaho kaysa makitang nawawalan ng hanapbuhay ang isang kaibigan. Nasa katapangan ng isang bumberong sumusuong sa nasusunog na hagdanan, gayundin sa pagnanais ng isang magulang na arugain ang kanyang anak, ang huling pagpapasya sa ating kapalaran.

Maaaring bago ang ating mga pagsubok. Maaari ring bago ang mga kasangkapang gamit natin upang matugunan ang mga ito. Ngunit ang mga pagpapahalaga kung saan nakabatay ang ating tagumpay – pagsisikap at katapatan, katapangan at pagiging patas, pagkabukas ng isip at pagtatanong, katapatan at pagkamakabayan – ay pawang pinanday na ng panahon. Pawang totoo ang mga pagpapahalagang ito. Ang mga ito ang nagsilbing tahimik na lakas na nagpalago sa ating kasaysayan. Ang kinakailangan, samakatuwid, ay ang pagbalik sa mga katotohanang ito. Ang hinihingi sa atin ngayon ay isang bagong yugto ng pananagutan – ang pagkilala ng bawat Amerikanong may mga tungkulin siya sa kanyang sarili, bansa at daigdig; ang mga tungkuling hindi natin tinatanggap nang may inis sa halip ay inaako nang may saya ay nagpapatibay lang sa paniniwalang wala nang makapagpapaganap pa sa ating kaluluwa kaysa pagbibigay ng buo nating makakaya sa pagsasakatuparan ng isang mahirap na tungkulin. Sadyang sinasalamin nito ang ating pagkatao.

Ito ang gantimpala at pangako ng pagkamamamayan.

Ito ang pinagmumulan ng ating tiwala sa sarili – ang karunungang inaasahan sa atin ng Panginoon upang mahubog ang isang bukas na walang katiyakan.

Ito ang kabuluhan ng ating kalayaan at ating paniniwala – kung bakit ang kalalakihan, kababaihan at kabataan ng bawat lahi at pananampalataya’y maaaring magsama-sama sa loob ng dakilang bulwagang ito, at kung bakit nagagawa na ng isang taong tumayo sa harap ninyo ngayon upang bumigkas ng napakabanal na sumpa gayong hindi pinagsilbihan ang ama niya sa isang lokal na kainan 60 taon na ang nakalilipas.

Ipagdiwang natin ang araw na ito nang may pag-alala sa kung sino tayo at kung gaano na kalayo ang ating narating. Sa taon ng pagkasilang ng Amerika kung kailan sagad ang lamig ng mga buwan, isang maliit na pulutong ng makakabayan ang nagsama-sama sa dalampasigan ng isang nagyeyelong ilog. Ang punong-lungsod ay iniwan.Parating na noon ang mga kaaway. Tumilamsik ang dugo sa mga niyebe. Sa isang sandali kung saan nawalan ng katiyakan ang kahahantungan ng ating pag-aalsa, iniutos ng ama ng ating bansang bigkasin ang sumusunod na pahayag sa mga mamamayan:

“Hayaan ninyong mabatid ng mga tao sa hinaharap… na sa kalaliman ng taglamig, kung kailan walang maaaring mabuhay kundi pag-asa at pagpapahalaga… ay nagsama-sama ang mga bayan at bansa upang harapin ang iisang panganib.

Amerika. Sa harap ng iisang panganib, sa malamig na panahong ito ng mga paghihirap, alalahanin natin ang mga pananalitang nabanggit. Muli nating harapin ang mga nagyeyelong alon at suungin ang anumang bagyong darating nang may pag-asa at pagpapahalaga. Hayaan ninyong masabi ng mga anak ng ating mga anak na noong panahong tayo’y sinubok, hindi natin tinalikuran ang paglalakbay na ito, na hindi tayo sumuko o pinanghinaan ng loob; at gamit ng mga paninging nakatanaw sa panginorin at ng mga biyaya ng Panginoon, tinangan natin ang dakilang kalayaang inihandog sa atin at ipinasa ito nang may pag-iingat sa mga sumunod sa atin.

No comments:

Post a Comment